Pinoy Weekly

Isang komprehensibong kritika sa SONA ni PNoy

Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)

Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation. (Ilang-Ilang Quijano / PW File Photo)

Marami nang nagsilabasang mga pagsusuri sa State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Benigno Simeon Aquino III, mahigit isang linggo matapos ito ipahayag ng pangulo. Pero tila wala pa ring kaliwanagan: Ano ang kabuluhan nito sa pang-araw-araw na buhay ng ordinaryong mga mamamayang Pilipino?

Kinapayam ng Pinoy Weekly ang progresibong ekonomista na si Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, isang independyenteng institusyon ng pananaliksik hinggil sa ekonomiya at pulitika ng bansa, upang magbigay ng alternatibong pagtingin at sagutin ang ilan sa mahahalagang punto na laman ng SONA ni Aquino.

‘Paglago’ raw ng ekonomiya, walang nakadarama

Maraming ipinagmalaki si Aquino na datos sa kanyang SONA. Kasama rito ang 6.4% na paglago umano ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa, ang pag-unlad daw ng international credit ratings, ang rekord sa stock market, at maging sa pagsabi na creditor nation na ang bansa. Pero para kay Africa, pawang hindi ito ang mahalaga sa mga mamamayan.

Ang reyalidad: nananatiling baon sa utang ang gobyerno at ang bansa.  Nasa PhP5.1-Trilyon pa rin ang utang ng kasalukuyang gobyerno, sa tala nitong Mayo 2012 na PhP564.8-Bilyon na mas mataas noong Hunyo 2010 na nasa P4.6-T. Ang kasalukuyang panlabas na utang ng bansa ay nasa $62.9-B na tala noong Marso 2012. Sa halagang ito, 77%  ang utang ng gobyerno. Malaki ito ng $5.6-B noong Hunyo 2010 na nasa $57.3-B.

“Kahit sabihin nating totoo ang datos na iyon, hindi ito ang mahalaga para sa mga mamamayan. Kaya kapansin-pansin iyon, sa kabilang banda, wala siyang maiulat na makabuluhan hinggil doon sa pag-unlad sa kalagayan ng mga tao,” ayon kay Africa.

Panandaliang ‘lunas’ ni PNoy

Inihayag ni Aquino sa kanyang SONA ang pagkakaroon ng tatlong milyong bahay ang mga benepisyaryo ng Pantawid-Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng administrasyon at lumalawak pa raw ito.

Pero ipinaliwanag ni Africa na panandalian lamang ang benepisyo ng naturang programa. Katunayan, pagkatapos ng programa’y wala pa ring makukuhang trabaho ang mga benepisyaryo. Mananatili silang mahirap hangga’t walang nalilikhang trabaho ang gobyerno.

“Gustong ipalabas (ni Aquino) na kapag magbibigay siya ng conditional cash transfer (ay) parang naangat na sa kahirapan ang mga pamilyang ito. Totoo, sa limang taon na nabigyan sila ng cash transfer malaking ginhawa sa kanila iyon. Pero kapag natapos na sila sa programa at kinakaharap nila ang ekonomiya at wala pa ring nalilikhang trabaho o dekalidad na trabaho, mananatili pa rin silang mahirap,” paliwanag ni Africa.

Hindi malinaw kung paano maiaangat sa kahirapan ang unang dalawang milyong pamilyang benepisyaryo sa programa sa 2013 kapag wala na silang natatanggap na cash transfer. Lumalala pa rin ang krisis sa ekonomiyang hindi nakakapaglikha ng trabaho para sa kanyang lakas-paggawa.

Nagdagdagan ang walang trabaho

May napag-alaman din si Africa: mali ang datos na ipinakita ni Aquino sa usapin ng empleyo.

Sabi ni Aquino, nakalikha ang kanyang administrasyon ng 3.1 milyong trabaho sa loob ng dalawang taon ng panunungkulan. Pero sa monitor ng Ibon sa datos mismo ng gobyerno, lumalabas na 2.4 milyong trabaho lamang sa aktuwal na nalikha, ani Africa.

