FEATURED Main Story

Reyalidad ng sistemang pangkalusugan sa Pilipinas


Pagkatapos ng higit dalawampung taong pagtatrabaho bilang caregiver, nagbalik sa bansa si Rodalyn Camposano, 48, para maalagaan ang kanyang nag-iisang anak na may sakit sa colon. Hindi inakala ni Rodalyn na ganoon kabilis mauubos ang kanyang ipon dahil sa gastos sa mga gamot pa lang ng anak.

"Siksikan
KR Guda/PW File Photo” class /> Siksikan ang mga pasyente sa isang ward sa Philippine Orthopedic Center–ang isa sa pinakaunang mapasailalim sa Public-Private Partnership o mistulang pagsasapribado. KR Guda/PW File Photo

Pagkatapos ng higit dalawampung taong pagtatrabaho bilang caregiver, nagbalik sa bansa si Rodalyn Camposano, 48, para maalagaan ang kanyang nag-iisang anak na may sakit sa colon.

Hindi inakala ni Rodalyn na ganoon kabilis mauubos ang kanyang ipon dahil sa gastos sa mga gamot pa lang ng anak. Hindi rin niya mapakinabangan ang kanyang PhilHealth card dahil hindi naman niya nakumpleto ang paghulog dito.

“Maliit lang din naman ang kinikita ng asawa ko, kahit dati akong OFW (overseas Filipino worker),” ani Camposano.

Sa kasalukuyan, isa si Camposano sa community health workers ng Paranaque na aktibo sa mga gawaing pangkalusugan sa tulong ng Community-Based Health Program (CBHP) sa kanilang komunidad.

“Hindi na kami natatakot na pumunta sa mga doktor. Sila na ang nagte-training sa amin, para kami na mismo ‘yung mag-alaga ng maysakit. Nagbabahay-bahay kami sa komunidad,” aniya.

Bukod kay Rodalyn, ilan pang community health workers, mga grupong pangkalusugan, estudyante at guro ng medisina ang nagbahagi ng kanilang bersiyon ng estado ng pambansang pangkalusugan sa isang porum, ilang linggo bago ang huling State of the Nation Address ni Pangulong Aquino.

Dating Kalihim ng Department of Health Dr. Esperanza Cabral habang ipinaliliwanag ang kasalukuyang sitwasyon ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. Judielyn Agua
Dating Kalihim ng Department of Health Dr. Esperanza Cabral habang ipinaliliwanag ang kasalukuyang sitwasyon ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. Judielyn Agua

Pagsasapribado

Ayon sa dating kalihim ng Department of Health at kasalukuyang Tagapangulo ng implementing body ng Reproductive Health Law na si Esperanza Cabral, hindi natugunan at lalong tumitindi ang pagkakaiba sa natatamasang pangangalagang pangkalusugan ng mga maykaya at mahihirap.

Mas bulnerable sa sakit ang mahihirap na walang kakayahang magpagamot. Kadalasan ding may kakulangan sa mga doktor, pasilidad at mga kagamitang pangkalusugan sa mga mahihirap na lugar, ani Cabral.

Incident of illness and injury is indirectly related to wealth. The more wealthy you are the less likely you will have an illness. Mayroong inequity sa health access, and therefore health impact,” aniya.

Mas makikita ang ganitong suri sa reproductive health indicators sa bansa na may anim sa 10 mahihirap ang hindi nakatatanggap ng serbisyo ng isang skilled health personnel. Sa bawat tatlong buntis na mahirap, isa lamang ang nanganganak sa isang health care facility, ayon kay Cabral.

Ayon sa grupong Network Opposed to Privatization (NOP), higit na inilalayo sa mahihirap ang mga serbisyong pangkalusugan ng pagsasapribado ng umaabot sa 72 pampublikong ospital sa bansa, sa ilalim ng proyektong Public-Private Partnership (PPP) ni Aquino.

“Wala nang libreng serbisyo sa mahihirap, isinasapribado at pinatatakbo bilang negosyo ang mga ospital ng bansa,” ayon kay Gene Nisperos, doktor at convenor ng NOP.

Idineklara sa pamunuan ni Aquino ang pagsasapribado ng Dr. Fabella Memorial Hospital at Philippine Orthopedic Center (POC), ang nag-iisang pampublikong ospital sa bansa para sa sakit sa buto.

Dr. Gene Nisperos habang pinaliliwanag ang pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. <strong>Judielyn Agua</strong>
Dr. Gene Nisperos habang pinaliliwanag ang pribatisasyon ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. Judielyn Agua

“Sinabi mismo ng pangulo sa nakaraang SONA, na hindi kaya ng gobyerno na suportahan ang pampublikong mga ospital, pero nakapagtataka ang laki ng pondong inilalaan sa mga mapanlinlang na polisiyang pinatutupad niya,” ayon kay Nisperos.

