Editor's Pick Maralitang Lungsod

Bawat araw ang pangamba sa mga pasyente ng Philippine Orthopedic Center

Umaasa ang di-mabilang na mga maralita sa kahit papaano’y murang serbisyo-medikal ng pampublikong ospital na Philippine Orthopedic Center. Dahil salat sa pondo ang ospital, hirap pa rin ang mga pasyente sa gastos sa pagpapagamot. Pero kung matuloy ang plano ni PNoy na pagsasapribado rito, baka kahit makatapak sa loob ng Orthopedic, di na nila magawa

Hanggang sa corridor ng ospital, puno ng maralitang mga pasyente ang Philippine Orthopedic Center. Nangangamba silang tuluyang mapalayas dito kung isapribado na ito ng gobyerno. (KR Guda)
Hanggang sa corridor ng ospital, puno ng maralitang mga pasyente ang Philippine Orthopedic Center. Nangangamba silang tuluyang mapalayas dito kung isapribado na ito ng gobyerno. (KR Guda)

Labimpitung taon nang naka-confine si Mario Maniego sa Philippine Orthopedic Center (POC).

At hindi lang siya iyung pasyenteng pabalik-balik sa ospital. Isang araw noong 1996, matapos ang isang operasyon sa naipit na ugat sa leeg, nanatili na si Mario sa POC sa Quezon City. Naratay siya, di na makagalaw at kinabitan ng respirator. Dahil wala siyang perang pambili ng respirator, nanatili siya sa ospital. Nanatili siya nang 17 taon. Lumiit na ang kanyang paa, sa tagal na di nagagamit. At ang buhay ng kanilang pamilya, tuluyang dumausdos.

Ang kanyang asawang si Susan Maniego, buong-panahong bantay kay Mario sa POC mula 1996. Sabi niya, hindi sila makaalis dahil wala silang pambili, kahit ng second-hand na respirator na nagkakahalagang P450,000. Buong panahon, nakadepende sila sa ospital.

Batang pasyente ng POC. (KR Guda)
Batang pasyente ng POC (KR Guda)

“Dito na namin ginugol ang buong buhay namin (mag-asawa). Wala na akong magawa kundi umiyak, dahil hindi ko na alam kung saan kukuha ng panggastos niya sa pang-araw-araw. ‘Yung tatlong anak namin, magkakahiwalay nang lumaki sa mga kaanak. Hindi ko na naalagaan bilang ina. Masakit para sa akin (ito),” sabi ni Susan.

Marami sila, at nadaragdagan pa araw-araw. Dahil sa dumadausdos na kabuhayan ng maraming mamamayan, at sa kawalan ng sistema ng universal health care sa Pilipinas, dumarami ang dumedepende sa iilang – at kumakaunting – pampublikong ospital sa bansa. Pampublikong mga ospital ito na kahit papaano’y libre o kaya’y mura ang pagpapagamot.

Nanganganib ang iilang pampublikong ospital na ito ngayon – na maisapribado sa ilalim ng programang Public-Private Partnerships (PPP) ng administrasyong Aquino. Ang unang ospital na gustong sampolan ng gobyerno: ang Orthopedic, o POC.

Umaasa sa POC

Aabot sa 700 pasyente ang araw-araw na nagpapagamot sa out-patient department ng ospital at nasa 300 naman ang naitatala sa emergency room ng POC sa araw-araw. Nasa 95% ng mga ito ang mga mahihirap na Pilipino, ayon sa Alliance of Health Workers (AHW).

Maliban sa kanila, nandoon din ang mga tulad nina Mario, na buong panahong nakadepende sa paggamit ng respirator ng POC para mabuhay.

