Konteksto

Para sa lider-estudyanteng may agam-agam


Unti-unting bumababa ang iyong mga grado habang tuloy-tuloy mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Minsa’y hindi mo na alam kung ano ang mauuna – ang pag-uulit ng mga kursong madalas kang lumiban o ang pagbagsak ng iyong katawan. Dumarating na kasi ang panahong nagkakasakit ka na dahil sa iyong pagpupuyat. Kailan nga ba ang huling panahong […]

Prop. Danilo A. Arao

Unti-unting bumababa ang iyong mga grado habang tuloy-tuloy mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Minsa’y hindi mo na alam kung ano ang mauuna – ang pag-uulit ng mga kursong madalas kang lumiban o ang pagbagsak ng iyong katawan. Dumarating na kasi ang panahong nagkakasakit ka na dahil sa iyong pagpupuyat. Kailan nga ba ang huling panahong nakatulog ka nang walong oras?

Sadyang mahirap hanapin ang tahimik na pag-aaral o mapayapang pagtulog sa panahong ang lipunan ay walang katahimikan at kapayapaan. Ilang tasa ba ng kape iniinom mo para labanan ang antok? Para ko na rin sigurong tinanong kung ilang beses mong nilalabanan ang natutulog na kamalayan ng karamihang estudyante!

Kumpara kasi sa iba, masasabing mulat ka. Nakikita ng iyong mga mata ang realidad ng lipunan habang pinapaalala ng iyong isip ang pangangailangang ito ay baguhin. Alam mo ang katotohanan sa loob at labas ng pamantasan hindi lang batay sa iyong nababasa kundi batay na rin sa iyong pakikisalamuha. Ito ang isang bagay na iyong natutuhan bilang isang lider: Mahalaga ang nakukuha mula sa mga libro pero mas mahalaga ang nakukuha mula sa mga taong kayang magbahagi sa iyo.

Sa iyong pakikipag-usap sa isang magsasaka, nalalaman mo kung gaano kahirap magtanim at mabuhay sa kanayunan, lalo na kung wala siyang sariling lupa. Kahit na alam mo ang estadistika tungkol sa mababang sahod, iba pa rin ang iyong natututuhan sa pakikipag-usap sa isang manggagawang handang ikuwento sa iyo ang aktuwal na nangyayari sa pagawaan.

Kanayunan at pagawaan. Kailangan mo talagang lumabas sa iyong pamantasan para malaman ang nangyayari sa ating lipunan. Ang anumang natututuhan mo ay kailangang maibahagi sa mga kapwa estudyante. Ang anumang plano ng iyong organisasyon ay kailangang bahagi ng minimithing pagbabago sa loob at labas ng pamantasan.

May ilang indibidwal na nagsasabing malaking kabaliwan ang iyong ginagawa. Para sa kanila, mas dapat tutukan ng mga estudyante (kasama na ang mga lider na katulad mo) ang makapagtapos sa kolehiyo. Kailangan mang baguhin ang lipunan, ang argumento nila’y puwede namang maghintay ang pakikipaglaban para sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang sektor ng lipunan kapag nakuha mo na ang iyong diploma. Sa ngayon, ang kailangan lang daw gawin ay maging “mabuting” estudyante. Bilang lider, kailangan mo lang daw magpatakbo ng isang organisasyong may limitadong aktibidad na hindi nakakaabala sa mapayapang pag-aaral ng lahat.

Batay sa ganitong klaseng biruan at huntahan, dumarating ang panahong tila natutukso kang tahakin na lang ang mas madaling landas – ang tahimik na pag-aaral at ang limitadong pakikibaka kung mayroon lang panahon. Kung paniniwalaan ang argumento ng ilang indibidwal, hindi ba’t mas magandang matataas ang grado mo para may maipagyabang hindi lang sa mga mahal sa buhay kundi sa kompanyang papasukan? At napag-uusapan na rin lang ang trabaho mo sa hinaharap, hindi ba’t maaapektuhan ang iyong aplikasyon kung malalaman ang aktibista mong nakaraan?

Pero saglit lang pumapasok sa isipan ang posibleng pagtahak sa ganitong landas dahil alam mong ito ay mistulang paglalakbay sa lugar ng mga walang pakialam. Ang pakikibaka ng isang estudyante ay hindi nagtatapos sa pagkuha ng diploma. Nagpapatuloy ito hanggang sa iyong pagtanda. Ang anumang tagumpay ng isang kampanya ay hindi nangangahulugan ng wakas kundi pagkakaroon ng mas marami pa. Alam mong walang pinipiling edad ang pakikipaglaban para sa pagbabago ng lipunan. Kung tutuusin pa nga’y higit na kinakailangan ang kabataan sa maraming kampanyang dapat ipagwagi.

Oo, kailangan mong pumasok sa klase hangga’t makakaya dahil tungkulin mo iyon bilang estudyante. Oo, kailangan mong makapagtapos sa malapit na hinaharap dahil hindi ka puwedeng habambuhay na estudyante sa loob ng pamantasan. Bagama’t mainam na makakuha ng matataas na grado, dapat mong tandaan ang isang batayang katotohanan: Ang grado ay hindi sukatan ng iyong pagkatao. Hindi nasusukat ng letra o numero ang iyong katalinuhan o kakayahan bilang estudyante.

Kung tutuusin, may kailangan ka pa ngang ipaliwanag sa iba pang estudyante sa panahong iniiwanan mo sila sa importanteng kampanya para matupad ang ambisyon mong makuha ang mataas na pang-akademikong karangalan. Nasaan ang itinataguyod mong husay at dangal para sa pamantasan at para sa bayan kung ang personal na kahusayan at karangalan ang iyong inaatupag?

Bilang isang guro, maniwala kang ang matataas na grado ay mainam ngunit hindi kinakailangan sa pagpapatuloy ng iyong pakikibaka. Sa katunayan, hindi naman tinatanong ng mga nakakasalamuha mong manggagawa’t magsasaka kung ikaw ba ay nakapagtapos sa kolehiyo. Ang mahalaga sa kanila’y handa kang maglingkod sa abot ng iyong makakaya.

Normal para sa isang indibidwal na magkaroon ng agam-agam. Ang lider-estudyanteng katulad mo’y maraming pinagdaraanan at ang pagdadalawang-isip ay sadyang hindi maiiwasan. Pero lagi mong tandaan ang iyong sinumpaang tungkulin hindi lamang sa sarili kundi sa iyong mga kapwa estudyante at maging sa bayan. Patuloy mong ipaglalabanan ang kanilang kapakanan, kahit na ito ay nangangahulugan ng maraming personal na sakripisyo tulad ng paminsan-minsang pagliban sa klase o pagbaba ng mga grado.

Huwag mong isipin ang pambubuyo ng ilang nasa paligid mo. At lalo mong huwag pansinin ang iba pang lider-estudyanteng may kakaibang paniniwala at may kakaibang konsepto ng paglilingkod para sa bayan – isang paglilingkod na diumanong nagbabalanse sa pang-akademikong gawain at pakikibaka pero sa esensiya ay nagnanais na huwag makialam sa lipunan at bulag na sumunod sa mga nasa kapangyarihan. Sila ay hindi dapat pamarisan dahil wala sa kanila ang diwa ng tunay na lider-estudyanteng naglilingkod sa bayan.

May agam-agam ka pa ba? Sana ay wala na. Kung mayroon pa, naniniwala akong unti-unti itong mawawala, lalo na’t naipaalala ko na sa iyo ang halaga ng iyong ginagawa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.