Konteksto

Pag-aakda bilang pagtatakda ng peryodista


Para sa isang peryodista, ang pag-aakda ay palaging nakatakda. Parating may hinahabol dahil laging nagmamadali ang balita. Parating may inuulat dahil ang bansa’y hindi nauubusan ng problema. May mga problemang paikot-ikot, may mga isyung hindi matapos-tapos. May mga kontekstong dapat masuri para ang balita’y hindi kapos. Madalas na panawagan ang pagpanig sa katotohanan, kahit na […]

Prop. Danilo A. Arao

Para sa isang peryodista, ang pag-aakda ay palaging nakatakda. Parating may hinahabol dahil laging nagmamadali ang balita. Parating may inuulat dahil ang bansa’y hindi nauubusan ng problema.

May mga problemang paikot-ikot, may mga isyung hindi matapos-tapos. May mga kontekstong dapat masuri para ang balita’y hindi kapos.

Madalas na panawagan ang pagpanig sa katotohanan, kahit na ang kahulugan nito’y iba-iba. Pero ano nga ba ang totoo? Minsa’y iba ang nakikita sa nadaramang kalam ng sikmura. Kadalasa’y kabaligtaran ang naririnig mula sa mga nasa kapangyarihan kapag sinusuri na ang kalagayan ng mga pinagkaitan.

Sa panahong may kontradiksiyon sa mga pahayag ng magkakatunggaling panig, mas kinakailangang maging mapanuri ang peryodista para maging makabuluhan ang kanyang mga ulat. Mas nararapat na manindigan siya para malaman ng publiko ang pagsusuri sa isyu.

Tapusin na natin ang pagkukunwari ng hindi pagpanig ng peryodista. Sino ba ang naniniwala sa konsepto ng neutrality? Sa kasalukuyang panahon, ginagamit lang ang salitang ito ng mga taong nais panatilihin ang panlipunang kaayusan. Sila kasi ang pangunahing nakikinabang sa sitwasyong walang malawak na panawagan para baguhin ang lipunan.

Ano nga ba ang dapat panigan? Bakit ba dapat manindigan? Hindi lang dapat simpleng pag-uulat ang ginagawa ng peryodista. Hindi lang dapat simpleng datos ang kanyang ibinabalita. Kailangan ng pagsusuri para mabigyang-kahulugan ang anumang nakalap niyang datos. Sa pagsasama ng datos at pagsusuri, nabubuo ng peryodista ang impormasyon.

Sa pamamagitan ng impormasyon, napapayaman ang nakuhang datos. Ang proseso ng pag-uulat ay nagiging mekanismo ng pagmumulat. Dito natin nakikita ang susing papel ng peryodista sa paghuhubog ng opinyong pampubliko. Sa pamamagitan ng kanyang mga akda, nakakatulong siyang gisingin ang natutulog na kamalayan ng maraming mamamayan. Dito rin natin nakikita ang sensitibong katangian ng peryodismo lalo na’t maraming problema sa lipunan. Sa pamamagitan ng impormasyong ibinabahagi, maaaring maguluhan ang mamamayan kung mali ang datos o hindi maingat sa pagsusuri ang peryodista.

Para maging epektibo sa pagmumulat, kailangan ang tuloy-tuloy na pagsulong sa pinakamataas na pamantayan ng propesyon. Kailangang intindihin nang mabuti ang kodigo ng etika (code of ethics) sa peryodismo. Lubos na inaasahan din ang kahusayan ng peryodista sa pagpapaliwanag ng mga isyu sa paraang naiintindihan ng publiko. Malinaw na hindi sapat ang kahusayan sa balarila’t ortograpiya ng piniling wika (Ingles man o Filipino) dahil kinakailangan din ang organisado’t direkta-sa-puntong paraan ng komunikasyon. Mangyayari lamang ito kung ang peryodista ay may sapat na datos at pagsusuri na produkto ng masinop na pananaliksik.

Sa metikulosong pananaliksik nabubuo ang paninindigan ng peryodista, isang proseso ng pagkamulat na kailangang ibahagi sa malawak na mamamayan. Ang kanyang nabuong paninindigan ay magiging kapansin-pansin sa kanyang pagsusuri ng datos.