Si Rubelyn Mercurio, 25, taga-Tondo. Hindi umano siya inasikaso ng naaksidente sa kanya. Noong binisita ng Pinoy Weekly, nagpapagaling siya dahil sa bali sa kamay. (KR Guda)
Si Rubelyn Mercurio, 25, taga-Tondo. Hindi umano siya inasikaso ng naaksidente sa kanya. Noong binisita ng Pinoy Weekly, nagpapagaling siya dahil sa bali sa kamay. (KR Guda)

Sa kabila nito, ramdam ni Susan ang kakulangan sa badyet ng POC. Wala na ngang kabuhayan dahil sa sakit ng asawa, kinakailangan pa niyang gumastos ng P500 bawat linggo, dahil kailangang bumili ng diaper, gamot at pagkain sa labas. Pana-panahong naglalaba siya para mga nars sa ospital, kaya kahit papaano’y kumikita ng P150. Minsan, nagtitinda siya ng kape kahit piso lang ang tubo.

“Umaasa na lamang kami sa tulong. Para akong pulubi. ‘Yung rasyon ng pagkain dito, naghahati na lamang kaming dalawa. Kung may pambili ng lugaw, ’yung hindi niya maubos, ’yun ang kakainin ko. Umaasa na lang din kami talaga sa tulong ng mga madre (pana-panahong pumupunta sa ospital). Naghahati-hati pa kaming ibang pasyente. Kung 10 ang kailangan mong gamot gagawing lima na lang dahil kailangan din ng ibang pasyente,” ani Susan.

Malay si Susan sa ipinagyayabang ng maraming pulitiko na serbisyo-medikal: sa tagal na nakaratay ang asawa niya sa POC, di na niya mabilang ang mga pulitiko at ahensiyang nilapitan niya para humingi ng tulong.  Tingi-tingi, pero di talaga maibibigay nito ang serbisyo-medikal na kailangang ng isang maralitang pasyenteng tulad ni Mario.

“Kung wala kang pamasahe hindi ka makapunta. Kung makapunta ka naman laging wala sila tapos pababalikin ka. Makakailang balik ka pa tapos wala kang makukuha. Sa Senado lang kami nakakakuha minsan,” sabi pa ni Susan.

Umabot na sa mahigit  P1 Milyon ang utang nila sa POC sa respirator pa lamang. Nangangailangan si Mario ng P450,000 para magkaroon ng sariling respirator upang matigil ang paglobo ng kanilang utang.

Lalong kinakabahan si Susan kung matutuloy ang pagsasapribado ng POC. Alam na alam nila ang sistema sa mga pribadong ospital – walang serbisyo kung walang pambayad. Silang walang pambayad, tiyak na etsa-puwera sa isinapribadong POC.

Entrance pa lang may bayad na siguro. Maraming pasyente ang magmumukhang kawawa,” sabi pa ni Susan.

Luma ang mga pasilidad ng POC. Gumagamit pa rin sila ng tractions sa kanilang mga pasyente na may problema sa buto. (KR Guda)
Luma ang mga pasilidad ng POC. Gumagamit pa rin sila ng tractions sa kanilang mga pasyente na may problema sa buto. (KR Guda)

Daing ng mahihirap

Hindi pa man naisasapribado ang POC, at kahit na mura o libre ang serbisyong-medikal na ibinibigay nito, hirap na ang mga maralita sa karagdagang gastos sa pagpapagamot dito.

“Puro utang kami ngayon. Nasa P350 ang gamot at P150 naman ang pagkain namin sa araw-araw. Nasa P200 kada araw lang ang kinikita ng kanyang tatay na tricycle driver,” kuwento naman ni Josephine Mendoza, 53-anyos, sa pag-aalaga ng kanyang apo na si Chrisvel, 12, na pasyente sa POC.

Nahulog sa hagdan sa kanyang eskuwelahan si Chrisvel at tinamaan ang kanyang spinal column kaya may malaking bukol siya sa likod at di makalakad. Hindi siya sinagot ng eskuwelahan dahil pauwi na raw siya at hindi na nila pananagutan ang aksidente.

