Pagbawal na manganak sa bahay, tinutulan ng sektor pangkalusugan
Ipinakita ng sektor pangkalusugan ang kanilang pagtutol sa pagpapatupad ng No Home Birthing Policy ng administrasyong Aquino sa isang piket-rali sa harapan ng Department of Health (DOH) sa pangunguna ng Kilos Bayan para sa Kalusugan (KBK). Layunin ng No Home Birthing Policy na inilabas ng DOH noong 2008 ang pagbabawal sa panganganak sa mga bahay. […]

Ipinakita ng sektor pangkalusugan ang kanilang pagtutol sa pagpapatupad ng No Home Birthing Policy ng administrasyong Aquino sa isang piket-rali sa harapan ng Department of Health (DOH) sa pangunguna ng Kilos Bayan para sa Kalusugan (KBK).
Layunin ng No Home Birthing Policy na inilabas ng DOH noong 2008 ang pagbabawal sa panganganak sa mga bahay. Ayon sa DOH, sa mga ospital o klinika na lamang dapat manganak ang mga buntis para matiyak ang buhay at kalusugan ng ina at sanggol.
Ayon sa KBK, dahil daw sa tumataas na insidente ng pagkamatay ng mga ina dulot ng mga kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak, ipinagbabawal na ng DOH ang panganganak sa bahay sa tulong ng mga kumadrona at traditional birth attendant (TBA) o ang mga hilot.
Sinabi ng DOH na sa mga ospital o klinika na lamang dapat manganak upang matiyak ang buhay at kalusugan ng ina at sanggol.
Solusyong wala sa reyalidad
Pero hindit ito ang nakikitang solusyon ng sektor pangkalusugan upang tugunan ang problema.
“Hindi lapat sa reyalidad ang solusyon nilang nakikita at gagawin. Unang-una, bakit? Kasi sinasabi nila na sa may facilities manganak ang mga nagbubuntis. Sa mga kumunidad na napakalayo, hindi kakayanin ng mga ina na pumunta pa doon para magpa-check-up at manganak,” ayon kay Teresa Quinawayan ng Midwife Council for Health and Development, isang non-government organization na katuwang sa community based health programs sa buong bansa.
Ayon kay Quinawayan, nasa top 2 ang Pilipinas sa may pinakamaraming namamatay dahil sa kumplikasyon ng mga ina na nagbubuntis at nanganganak, at hindi nababawasan ng No Home Birthing Policy ang bilang ng namamatay sa panganganak.
Sinabi pa ng KBK na walang bisa ang No Home Birthing Policy kung walang kaukulang pagpapahusay sa pampublikong pasilidad para sa mga buntis at sanggol.
Sa halip, ang DOH ay aktibong nanghihikayat ng midwives at nurses para magtayo ng pribadong mga lying-in clinic o klinikang pang-anakan bilang kongkretong hakbang ng patakarang No Home Birthing. Ito ay tiyak na tutungo sa ibayong pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan.
“Bagamat wasto ang layuning pababain ang bilang ng mga kababaihang namamatay sa panganganak, hindi ang No Home Birthing Policy ang lulutas sa suliraning ito kundi ang pagtitiyak na may komprehensibong programa ang gubyerno sa maternal and child care,” pahayag ng KBK.
Sinabi pa nila na sa kalagayang halos walang pasilidad at mga health personnel na mapupuntahan ang mga buntis lalo na sa liblib at malalayong mga lugar ng bansa, ang mga rehistradong komadrona at kahit ang tradisyonal na mga manghihilot ang nagpupuno sa mga pagkukulang na ito ng pamahalaan.
Napag-iwanan
Ayon kay Quinawayan, nais din gawin ito ng DOH dahil doon sa United Nations Millennium Development Goals (MDGs) na pinirmahan ng Pilipinas noong 2000. Nasa ika-4 at ika-5‘’yung matanggal ang mortality rate ng mga inang nagbubuntis.
Ang MDGs ay ang walong layunin na pinagkasunduan ng lahat ng 191 miyembrong estado ng UN na kanilang maisasakatuparan sa taong 2015. Pinirmahan ito noong Setyembre 2000 na naglalayong labanan ang kahirapan, kagutuman, sakit, illiteracy, pagkasira ng kapaligiran at diskriminasyon sa mga kababaihan.
“Hinabol kasi nila ang MDGs na magtatapos sa 2015. Mula 2000 ay bigo talaga ang nais nilang kamtin na mabawasan ang mga inang namamatay dahil sa kumplikasyon sa pagbubuntis. At ang solusyon nila na No Home Birthing Policy ay hindi solusyon. (H)indi ito lapat sa realidad at hindi lamang sa usapin ng kahandaan,” binigyang-diin ni Quinawayan.
Nagtataka din umano sila kung bakit pati ang mga sanay na manghihilot ay tinanggalan din ng karapatang pagpaanak.
“Bakit hindi sila mas i-equip o dagdagan ang kanilang kaalaman at kakayahan? At ’yung mga iba pang health professionals, midwives, (tulungan) para kapag nagpunta sila sa komunidad at mag-home setting sila, handa sila sa dapat gawin kapag maranasan nila na magkaroon ng kumplikasyon ng isang buntis?” mga tanong ni Quinawayan.
Sec. Ona, pinagbibitiw
Ayon sa naturang grupo, lantaran ang pagiging sunud-sunuran ni Health Sec. Enrique Ona at Pangulong Aquino sa mga dikta ng malalaking negosyanteng lokal at dayuhan.
Anila, sa halip na bigyan ng sapat na pondo ang kalusugan, ginagawa nitong negosyo ang dapat sana’y mga libreng serbisyo.
“Ilang taon na rin si Sec. Ona na nandiyan sa puwesto na kanyang pinapangalandakan ay ang PhilHealth at PPPs (Public-Private Partnerships). Mula sektor pangkalusugan, nananawagan na kami: Kung hindi nya kaya ang responsabilidad na binigay sa kanya at kung hindi niya papansinin ang hinaing ng mga mamamayan sa kanya ay magbitiw na lang siya sa puwesto,” ani Quinawayan.
“Kung totoo sa loob nila na bawasan ang bilang ng mga inang namamatay dahil sa kumplikasyon sa panganganak, magdagdag sila ng sapat na pondo para sa usapin ng kalusugan ng mga mamamayan dito sa Pilipinas,” pagtatapos niya.