Ilan sa 2.4 milyong trabahong nalikha sa pagitan ng Abril 2010 at Abril 2012 o may average lamang na 1.2 milyong trabaho kada taon.

Paliwanag pa ni Africa, hindi tamang pagsamahin o isuma ang “nalikhang” trabaho sa dalawang taong ito. Seasonal kasi ang karakter ng labor market ng ekonomiya, ayon kay Africa. Ibig sabihin, pansamantala lamang ang nalikhang trabaho para sa maraming manggagawa. At pagkatapos ng takdang panahon, muling mawawalan ng trabaho ang mga manggagawang ito. Sa susunod na taon, maaaring makakuha muli sila ng seasonal na trabaho. Kaya lumaki ang bilang ng gobyerno ni Aquino, naulit kasi ang pagbilang sa kanilang may “bagong trabaho” bawat season.

“Puwedeng nagkamali siya [sa pagbigay ng datos sa empleyo] o mali ang datos na ibinigay sa kanya. Pero kung maalala natin halos ikatlong taon na ito sa napakasusing datos ng unemployment ay mali-mali ang ulat ng pangulo. Parang ang hirap paniwalaan na hindi siya natututo roon. Kaya para sa amin, sadyang nagbibigay ng maling larawan sa kalagayan ng kawalan ng trabaho ang pangulo upang ipalabas na may pag-angat sa buhay ng mga mamamayan,” paliwanag ni Africa.

Gayunman, ang bilang ng full-time na manggagawa ay bumagsak nang 865,000. Pinupunan ito ng mas malaking 3.2 milyong pagtaas sa bilang ng mga may part-time na trabaho na mababa ang sahod, walang kaseguruhan sa trabaho at walang benepisyo. Ang resulta: ang part-time na trabaho ay tumaas na bumibilang sa apat sa sampung (43%) trabaho sa ekonomiya o 16.2 milyong sa 37.8 milyong may trabaho.

Samantala, mas marami ang nalilikhang trabaho sa ibang bansa kaysa sa loob ng Pilipinas. Aabot sa isang  milyong trabaho ang nalikha sa pagitan ng Abril 2011 at Abril 2012 kumpara sa rekord na 1.7 milyon Pilipino ang nadedeploy sa ibang bansa sa 2011 o nasa average na 4,559 ang lumalabas sa bansa araw-araw.

“Mas dapat inulat niya (Aquino) na lumaki ang bilang ng unemployed at underemployed sa panunungkulan niya. Humigit-kumulang sa 800,000 ang naidagdag na walang trabaho at kulang ang trabaho sa dalawang taon. Ano mang sabihin na magagandang palatandaan ng pag-unlad, sa pinakasimpleng usapin ng paglikha ng de-kalidad na trabaho, hinding-hindi naging nagtagumpay ang administrayon. Bagkus, nadagdagan pa nga [ang problema sa empleyo],” sabi pa ni Africa.

Sa gitna ng krisis sa empleyo, umabot sa 11.7 milyong Pilipino ang walang trabaho o underemployed o ’yung may mga trabaho na mababa sa kuwalipikasyon nila. Mas malaki nang 780,000 ang halagang ito kumpara sa 10.9 milyong underemployed noong Abril 2010.

Ang unemployed  at underemployed ay binubuo ng 27.7% (11.5 milyon) ng lakas paggawa sa taong 2011, sabi ng Ibon. Gusto nilang itama ang opisyal na datos ng National Statistics Office dahil sa kuwestiyonableng komputasyon ng huli sa unemployed at underemployed mula pa noong 2005.

Mas naging tama ang larawan sa empleyo ng SONA kung inireport ang 5.5 milyong batang manggagawa o child workers sa bansa sa pagitan ng edad na lilma hanggang 17-anyos noong 2011. Katumbas ito ng halos isa sa kada limang (19%) kabataang edad lima hanggang 17-anyos. Sa bilang na ito, 3 milyong batang nagtatrabaho ang nasa mapanganib na kalagayan.

