Embahada ng US, sinugod ng LFS sa kanilang ika-35 anibersaryo

Tinangkang makalapit ng kabataang aktibista sa ilalim ng League of Filipino Students (LFS) ang embahada ng US para iprotesta ang anila’y patuloy na mala-kolonyal na kontrol ng US sa bansa at patuloy na pagpapakatuta umano ng administrasyong Aquino sa dikta ng Amerika. Sinabay ng LFS ang protestang ito sa ika-35 anibersaryo ng naturang organisasyon ng […]

Nakipaggitgitan ang militanteng kabataan ng League of Filipino Students sa mga pulis na nagbantay sa embahada ng US sa Manila. Para sa LFS, kataksilan ng pulisya at ng gobyerno ang patuloy na pagsilbi sa gobyerno ng US, sa kapahamakan ng mga Pilipino. (Pher Pasion)

Tinangkang makalapit ng kabataang aktibista sa ilalim ng League of Filipino Students (LFS) ang embahada ng US para iprotesta ang anila’y patuloy na mala-kolonyal na kontrol ng US sa bansa at patuloy na pagpapakatuta umano ng administrasyong Aquino sa dikta ng Amerika.

Sinabay ng LFS ang protestang ito sa ika-35 anibersaryo ng naturang organisasyon ng kabataang estudyante.

Bilang kilalang anti-imperyalistang organisasyon ng mga mag-aaral, simbolikong sinunog ng mga miyembro ng LFS ang watawat ng US na anila’y ugat ng paghihirap ng sambayanang Pilipino.

Ayon sa grupo, ang pakikialam ng gobyerno ng US sa ekonomiya at politika ng bansa ang nasa likod ng anti-mamamayang mga polisiya tulad ng komersyalisasyon sa batayang mga serbisyo kasama ang edukasyon.

“Walang ibang interes na isinusulong ang pakikialam ng Amerika sa bansa kundi sarili nitong interes at ng mga kapitalista. Walang nais ang gobyerno ng Amerika kundi gawing huthutan tayo ng hilaw na materyales at dambungin ang ating mga likas na yaman,” paliwanag ni Vencer Crisostomo, lider-kabataan ng Anakbayan at dating tagapangulo ng LFS.

Makikita umano ito sa kapapatupad lamang na programang K+12, na nagpapahaba sa batayang edukasyon ng kabataan. Ani Crisostomo, layon ng programang ito na gawing balon ng semi-skilled na mga manggagawa ang bansa na wala halos na benepisyo at mababa ang pasahod.

Pagsusunog ng kabataang aktibista sa watawat ng US na simbolo umano ng imperyalismo. (Pher Pasion)
Pagsusunog ng kabataang aktibista sa watawat ng US na simbolo umano ng imperyalismo. (Pher Pasion)

Sinabi naman ni Miguel Cruz ng LFS-High School, hindi magpapalinlang ang militanteng kabataan sa tunay na interes ng Amerika sa pakikialam sa Pilipinas.

“Hangga’t may kabataang mulat sa kasaysayan ng bansa, hindi tayo habambuhay na malilinlang ng interes ng gobyerno ng Amerika. Kung nais na magpalawak ng impluwensya ang US dito sa Asya sa kanilang sariling pang-ekonomiya at politikal na interes at pangangailan, asahan nila ang malawak na pagtutol ng kabataan at mga mamamayan,” ani Cruz.

Pahayag ng LFS, hindi nila hahayaan na makialam o itulak ng Amerika ang charter change o ang pag-amyenda sa konstitusyon ng Pilipinas para sa interes nito.

“Hindi natin hahayaan na ang magmamay-ari ng mga lupain dito sa Pilipinas ang mga dayuhan. Hindi natin hahayaan na mga dayuhan ang magpapatakbo ng mga unibersidad at patuloy na lasunin ang kaisipan ng mga Pilipino,” sabi pa ni Cruz.

Sinabi pa niyang hindi hahayaan ng kabataang na ang mga dayuhan gaya ng Amerika ang kumontrol at magmay-ari sa Pilipinas.

“Hindi natin hahayaan na ang administrasyong Aquino ay patuloy na magpakatuta sa gobyerno ng Amerika na yurakan ang karapatan at pahirapan ang sambayanang Pilipino,” dagdag ni Cruz.