Kababaihan

RH Bill, itinutulak sa gitna ng badyet pangkalusugan na P1 bawat Pinoy


Itinutulak ng Gabriela ang kagyat na pagsisimula ng talakayan ng Kongreso sa mga amyenda sa Reproductive Health (RH) Bill, matapos maaprubahan ng Mababang Kapulungan ang 2013 pambansang badyet na naglalaan lamang ng P1.10 para sa kalusugan ng bawat Pilipino. Sa isang piket sa harap ng House of Representatives kahapon, binatikos ng grupo ang kawalan ng […]

Joms Salvador, secretary general ng Gabriela, sa piket sa Kongreso para igiit ang pag-amyenda sa Reproductive Health Bill (Mula sa bidyo ng Gabriela Women’s Party)

Itinutulak ng Gabriela ang kagyat na pagsisimula ng talakayan ng Kongreso sa mga amyenda sa Reproductive Health (RH) Bill, matapos maaprubahan ng Mababang Kapulungan ang 2013 pambansang badyet na naglalaan lamang ng P1.10 para sa kalusugan ng bawat Pilipino.

Sa isang piket sa harap ng House of Representatives kahapon, binatikos ng grupo ang kawalan ng serbisyong pangkalusugan para sa mahihirap na kababaihan at bata, lalo na sa pagtutulak ng gobyernong Aquino sa corporatization o pagsasapribado ng pampublikong mga ospital.

“May nagaganap na masaker araw-araw dahil sa kawalan ng serbisyong kalusugan para sa mga bata at kababaihan,” ayon kay Joms Salvador, deputy secretary general ng Gabriela. Tinutukoy niya ang datos na 11 kababaihan ang namamatay kada araw dahil sa mga kumplikasyon sa panganganak na madaling maiwasan. Gayundin, namamatay ang mga sanggol sa mga sakit na madaling magamot gaya ng sepsis, bronchitis, pneumonia, at diarrhea.

Ayon sa Gabriela, hindi katanggap-tanggap na maipapasa ang 2013 badyet nang hindi rin naipapasa ang RH Bill. “Magiging napakalaki na ng kasalanan ng mga mambabatas sa mga bata at kababaihan kung matapos maaprubahan ng kalunos-lunos na badyet pangkalusugan ay mai-etsapwera pa rin ang RH Bill,” dagdag ni Salvador.

Ngunit  nais ng grupo na tanggalin sa RH Bill ang probisyon hinggil sa pagkontrol sa populasyon.

Ayon kay Emmi de Jesus, isa sa mga awtor ng panukalang batas, “Dapat nang wakasan ang delaying tactics (sa RH Bill) at pumasok na sa pag-aamyenda. Kailangang pagsumikapan na tutugon ang RH Bill sa pangangailang pangkalusugan ng kababaihan at bata sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga probisyon na nagbabandila ng pagkontrol sa populasyon bilang sagot sa kahirapan.”