Hindi sagot ang BPO

Malaki ang problema ng administrasyon kung umaasa ito sa business process outsourcing (BPO) para lumikha ng trabaho. Sa ngayon, nasa 39 hanggang 40 milyong Pilipino ang nasa labor force. Kaya kahit sa pinakamaksimum na makakalikha ng isang milyong na trabaho ang mga kompanyang BPO, kulang na kulang ito sa pangangailan ng ekonomiya natin, ayon kay Africa.

“Nagmumukhang malaki din ang sinasabing revenues ng BPO pero sa laki ng ekonomiya natin kung ikukumpara, hindi pa umaabot ng 2 hanggang 3 prosiyento lang ng ekonomiya ang mula sa BPO,” sabi ni Africa. Napakaliit ng bahagi ng employment sa kabuuang labor force at napakaliit ng bahagi ng ekonomiya ang mga BPO. Hindi umano dapat iasa ang pag-unlad ng bansa at paglikha ng trabaho sa BPOs.

“Sana nabanggit din niya (Aquino), na nabanggit na ni Secretary Abad bago ang SONA, target na (nila) ang 40% na pagtaas sa badyet ng state colleges and universities (SUC) para magkaroon ng dekalidad na work force para sa mga BPO. Sa esensiya, ang sina-subsidize ng gobyerno ay ang foreign BPO firms sa Pilipinas,” ayon kay Africa.

Dagdag pa niya, Humigit kumulang 85 porsiyento na investment sa mga BPO ay dayuhan. Pinapalabas na investment umano ito sa de-kalidad na mataas na edukasyon, pero hindi ito totoo, ani Africa. Subsidyo umano ito para sa mga BPO.

“Mismong si Abad ang nagsabing isang tunguhan ng badyet increase ay para mag-improve ng work force para sa mga BPO,” paliwanag ni Africa.

Repormang agraryo di prayoridad kay Aquino

Hindi ikinagulat ni Africa ang pagbibigay ng maliit na atensiyon sa SONA ng pangulo ang usapin sa repormang agraryo dahil sa dalawang punto: (1) Sa esensiya, pamilya ni Aquino (pamilyang Cojuangco) ang unang tatamaan dahil sa usapin ng Hacienda Luisita; at (2) Wala siyang maipagmamalaki sa usapin ng repormang agraryo.

“Batay sa datos galing sa Department of Agrarian Reform, sa kumputasyon ng Ibon, ang Aquino administration ay may pinakamabagal na land distribution accomplishments sa lahat ng mga post-Marcos na gobyerno,” ayon kay Africa.

Nasa average lamang ng 9,324 ektarya ang naipamahagi kada buwan sa 2011 kumpara sa 9,342 ektarya na ipinamahagi ni Arryo (2001-2010). Umabot naman sa 10,106 ektarya ang kay Estrada (1999-2000), habang 16,878 ektarya naman ang kay Cory Aquino (1988-92), at 24,759 kay Ramos (1993-1998).

Ikalawa, ang adiministrasyong Aquino may pinakabababa-sa-target na naipamahaging lupa. Umaabot lamang sa 55.9% sa target area para sa distribusyon ang naipamahagi niya, kumpara sa 56.4% ni Corazon Aquino, 73.5% ni Estrada, 82.6% ni Ramos at 82.9% ni Arroyo, ayon kay Africa.

Lumiit din ang rice production ng bansa noong nakaraang taon, sabi ni Africa, bilang pasubali sa estadistika ni Aquino sa usapin ng kakulangan sa bigas. Sa kanyang SONA, ipinagmalaki ng pangulo ang posibilidad ng pag-eeksport ng bansa.

“Ang totoong polisiya ng administrasyon sa bigas ay iliberalisa ito. Kahit na mayroon itong kaunting drama na gustong baguhin ang liberalization sa ilalim ng World Trade Organization, ang reyalidad ay nasa balangkas ng administrasyong Aquino ng privatization ng National Food Authority ang tanggalin ang tuwirang suporta ng gobyerno sa domestic rice industry,” ayon kay Africa.

May di-totoo rin sa mga sinabi ni Aquino sa usapin ng pag-eeksport ng bigas, ayon kay Africa. “Hindi ibig sabihin na mag-eeksport ng bigas ay sobra-sobra na ang bigas ng Pilipinas sa kanyang pagkunsumo. Ang mga mamahaling variety ng bigas ay siya lamang ieeksport na hindi talaga mabebenta dito dahil walang pera ang mga Pilipino,” paliwanag ni Africa.

