Super health centers na dapat napakikinabangan ng Pinoy, hindi nagagamit
Nalantad ang mga hindi tapos at hindi gumaganang mga Super Health Center na nasa ilalim ng programa ng Department of Health. Nag-iwan ito sa atin ng tanong: Saan napunta ang ating buwis?
Habang nililigalig ang bansa ng mga anomalya sa mga proyektong flood control, isang usapin ng iregularidad sa Department of Health (DOH) ang lumilitaw. Nasa 300 super health center (SHC) sa bansa ang naiulat na hindi nagagamit kahit tapos na ang konstruksiyon.
Ang mga SHC ay mga mas malaking bersiyon ng mga rural health unit na nagbibigay ng maraming uri ng serbisyong medikal. Kasama na dito ang outpatient care, birthing facilities, isolation rooms, pharmacy services at ambulatory service units. Mayroon ding diagnostic services tulad ng laboratory tests, x-ray at ultrasound.
Magiging mainam para sa mga Pinoy kung aktibo sa serbisyo ang mga pasilidad na ito upang tugunan ang matagal nang isyu ng mahabang pila at siksikan sa mga pampublikong ospital.
Sa ulat ng Inquirer.net, mayroon lang 196 SHC ang operational at 17 ang partially operational sa buong bansa noong Okt 17, 2025 batay sa datos ng DOH. Samantala, nasa 365 iba pa ang kasalukuyang itinatayo, dagdag pa ito sa mga non-operational na pasilidad.
Ani Health Secretary Teodoro Herbosa, nagsimula ang pagtatayo ng mga semi-hospital noong 2021 sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng DOH sa pakikipagtulungan ng mga pamahalaang lokal. Naglalayon aniya ang mga itong ilapit sa mga komunidad ang mga mas maayos na health center.
Sinuri ng Bulatlat ang mga General Appropriations Act sa mga nagdaang taon at nakitang nasa walong SHC ang ipinanukala noong 2021 sa ilalim ng nasabing programa ng DOH, ngunit simirit ang bilang sa mga sumunod na taon. Pinakamataas na naitala ang noong 2023 na may kabuuang 322 na planong itayong SHC na nagkakahalaga ng P3.2 bilyon.
Ano’ng mga dahilan?
Sa Cagayan de Oro City, hindi pa rin nagbubukas ang San Simon Super Health Center na nagkakahalagang P10 milyon kahit tapos na ang gusali dahil hindi pa nakakabitan ng kuryente at tubig na kinumpirma ng kapitan ng Barangay San Simon na si Fernando Edrolin. Sinimulan ang proyekto noong Mar. 7, 2024.
Ayon sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DOH Northern Mindanao at pamahalaang lungsod hinggil sa proyekto, responsibilidad ng huli ang aplikasyon ng permanenteng linya ng kuryente at tubig kapag natapos na ang konstruksiyon at nailipat na ang pamamahala nito. Hindi pa naililipat sa pamahalaang lungsod ang proyekto.
Responsibilidad din ng pamahalaang lokal ang magtalaga ng inhinyero na susubaybay sa pag-usad ng proyekto.
Ilang ulit sinubukan ng Bulatlat na makausap para sa komento si Joel Momongan, department manager ng Cagayan de Oro City Engineering Office, ngunit hindi pa rin siya tumutugon habang sinusulat ito.
Isa ang San Simon sa mga liblib na barangay na lubhang malayo sa sentrong lungsod. Aabutin ng humigit-kumulang 40 minuto ang biyahe. Samakatuwid, kung magiging aktibo sa serbisyo ang SHC, mapaglilingkuran din nito ang mga karatig na barangay na malayo sa sentro.
Dagdag na suliranin din sa usaping ito ang kawalan ng mga manggagawang pangkalusugan. Tinalakay ito sa pagdinig ng komite sa Senado sa badyet ng DOH para sa 2026.

Sabi ni Herbosa, maaaring makatulong ang National Health Workforce Support System ng DOH. Ngunit pinaalalahanan niya ang mga lokal na pinuno, lalo na sa mga lungsod, sa kanilang obligasyon na mag-empleyo ng mga manggagawang pangkalusugan para tumao sa mga pasilidad ayon sa kasunduan.
Halimbawa sa San Simon Super Health Center, tungkulin ng pamahalaang lokal ng Cagayan de Oro City ang pagkakaroon ng mga manggagawang pangkalusugan.
Samantala, batay sa pagsusuri sa mga General Appropriations Act, mayroong mga priority area ang National Health Workforce System. Kasama dito ang mga 5th- at 6th-class municipality, mga geographically isolated and disadvantaged area (GIDA), mga komunidad ng katutubong mamamayan, mga erya na mataas ang poverty incidence batay sa Philippine Statistics Authority at mga munisipalidad na hindi naabot ang Human Resources for Health standards.
Ipinunto ng Alliance of Health Workers (AHW) na ang malubhang kakulangan ng mga manggagawang pangkalusugan ang isa sa mga pangunahing problema sa sektor ng kalusugan dahil marami anilang napipilitang mangibang bansa para sa mga mas magandang oportunidad, habang ang iba nama’y tuluyan iniwan na ang propesyon dahil sa “nagpapatuloy na kapabayaan ng gobyerno.”