Para sa isang peryodista, ang pagsusuri ay may maraming porma. Ito ay maaaring simpleng pagkakasunod-sunod ng datos kung saan ang mga importanteng punto’t argumento ay inuuna at ang mga hindi masyadong importante ay inilalagay sa dulo. Ito ay maaaring malalim na pagsasakonteksto ng balita sa pamamagitan ng pagbibigay ng historikal na batayan ng isyu at kronolohiya ng mga importanteng pangyayaring may kaugnayan dito. Ito ay maaaring estilo ng pagsusulat kung saan ang seryosong paksa ay may seryosong tono samantalang ang isang magaang paksa ay ibinabalita sa paraang magaan ang tono.

Praktikal ang isang peryodista. Alam niyang hindi sinasalamin ng midya ang kabuuang kalagayan ng lipunan dahil may limitasyon sa pagbabalita – may nakatakdang haba ang isang balita sa print, radyo, telebisyon at online. Kahit na sabihing hindi saklaw ng espasyo ang Internet, hindi pa rin magiging epektibo ang isang balita kung ito ay sobrang haba.

Sa ganitong sitwasyon nagiging kapansin-pansin ang hamon sa isang peryodista – magkaroon ng isang komprehensibong balita sa pamamagitan ng paggamit ng maiikling salita, pangungusap at talata. Dito rin nagiging mahalaga ang pagpili ng anggulo sa isang komplikadong usapin kung saan mas binibigyang-pansin ang mga bahaging dapat malaman ng publiko. Kung may hindi pagkakaintindihan ang dalawang panig, halimbawa, ano ba ang mas mahalaga – ang palitan ng maaanghang na salita o ang implikasyon ng away sa mga ordinaryong mamamayan? Ano ba ang mas kailangang tutukan kapag nagbabalita tungkol sa isang kilos-protesta – ang kakaunting bilang ng mga nagsilahok o ang historikal na batayan ng kanilang pagkilos?

May kasabihan sa wikang Ingles: “A journalist should make the uninteresting interesting.” Bagama’t nararapat na sundin ito, nagkakaroon ng problema ang peryodista kung mas pinipili niya ang sensationalism at trivialization para magkaroon ng interes ang publiko sa isyung tinatalakay niya. Sa halip na magbahagi ng impormasyon, ang kanyang ibinabahagi lang ay pagbibigay-aliw (entertainment) sa pamamagitan ng makukulay na salita at trivia.

Kapansin-pansin ang sensasyonalismo sa mga balita tungkol sa panggagahasa. Sa halip na isakonteksto ito sa kalagayan ng kababaihan sa isang patriyarkal na lipunan, mas pinipiling ibalita ang panggagahasa sa paraang ikinukuwento ang detalye ng krimen.

Nangyayari naman ang sobrang pagbibigay-pansin sa trivia sa mga balitang komplikado. Halimbawa, sa halip na talakayin ang pagtaas ng presyo ng langis sa patakarang deregulasyon, mas nakatutok lang ang pagbabalita sa pag-iinterbyu sa mga drayber ng pampublikong transportasyon na natiyempuhan ng peryodistang nagpapakarga ng gasolina. Hindi ba’t mas mahalagang makuha ang reaksyon ng mga organisadong drayber at ng mga opisyal ng gobyernong may kinalaman sa isyu? Ang interbyu sa piling ordinaryong mamamayan  (tinatawag sa wikang Ingles na “man-in-the-street interview”) ay ginagamit lamang bilang pandagdag na detalye (kung sakaling may espasyo pa sa balita).

Sadyang mahalagang seryosohin ng peryodista ang kanyang tungkulin. Kailangan ding parating tandaan ang esensiya ng peryodismo – ang paghubog sa opinyong pampubliko sa pamamagitan ng makabuluhang impormasyon.

Para sa isang peryodista, ang makabuluhang pag-aakda ay absolutong pagtatakda. At para maging makabuluhan, kailangan niyang manindigan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.