Ward sa POC kung saan dinadala ang mga pasyente bago operahan. Tulad ng iba pang ward sa ospital, punung puno ito ng mga pasyente. (KR Guda)
Ward sa POC kung saan dinadala ang mga pasyente bago operahan. Tulad ng iba pang ward sa ospital, punung puno ito ng mga pasyente. (KR Guda)

“May PhilHealth ako kaso hindi siya (Chrisvel) sakop nito dahil apo ko lang siya. Kaya lalapit na lang kami sa mga pulitiko,” ani Josephine.

Gayundin ang naging kalagayan ni Rubelyn Mercurio, 25, ng Tondo, Manila na nabali ang kamay at nagpagamot sa POC. Mahigit isang buwan na siya sa ospital at hindi rin alam kung saan kukuha ng panggastos. “Nahinto ’yung tatlo kong anak na nag-aaral mula nang maaksidente ako. Sidecar lang trabaho ng asawa ko at nasa P250 kita niya araw-araw – di kasya sa pagtustos sa anim naming anak,” kwento ni Rubelyn.

Napilipit naman ang leeg ni Janet Henolos, 32, taga-Paranaque at dalawang buwan na sa ospital. Dalawa sa apat na anak nya ang nag-aaral at hirap sa kanilang kalagayan ang kanyang asawa ngayong nasa ospital sya. “Dati nakakaraket ako para makatulong sa panggastos. Welder lang ang asawa ko kaya malaking hirap talaga para sa amin. Lalo na ang gamot nasa P127 kada araw. ’Yung pinakamahal P84 isa. Tapos bayad pa namin sa caregiver na P2,000,” ayon kay Janet.

Miyembro rin si Janet ng PhilHealth. Pero hindi lahat ng gastusin ay sakop ng PhilHealth.

Si Emily Villamor, 43, naman ay pitong buwan nang nasa POC at nangangailangan ng dalawang operasyon. Sa utang din umaasa si Emily sa gastusin sa ospital. “Hirap at mas lalong hirap ngayon. Tricycle driver lang ang asawa ko at P100 ang kita niya kada araw. ’Yung rasyon ng pagkain dito hati na lang kami. Imbes na bumili ng pagkain binibili na lang namin ng gamot,” aniya.

Ramdam ng mga pasyente ng POC na bagamat mura na ang serbisyo-medikal sa pampublikong ospital, di pa rin nila kinakaya ang gastos sa pagpapagamot. Kapos na kapos ang badyet ng POC para matugunan ang kanilang pangangailangan.

Walang puwang sa maralita

Punung-puno ng pasyente ang Orthopedic, pero sabi ng mga pasyente rito, sinisikap pa rin ng maraming istap ng ospital na paglingkuran pa rin sila nang makatao. Pero di nila alam kung ganito pa rin kapag pribado na ang POC. (KR Guda)
Punung-puno ng pasyente ang Orthopedic, pero sabi ng mga pasyente rito, sinisikap pa rin ng maraming istap ng ospital na paglingkuran pa rin sila nang makatao. Pero di nila alam kung ganito pa rin kapag pribado na ang POC. (KR Guda)

Kapag naganap ang pagsasapribado, nangangamba pa silang kahit makatapak sa loob ng POC, hindi na nila magawa.

“Hindi pa nga private ito, hirap na kami eh. Hindi ka gagaling talaga sa pag-iisip ng bayarin. Nakakainis lang, lalo nilang pinahihirapan ang mga Pilipino,” sabi ni Janet. Ganito rin ang sentimyento ni Rubina Padasas, 42, taga-Marikina na nabalian ng buto nang madulas. Aniya, kawawa ang mga mahihirap dahil wala silang kakayahang magbayad nang malaki.

“Ngayon ko lang nalaman ang tungkol sa pribatisasyon na iyan dahil sa totoo lang wala na akong interes dahil pare-pareho na lang silang nangangako. Ayaw ko na ngang bumoto dahil ganoon din naman. Tungkol sa bagyo na lang ang interes ko sa balita kesa sa mga sinasabi ng mga presidente dahil pare-pareho lang naman sila,” sabi ni Aling Josephine.