Tinutukoy ng grupo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iskema ng PhilHealth na pangunahing mga proyekto ng Pangulo para umano sa mahihirap.

Sa P102 Bilyong pondo para sa DOH sa 2015, P35-B ang inilalaan para sa PhilHealth premiums.

Sa kabila nito, patuloy ang paglaki ng perang inilalabas ng beneficiaries ng PhilHealth na galing sa sarili nilang mga bulsa taun-taon.

Out-of-pocket expense increased to almost 58 percent in spite of the increase in the health insurance and budget of the DOH,” ayon kay Cabral.

Ayon naman kay Julie Caguiat, doktor at convenor ng NOP, malayo sa sinasabi ng gobyerno na 87 porsiyentong coverage noong 2014 ang aktuwal na bilang ng PhilHealth beneficiaries.

“Sa survey na ginawa natin, umaabot lang sa 40 hanggang 60 porsiyento ‘yung aktuwal na covered. Nadodoble ang bilang dahil may ilan, after one year wala na. ‘Yung iba na-e-enroll pero dahil sila ay contractual, after six months wala na ring trabaho, hindi na rin nila mababayaran ‘yung premium. ‘Yung iba naman enrolled na dahil nagbabayad ‘yung husband niya, tapos na-e-enroll pa siya dahil nasasama siya sa 4Ps,” ani Caguiat.

Hindi natitiyak at madaling dayain ang mga proseso para makakuha ng premium, at ang dating mga libreng serbisyo ay tinutumbasan na ng presyo, dagdag pa niya.

“Sa out-patient benefit package, binibigyan ng P 500 kada pamilya, pero kasama na ‘yung pag-BP doon, meals, at counseling. Itong mga ‘to, part naman talaga dati ng services ng rural health units,” aniya.

Samantala, maliit ang inilalabas ng gobyerno sa pagpapagawa ng mga pasilidad at iba pang kagamitan sa mga ospital. “Philhealth is paving the way for the government’s complete abandonment of health care and other basic services,” ani Caguiat.

Pagbabahagi ng Dr. Edelina De La Paz sa kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa. <strong>Judielyn Agua</strong>
Pagbabahagi ng Dr. Edelina De La Paz sa kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa. Judielyn Agua

Sa huli, pribadong mga ospital ang kalakhan sa nakikinabang sa pondo ng PhilHealth. Kahit na ipagmalaki pa ng administrasyong Aquino na nilalakihan nito ang badyet sa Philhealth, hindi ito napupunta sa pampublikong serbisyo, ani  Nisperos.

“Sa esensiya, binabayaran ng gobyerno ang serbisyo ng pribadong mga ospital sa halip na maglaan ng pondo para paunlarin ang mga serbisyo sa pampublikong mga ospital na pinupuntahan ng kalakhan ng mahihirap,” dagdag pa niya.

Pandarahas 

Sa limang taon din ng Pangulo, patuloy ang kontraktuwalisasyon ng mga manggagawang pangkalusugan sa bansa, ayon sa grupo.

Overworked at underpaid ang health workers natin. May mga nag-du-duty nang 48 hours, may nurses na nagdadala ng folding beds sa kanilang stations,” sabi ni Robert Mendoza ng Health Alliance for Democracy (HEAD).

Ayon kay Cabral, sapat kung tutuusin ang bilang ng mga doktor at health care workers sa bansa, pero marami ang hindi naeengganyong magtrabaho sa pampublikong sektor dahil sa mababang sahod at kakulangan ng benepisyo.

Sa halip na itaas ang sahod, umiiral ang palakasan dahil sa performance-based incentives na ipinatutupad. Laganap din ang kontraktuwalisasyon ng mga kawani tulad ng nurse-deployment program, na nagtatanggal sa mga nurse matapos ang dalawang taong pagtatrabaho, ayon kay Mendoza.

“These harassments won’t stop us but further inflame us to doing what we need to do,” ayon kay Edelina De La Paz, doktor at dating tagapangulo ng Karapatan, sa gitna ng sunud-sunod na pagbabanta sa ilang lider ng unyon.

Ayon kay de la Paz, lalong magpapatuloy ang pag-oorganisa ng mga manggagamot ng bayan, kasama ang iba pang sektor, at pagsasanay sa community health workers sa iba’t ibang lugar.

Ramdam ni Rodalyn, na dalawang dekadang naging caregiver sa Taiwan, Singapore at Hong Kong, ang masahol na kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa bansa. Bilang community health worker at ina ng maysakit, hangad niya ang tunay na pangangalaga sa mga mamamayang  matagal na panahon nang nagtitiis.