Pambansang Isyu

Nagpetisyon sa Korte Suprema vs Cybercrime Law, nagkaisa


Nagkaisa ang iba’t ibang grupo na nagpetisyon sa Korte Suprema kontra sa Cybercrime Law na itutuloy ang laban sa nasabing batas, sa kabila ng umano’y tangka ng gobyernong Aquino na hatiin ang kanilang hanay. Noong Sabado, nagkaisa sa ilalim ng hastag na #NoToCybercrimeLaw ang mga kabataan, abogado, bloggers, mamamahayag, at grupong multi-sektoral na naghain ng […]

Nagkakaisang hanay ng mga mamamahayag, abogado, mambabatas, bloggers, new media advocates, kabataan kontra sa Cybercrime Law. (KR Guda)
Nagkakaisang hanay ng mga mamamahayag, abogado, mambabatas, bloggers, new media advocates, kabataan kontra sa Cybercrime Law. (KR Guda)
Nagkakaisang hanay ng mga mamamahayag, abogado, mambabatas, bloggers, new media advocates, kabataan kontra sa Cybercrime Law. (KR Guda)

Nagkaisa ang iba’t ibang grupo na nagpetisyon sa Korte Suprema kontra sa Cybercrime Law na itutuloy ang laban sa nasabing batas, sa kabila ng umano’y tangka ng gobyernong Aquino na hatiin ang kanilang hanay.

Noong Sabado, nagkaisa sa ilalim ng hastag na #NoToCybercrimeLaw ang mga kabataan, abogado, bloggers, mamamahayag, at grupong multi-sektoral na naghain ng kanya-kanyang petisyon para ibasura ang Cybercrime Prevention Law. Umabot na sa 11 ang mga isinampang petisyon sa korte.

Oktubre 9 protesta

Isang malaking kilos-protesta ang kanilang ikinasa sa Oktubre 9, ang susunod na en banc session ng Korte Suprema. Umano’y hindi aalis ang mga petisyuner sa tapat ng Korte Suprema hangga’t hindi ito nagdedesiyon sa hinihiling na Temporary Restraining Order.

Pinangungunahan ang mga petisyuner ng National Union of People’s Lawyers, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Atty. Harry Roque, Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Philippine Internet Freedom Alliance (PIFA), at Kabataan Party-list.

Paniwala ng mga petisyuner, hindi maisasalba ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang batas na labag sa mga karapatang nakasaad sa 1987 Konstitusyon.

Bidyo ni Fred Dabu

Ayon kay Kabataan Rep. Raymond Palatino, “kung gagawin itong priority ng House leadership,” may panahon pa na magpasa ang Kongreso ng isang batas na magbabasura sa Cybercrime Law bago ang recess sa Oktubre 19. Maghahain ang Kabataan ng panukalang batas para i-repeal ang ilang probisyon ng Cybercrime Law.

Isang Netizens Bill of Rights din ang isinusulong ng Kabataan bilang alternatibo sa Cybercrime Law.

Sang-ayon dito si Prop. Luis Teodoro ng CMFR, na nagsabing hindi sapat na amyendahan ang Cybercrime Law. Sa halip, maaari umano itong palitan ng isang batas na may mga probisyon para sa regulasyon sa Internet, “without impinging on free expression.” (na hindi sumasagka sa kalayaang magpahayag)

Idiniin ni Teodoro na ang Cybercrime Law ang “worst assault on free expression” (pinakamalalang atake sa kalayaang magpahayag) simula noong Batas Militar. Sinabi niyang apektado nito ang tinatayang 30 milyong regular na gumagamit ng Internet. “Pero hindi nila (gobyerno) kayang i-monitor ang lahat, kaya in all likelihood, they will be selective. Pipiliin nila yung mga kritikal sa gobyerno,” ani Teodoro.

Dismayado naman sina Atty. Roque at Nonoy Espina ng NUJP sa pahayag ni Pangulong Aquino na hindi nito tatanggalin ang probisyon hinggil sa libel sa Cybercrime Law.

“Heto na ata yung punto kung saan yung napakaraming sumuporta sa kanya ay hihiwalay na, tutungo sa tuwid na daan, habang siya (Aquino) ay magtutuloy-tuloy sa baku-bakong daan,” ani Atty. Roque.

Deklarasyon ng gera?

Inihalintulad naman ito ni Espina sa “deklarasyon ng gera” ni Aquino laban sa mga mamamayan.

Sinabi niya na hindi siya sang-ayon sa sinasabi ng ilang senador na hindi naman kasama ang midya sa matatamaan ng Cybercrime Law. “Paano yung iba (nating mamamayan), bahala na? Tinututulan namin ito hindi lang dahil nakakaapekto sa trabaho namin, kundi dahil nakakaapekto ito kahit sa pamumuhay ng mga anak namin,” sabi ni Espina.

Sang-ayon din si Kenneth Keng ng PIFA na apektado ang nasabing batas hindi lamang ang mga mamamahayag, kundi ang mga ordinaryong netizen. “I think everyone agrees on the right to free expression,” aniya. (Tingin ko, nagkakaisa tayong lahat sa karapatan sa malayang pamamahayag)

Nagbabala naman si Renato Reyes ng Bayan sa umano’y divide and rule tactics ng gobyernong Aquino. Aniya, “consuelo de bobo” na lamang ang dayalogo na ipinapatawag ng Department of Justice (DOJ) para sa paggawa ng IRR. Pinuna niya na ipinatawag ng DOJ ang nasabing dayalogo sa Oktubre 9, nakatakdang araw ng kilos-protesta laban sa Cybercrime Law.

Sinabi pa ni Reyes na posibleng may kinalaman sa divide and rule tactics ng gobyerno ang pag-hack kamakailan sa websites ng midya gaya ng Manila Bulletin para i-redirect sa Facebook Page ng Pixel Offensive, isang grupong sumikat sa paglalabas ng mga meme kontra sa Cybercrime Law. “Gusto nila (gobyerno) na pagaway-awayin ang midya at mga grupong kontra sa Cybercrime Law,” sabi ni Reyes.

Ibinahagi naman ni Atty. Rommel Bagares na kung sakaling hindi dinggin ng Korte Suprema ang mga petisyon, may isang paraan pa para maibasura ang batas: sa pamamagitan ng recall provision, na kailangan ng partisipasyon ng 10 porsiyento ng registered voters.

Aquino, ‘pinakamakikinabang sa batas’

Nanawagan naman ang blogger na si Tonyo Cruz sa mga netizen na samantalahin ang social media para iprotesta ang batas. “President Aquino is the single biggest beneficiary of this new law,” sabi ni Cruz. (Si Pangulong Aquino ang pinakamakikinabang sa batas na ito)

Kabilang din ang Pinoy Weekly sa mga organisasyon ng midya na nagpetisyon sa Korte Suprema.

Nakiisa rin sa #NoToCybercrimeLaw ang Computer Professionals Union, IBON Foundation, Bulatlat.com, Burgos Media Center, Concerned Artists of the Philippines, Pixel Offensive, Tangina This!, Anakbayan, Karatula, National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, Karapatan, Gabriela, Baluarte Artists Collective, All-UP Workers’ Union, Samahan ng mga Tunay na Makabayan, at iba pang grupo.