Para kay Keisha Orayan, 21, taga-Madaluyong at dalawang buwan na sa ospital dahil sa sakit sa leeg, kahit na sabihing pauunlarin ng PPP ang mga kagamitan at pasilidad, balewala ito sa kanila kung hindi nila kayang bayaran ang serbisyo nito.

“Pangit talaga ang pribatisasyon . Kawawa ang mga pasyente. Tutol ako (rito), dahil wala naman akong nakikitang magandang kahihinatnan sa pribatisasyon,” ayon kay Keisha.

Nangangamba ang naturang mga pasyente na magbabago ng pribatisasyon kahit ang mismong pakikitungo ng mga nars at doktor sa kanilang mga maralita.

Ngayon, anila, maayos at makatao ang pakikitungo sa kanila ng mga istap ng POC, kahit na salat sa badyet para paunlarin ang mga pasilidad at pagtaas ng sahod ng mga kawani nito.

Ayon kay Susan, hindi sila pinabayaan ng Ortho sa loob ng 17 taon nila dito. Aniya, may mga doktor na tumutulong din sa kanila na naaawa sa kanilang kalagayan. Nagbibigay sa kanila ng tulong pinansiyal, bagamat natigil ang iba sapagkat nakakasawa nga naman daw dahil sa tagal nila rito.

“Ginagawan nila ng paraan dito para mabuhay ang pasyente. Hindi ko alam kung ganoon din ang gagawin nila kapag naisapribado na ito o kailangan mo munang magbayad bago madugtungan ang buhay mo. Kaya nga dinala mo sa ospital ang pasyente para dugtungan ang buhay,” sabi pa ni Susan.

Walang katiyakan kahit mismo ang trabaho ng 900 health workers na nagtatrabaho ngayon sa POC kung matutuloy ang pagsasapribado rito, ayon kay Sean Velchez, nars at presidente ng unyon sa POC.

Ang tiyak – batay sa karanasan ng maraming pampublikong ahensiya na sumailalim sa pagsasapribado — magkakaroon ng tanggalan sa trabaho upang palitan ng mga kontraktuwal, sabi ni Velchez.

Babad sa trabaho ang mga kawaning pangkalusugan ng POC. Nangangamba silang matanggal sa trabaho o mabawasan ng benepisyo kung matutuloy ang pagsasapribado sa POC. (KR Guda)
Babad sa trabaho ang mga kawaning pangkalusugan ng POC. Nangangamba silang matanggal sa trabaho o mabawasan ng benepisyo kung matutuloy ang pagsasapribado sa POC. (KR Guda)

Maralitang tutol

Nasa proseso na ng pre-bidding ang pagsasailalim sa POC sa PPP, o pagsasapribado nito. Noong Enero 25, isinagawa ang isang pre-bid conference para sa mga negosyanteng gustong mag-invest sa pagasapribado nito.

Tinatayang nagkakahalaga ng P5.43 Bilyon ang pagsasapribado sa POC, at gagastos pa ang gobyerno ng P260-M para sa pagtatayo ng isang modernong “”super-specialty tertiary orthopedic hospital” sa loob ng compound ng National Kidney and Transplant Institute o NKTI, sa East Avenue, Quezon City.

Serye ng protesta na ang inilulunsad ng mga maralitang tagalungsod, kabilang ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay. Samantala, kahit ang mga kawaning pangkalusugan sa pangunguna ng AHW, aktibo rin sa mga protesta at pangangampanya para matigil ang pagsasapribado ng POC at iba pang pampublikong ospital.

Buo rin ang suporta ng mga pasyente ng POC.

Pero hinihikayat nila ang mga mamamayan — silang naghahangad ng abot-kamay na serbisyong pangkalusugan at naghahangad ng gobyernong makatao at nangangalaga sa kanilang karapatan at kalusugan – na makiisa sa paglaban sa pagsasapribado ng POC, at iba pang pampublikong ospital.

(Tunghayan ang photo essay hinggil sa mga pasyente ng POC.)