Philhealth, negosyong solusyon

Sa talumpati ni Aquino, ipinagmalaki rin niya ang pagkakaroon daw ng 85% sakop ng Philhealth. Pero hindi patunay ng datos na ito na patungo ang bansa sa universal health care (o serbisyong pangkalusugan na abot-kamay sa lahat) dahil napakababang benepisyo nila, ayon kay Africa.

“Dapat nilinaw niya (Aquino), yung coverage ng Philhealth. Ang pagiging miyembro, hindi ibig sabihin buung-buo mong makukuha ang benepisyo. Ang sukatan dapat ay nakakatanggap ng libre at komprehensibong serbisyong pangkalusugan ang mga mamamayan,” ayon kay Africa.

Sa nakaraang mga taon, dahil sa kaunting benepisyong naibibigay ng Philhealth, kahit 40% ng populasyon ang sakop, umabot sa 7% lamang ng kabuuang gastusin ng miyembro ang nasusubsidyuhan ng Philhealth. Halos 60% naman ang mula sa bulsa ng mga mamamayan. Kahit sabihin nating idoble ang covered ng 40% to 85%, maksimum 15% coverage pa rin at humigit kalahati pa rin ang out-of-pocket, paliwanag ni Africa.

“Hindi tamang palatandaan ng universal health coverage ang membership sa Philhealth. Ang dapat niyang binibigay na ulat, magkano ang ginagastos ng pamilya at magkano ang sagot ng gobyerno. Sa ganitong klaseng mga indicator, bagsak na bagsak talaga ang coverage ng Philhealth,” ayon kay Africa.

Ayon sa Ibon, inilulubog ng administrasyong Aquino ang sektor ng publikong ospital at nagtataguyod ng mga ospital na dominante ng mga pribadong ospital nakatuon sa pagkamal ng kita. Ang plano ng gobyerno upang bawasan at sa kalauna’y tuluyang tanggalin ang badyet sa publikong ospital kahit na ang mas mahal na pribadong ospital ay binubuo na ng anim sa bawat 10 ospital sa bansa.

Badyet sa SUCs: Badyet para sa dayuhang interes

Malaking dahilan kung bakit pinalaki ang badyet sa mga SUC sa 43.61% ay dahil sa tindi ng protesta ng kabataang estudyante, kawani at ilang administrador. Dahil dito, tinamaan si Aquino sa dami ng kaltas badyet sa mga SUC noong nakaraang taon, ayon kay Africa.

“Saan mapupunta ang budget increase na iyan? Ang plano ng CHED (Commission on Higher Education), iayon ang higher education ng bansa, kabilang ang SUCs, sa Philippine Development Plan 2011-2016. Malaking problema ito. Ang mga nakahanay na sektor sa PDP ay anti-nationalist. Hindi ito mga negosyong Pilipino. Ang pokus nito ay ipihit ang ekonomiya, rekurso nito, lakas-paggawa nito, ang hilaw na mga materyales, para sa foreign investors,” pahayag ni Aquino.

Kung ano man ang dagdag na badyet ng gobyerno para sa SUCs ay dagdag na badyet para ipatupad ang plano ng CHED na plano para sa higher education na hindi naman tungo sa pag-unlad ng Pilipinas kundi para sa pagsusubsidyo ng foreign investors sa Pilipinas ayon sa PDP, paliwanag ni Africa.

“Bagamat magandang pakinggan ang dagdag na badyet, tanungin pa rin: Para saan ang dagdag na badyet? ’Yan ba ay para sa ikauunlad ng Pilipinas? Hindi. Para sa ito sa pagsulong ng PDP na anti-Pilipino na development plan sa ating bansa,” ayon kay Africa.

Bagamat sinabing tutugunan ng administrasyong Aquino ang kakulangan sa klasrum, upuan, at libro, walang binanggit si Aquino na dapat makamit ang zero backlog sa kakulangan ng guro na siyang pinakamahalaga, ayon kay Africa.

