Main Story

Orthopedic Center, muling kinalampag dahil sa nakaambang pagsasapribado nito


  Muling nangalampag ang mga kawani sa kalusugan sa harapan ng Philippine Orthopedic Center (POC) para labanan ang pagsasapribado ng nasabing ospital. Pinangunahan ito ng Alliance of Health Workers (AHW), Network Opposed to Privatization, kasama ang mga kawani ng simbahan at mga opisyal ng barangay ang nasabing pagkilos. “Isang mahalagang laban ito sa panahon ng […]

 

Protesta laban sa pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center. <strong>Pher Pasion</strong>
Protesta laban sa pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center. Pher Pasion

Muling nangalampag ang mga kawani sa kalusugan sa harapan ng Philippine Orthopedic Center (POC) para labanan ang pagsasapribado ng nasabing ospital.

Pinangunahan ito ng Alliance of Health Workers (AHW), Network Opposed to Privatization, kasama ang mga kawani ng simbahan at mga opisyal ng barangay ang nasabing pagkilos.

“Isang mahalagang laban ito sa panahon ng tumitinding kahirapan. Tumatalikod ang gobyernong ito sa kanyang tungkulin na bigyan ng serbisyong pangkalusugan ng kanyang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapaubaya ng mga ospital sa mga malalaking negosyante,” ani Sean Velchez, tagapangulo ng National Orthopedic Hospital Workers’ Union–AHW.

Isinailalim ang POC sa iskemang build-operate-transfer (BOT) na nasa ilalim naman programang Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino. Binabatikos ng iba’t ibang sektor ang naturang programa bilang isang porma ng pribatisasyon, o pagpasa ng tungkulin na magbigay ng serbisyo ng gobyerno sa pribadong sektor para pagkakitaan ng huli.

Sa BOT, papatayuan ng pribadong sektor ng bagong gusali ang POC sa Quezon City sa bakuran ng National Kidney and Transplant Institute na kanilang patatakbuhin sa loob ng 25-taon.

Nakipagkasunduan

Noong Nobyembre 2013, nagkaroon na ng kasunduan ang manedsment ng POC, board ng National Economic and Development Authority, at Megawide Construction Corp. na pagmamay-ari ni Henry Sy, para sa “modernisasyon” at mistulang pagsasapribado ng POC.

“Kapag nasapribado na ito, lalong mahihirapan ang mga mahihirap na may sakit. Magiging negosyona at hindi serbisyo. PPP is not pro-people. PPP is pro-rich,” sabi ni Sr. Lydia Lascano, ICM, tagapangulo ng komite ng Justice, Peace, and Integrity of Creation, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ayon kay Lascano, dinala nila sa POC ang mga pasyente mula sa mga misyon nila sa buong Pilipinas. Kung masasapribado na ang POC, hindi niya alam kung papaano nila matutulungan ang may sakit na mga mamamayan.

Kung matutuloy ang pagsasapribado ng POC, susunod dito ang may 71 pang publikong ospital sa bansa, dagdag ni Lascano.

Ganito din ang tingin ni Edward Malzan, vice president for programs and development ng Philippine Nurses Association, na nagsabing marami sa mga pasyente ng nasabing ospital ang mahihirap o walang kakayanang magbayad.

<strong>Pher Pasion</strong>
Pher Pasion

“Ngayon na ang panahon na hindi na dapat manahimik. Kailangan nating ipagtanggol ang ating mga siniserbisyuhan – ang ating mga pasyente,” ayon kay Malzan.

yon naman kay Velchez, totoo  na bulok ang mga pasilidad at kagamitan ng POC. Pero mas palalain lamang umano ng pribatisasyon ang kasalukuyang kalagayan.

Development for whom (ang PPP ni Aquino)? Hindi na nga makakain ng tatlong  beses isang araw ang mahihirap, tatanggalan pa ng mga ospital,” ayon naman kay Sr. Lascano.

Para kay Velchez, kung totoong nais paunlarin ng gobyerno ang sektor ng kalusugan, dapat nitong seryosohin ang pagpopondo sa mga ito.

“May pera para sa pork barrel, may pera para DAP (Disbursement Acceleration Program) ni Aquino, pero wala para sa kalusugan ng mga tao,” ayon kay Velchez.