Sa isang pahayag, binatikos nila ang administrasyong Ferdinand Marcos Jr. sa hindi pagsama sa mga manggagawang pangkalusugan sa taas-suweldo habang binigyan ng 15% na umento ang mga military and uniformed personnel sa susunod na tatlong taon.
“Ang mga manggagawang pangkalusugan at iba pang sibilyang kawani ng pamahalaan, na naglilingkod din sa publiko sa ilalim ng peligrosong kalagayan, ay hindi na naman isinama at patulot na pinababayaan ng gobyeno,” pahayag ng AHW sa wikang Ingles.
Mega health center
Kuwento sa Bulatlat ni Teresita Tecson, 85, residente ng Sitio Macanhan, Barangay Carmen sa Cagayan de Oro City, masaya siya nang malamang magtatayo ng isang mega health center malapit sa kanyang tahanan. Para aniya ito sa may aksesibleng serbisyong medikal.
Ang dalawang palapag na mega health center na nagkakahalagang P65 milyon ay isang mas pinagandang bersiyon ng SHC na magkakaroon ng hemodialysis area na popondohan naman ang kagamitan ng pamahalaang lokal at hindi sa pamamagitan ng HFEP ng DOH.
Ngunit nananatiling hindi tapos ang proyekto. Sa katunayan, mga bakal na pundasyon lang ang makikita sa lugar hanggang ngayon. Tapos na dapat ang gusali noong Enero 2025.
Naging sentro ng usap-usapan ng mga residente ang isyu nang maipalabas ito sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho.
Nagpahayag ang Youth Act Now Against Tyranny-Cagayan de Oro ng pag-aalala sa nasabing ‘di tapos na proyekto. “Ang kamakailang pagkakalantad ng hindi tapos na Mega Health Center Building sa Sitio Macanhan na nagkakahalagang P65 milyon na mula sa kabang bayan ay nag-iwan sa atin ng tanong: Saan napunta ang ating buwis?”
Magkakasalungat ang mga pahayag ng mga sangkot na mas lalong nakalito sa marami.
Sa isang panayam sa iFM Cagayan de Oro, hindi umano nakatanggap ng bayad mula sa pamahalaang lungsod ang Nurben Engineering and Building Contractor kaya’t nahinto ang proyekto. Nakatanggap lang umano ang kontratista ng 15% ng kabuuang halaga ng proyekto para maging mobilization fund.
Sa kabilang banda, sinabi ng pamahalaang lungsod na naglabas ng sertipikasyong nagsasabing naglabas ng pondo ang City Accounting Office para sa karagdagang bayad sa kontratista para sa 15% natapos na trabaho noong Hul. 18, 2024.
Sinikap ng mga peryodista na hingin sa City Information Office ang kopya ng dokumento upang kumpirmahin na natanggap ng kontratista ang bayad, ngunit hindi pa rin naglalabas ang tanggapan ng impormasyon habang sinusulat ito.
“Sana’y agaran nang matapos,” ani Tecson sa Bulatlat sa wikang Binisaya, dahil kailangan pa nilang pumunta sa Barangay Carmen Health Center kapag kailangan nila ng serbisyong medikal na hindi kayang ibigay ng Macanhan Health Station, lalo ang libreng gamot.
Nangangamoy korupsiyon
Pinuna ng Kamara at Senado ang mga hindi tapos at hindi gumaganang pasilidad ng DOH sa mga pagdinig ng mga komite ng parehong kapulungan sa panukalang badyet ng kagawaran para sa 2026.
Noong Okt. 8, 2025, naghain ng resolusyon si Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima para himukin ang mga komite ng Kamara na magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y “misuse and abuse of public funds” sa pagpapatayo ng mga SHC.
Ipinapakita ng datos na ang rehiyon ng Calabarzon ang may pinakamaraming bilang ng mga proyektong SHC noong 2022, 2024 at 2025 na may kabuuang bilang na 84 na itatayong SHC na nagkakahalagang P760.5 milyon. Noong 2023 naman, Western Visayas ang may pinakamarami sa bilang na 48 na nagkakahalagang P480 milyon.
Maaaring lumahok ang mga ordinaryong Pinoy sa sa imbestigasyon matapos ilunsad ang Citizen Participatory Audit, bahagi ito ng pagusisa sa mga hindi tapos at hindi gumaganang SHC. Dagdag pa rito, maaari ring magpadala ng kompidensiyal na ulat ang mga residente sa DOH kung ang walang serbisyo ang SHC sa kanilang lugar.
“Higit sa lahat, dapat magising ang ating kolektibong diskontento upang magbuo ng malakas at sustenidong pagkilos tungo sa pagwawaksi sa sistematikong korupsiyon mula antas pambansa hanggang lokal,” sabi ng Youth Act Now Against Tyranny-Cagayan de Oro. /Unang inilathala ng Bulatlat noong Dis. 22, 2025. Salin ni Marc Lino J. Abila