“Sa mga binanggit niya na pagtugon sa backlog ng mga upuan, klasrum, at libro, mga one-shot-deal ’yan. Ang tanong, kung sa susunod na taon, magkakaroon ba ng bagong backlog? Kung nag-increase siya ng items para sa mga guro na sa tantiya ng Alliance of Concerned Teachers na nasa 133,000 ang backlog, sana’y mas may komitment siya. Kasi ibig sabihin taun-taon hindi na nya puwedeng atrasan yan,” ani Africa.

Negosyong pabahay para kay Juan

Wala ring binago si Aquino sa usapin ng pabahay. Nananatili ang ilang milyong backlog sa buong Pilipinas, ayon kay Africa.

“Sa halip na magbago ng balangkas, magbigay ng abot-kaya na pabahay para sa mamamayan, ang taktika pa ring gumamit ng private developers. Ang housing badyet ay esensiyang subsidyo para sa private developers. Kung private developers ang hihingan ng proyekto, siyempre’y papatungan nila iyan. Kaya pinagkakakitaan nila ang housing program,” ayon kay Africa.

Nasa 3,551,431 ang kabuuang tantiyang kakulangan sa pabahay sa 2013 –  kalahati dito’y sa National Capitol Region (1,076, 149 yunit o 30%). Ang iba, nasa Calabarzon (408,315 yunit o 11%) at Gitnang Luson (289,857 yunit o 8%). Tinataya ring aabot ito sa 5,732,454 sa taong 2016. Gayunman, sa huling PDP, ang target na pabahay ng gobyerno ay nasa 1,377,612 yunit sa 2013 o 39% lamang ng backlog, ayon sa datos ng Ibon.

Dinambong na kalikasan

Hindi pinahaba ang tungkol sa pagmimina dahil sa Executive Order 79 (utos ni Aquino hinggil sa pagmimina), luminaw ang tungkol sa adyenda ng administrasyong Aquino: Magkaroon ng bahagi ng kita doon sa mining firms para sa kanyang administrasyon.

“Hindi ito (EO 79) para paunlarin ang minerals ng Pilipinas, ng industriya (mining) at maglikha ng pambansang industriyalisasyon. May rekurso ang Pilipinas, at dapat ang Pilipinas ang nakikinabang at ang pakinabang na ’yan ay lagpas pa sa makukuha sa pag-eksport sa ibang bansa. Ang totoong pakinabang diyan, dapat ipinoproseso ito ng pambansang industriya para sa sariling gamit natin,” ayon kay Africa.

Dagdag ni Africa, lumalabas na ang tanging mining policy ni Aquino ay makibahagi ang gobyerno niya sa pandarambong ng yamang mineral ng bansa.

Mahal na enerhiya, pangunahing problema

Sa usapin ng enerhiya, wala ring simpleng paliwanag si Aquino kung paano reresolbahin na ang problema ng kuryente sa Pilipinas. May pinakamahal na singil sa kuryente sa buong Asya ang Pilipinas. Sa kabila ito ng pagmamalaki sa SONA ni Aquino sa pagpapailaw ng mga sityo sa Pilipinas, banggit ni Africa.

“Sekundaryo ang electrification dahil batay din ito sa naabot ng nakaraang mga administrasyon. Hindi siya puwedeng magyabang na dahil sa kanya kung bakit lumalaki ang coverage ng electrification. Pangunahin pa ring usapin kung ano ang solusyon niya sa kabuuang power crisis at mataas na power rates,” ayon kay Africa.

Walang intensiyon na atrasan ni Aquino ang pribatisasyon sa industriya ng kuryente. Dahil wala siyang sinabing babaguhin niya ito. Sa esensiya, ipinagtitibay niya ang patakaran ng power privatization kaya mananatiling mataas ang presyo ng kuryente sa ating bansa, ayon kay Africa.

Usapin ng sakuna, kahirapan ang tugunan

Naging tampok din sa SONA ang “Project Noah” para sa disaster risk reduction sa bansa.

“Sa reyalidad sa Pilipinas, hindi natural disasters ang pangunahing problema. Nandiyan na ’yan at walang makakapigil kung magkakabagyo, magkakaulan o magkakahangin. Ang pangunahing usapin: Ano ang nalikha na kondisyon sa ibaba kung bakit bulnerable yung mga tao?” ani Africa.

Bulnerable umano ang mga tao dahil hindi sa kakulangan ng programa sa risk reduction kundi dahil nasisira ang mga kagubatan nila, dahil wala silang trabaho at wala silang kita. Ang kahirapan ng mga mamamayan ang siyang dahilan kaya nahihirapan silang harapin maghanda sa mga sakuna. Sekundaryo na ang usapin ng reaksiyon sa kalamidad.

Pagtaas ng badyet ng AFP, pakinabang ng US at administrasyong Aquino

Ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines, lalo na para sa external defense ay napasimulan  noong panahon pa ni Arroyo, aniya. Kung kaya masasabing may script o balangkas na na sinusundan ang administrasyong Aquino na isulat na ng US Defense Department at administrasyong Arroyo noong 2001.

Ayon kay Africa, ang paglaki ng badyet ng armadong puwersa ay malinaw na bahagi ng estratehiya ng US na  itinakda noong 2001-2002 na magkaroon ng katuwang ang US para harapin ang China sa South China Sea.

“Ang paglaki ng badyet ay hindi effort ng Aquino government. Udyok ito ng US na kailangan niya ng katuwang sa South China Sea. Ang paglaki ng badyet para sa AFP ay hindi para sa pagdepensa ng Pilipinas, kundi kung paano niya magagampanan ang kanyang (Pilipinas) papel sa kabuuang estratehiya ng imperyalismong US sa rehiyon para rendahan ang paglawak ng impluwensiya ng Tsina,” ayon kay Africa.

Paliwanag pa niya, ipinapakita rin ng paglaking badyet sa AFP ang pagbibigay-prayoridad sa mga bagay na hindi naman talaga kailangan ng bansa. Dapat umano’y ito’y ituon pa ito sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan.

Sinabi pa ni Africa na isang paraan din ito ni Aquino para konsolidahin ang kontrol niya sa AFP, sa mga heneral, sa mga rank-and-file. Tiyak ang suporta sa kanya kung bubuhusan lamang ni Aquino ang AFP ng pondo.

“Sinasabing para sa Pilipinas ito, (pagtaas ng badyet ng AFP) – patriyotismo, nasyunalismo. Subalit huwad na patriyotismo ito. Pagsuporta ito sa imperyalismong US,” pahayag ni Africa.

SONAng madaling malimutan

Ayon kay Africa, madaling makalimutan ng publiko ang SONA ni Aquino. Wala siyang sinabing bago. Nagawa na rin ito ni Arroyo: ang litanya ng mga estadistika hinggil sa napagawang mga kalsada at iba pang imprastraktura, at ano pa mang programang mayroon at ipinapatupad daw ang administrasyon.

“Mas magiging memorable ang SONA kung tumindig si Pangulong Aquino sa kanyang mga boss: ‘Dedepensahan ko kayo laban sa mga dayuhan, ipagtataguyod ko ang interes ninyo laban sa mga malalaking kapitalista.’ Pero dahil wala siyang sinabing ganoon, wala siyang sinabing bago, ilang araw lang makakalimutan din ng mga tao ang kanyang SONA,” pagtatapos ni Africa.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=20881

Pher Pasion Posted by on Aug 4 2012. Filed under Features. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

2 Comments for “Isang komprehensibong kritika sa SONA ni PNoy”

  1. Aira

    kung ang pagbabasehan po ay ang panuntunan sa pagsukat ng kaunlaran ng mga bansa… makikita talaga na umunlad ang ekonomiya… ibat ibang paraan ang ginagamit dito subalit marami sa atin ang hndi nakakaalam ng bagay na ito… nabubulagan tayo sa kung ano ang naririnig….

  2. kung may umunlad man, sa tagal na pagseserbisyo, eh di dapat kahit kalahati utang lang ay nababayaran. Hindi naman sa may bias na ang ibang tao kundi uhaw lang talaga tayo sa mga pangakong d natutupad…

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Features (285 of 872 articles)