Karapatang Pantao

Pagkulong sa ‘Courage 2’, pagsupil sa mga kritiko ng estado


Iginiit ng mga kaanak nina Randy Vegas at Raul Camposano, kasama ang mga miyembro ng iba’t ibang sektoral na grupo, ang paglaya ng dalawa, na dinukot sa Maynila noong Disyembre 3, 2012 at inakusahang rebelde. Tinaguriang “Courage 2,” organisador sina Vegas at Camposano ng mga kawani ng gobyerno, partikular ng mga manggagawa ng Metropolitan Manila […]

Iginiit ng mga kaanak nina Randy Vegas at Raul Camposano, kasama ang mga miyembro ng iba’t ibang sektoral na grupo, ang paglaya ng dalawa, na dinukot sa Maynila noong Disyembre 3, 2012 at inakusahang rebelde.

Tinaguriang “Courage 2,” organisador sina Vegas at Camposano ng mga kawani ng gobyerno, partikular ng mga manggagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Noong Disyembre 3, 2013, patungo sila sa MMDA para tulungan ang mga kawani ng naturang ahensiya na nagpaplanong maglunsad ng barikada sa EDSA nang dukutin sila sa magkaibang lugar ng mga militar na nakabihis-sibilyan.

Kilos protesta sa harap ng tanggapan ng Commission on Human Rights para igiit ang paglaya nina Randy Vegas at Raul Camposano, noong Peb. 27. (KR Guda)
Kilos protesta sa harap ng tanggapan ng Commission on Human Rights para igiit ang paglaya nina Randy Vegas at Raul Camposano, noong Peb. 27. (KR Guda)

Dalawang araw silang incommunicado, hanggang tawagan ng mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology sa Labo, Camarines Norte si Teresa Sesaldo, asawa ni Randy. Sinabi ng naturang kawani na nakakulong ang kanyang asawa, kasama si Raul, sa kanilang piitan.

Inaakusahan ang dalawa na kalahok daw sa pakikipaglaban ng New People’s Army o NPA sa mga militar sa Labo noong Abril 29, 2012.

Mariing itinatanggi ito ng dalawa. Anila, malinaw na organisador sila sa hanay ng mga kawani ng gobyerno. Noong araw na nangyari ang labanan sa Labo, malinaw ding nasa Maynila sila, abala sa mga paghahanda para sa pagkilos ng mga kawani para sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Mayo 1.

Hinala ni Teresa, bahagi ang pagdukot at pagpiit nila ng kampanya ng panunupil ng administrasyong Aquino sa mga kritiko ng gobyerno. Maaaring sangkot din umano dito ang hepe ng MMDA na si Francis Tolentino.

Idinulog kamakailan ng mga kaanak nina Randy at Raul ang kaso nila sa Commission on Human Rights o CHR.

Paliwanag ni Ferdinand Gaite, pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), malinaw na nilabag ng militar at administrasyong Aquino ang karapatan ng dalawa nilang organisador.

“Dinukot sila ng mga militar na nakasuot-sibilyan, piniringan sila, dinala sa Kampo Bagong Diwa (sa Taguig) para sa interogasyon at naging incommunicado nang ilang araw. Hindi sa kanila binasa ang Miranda Doctrine at ipinagkait ang karapatang makausap ng abogado. Kahit ang ilang personal na mga gamit ni Randy, tulad ng wallet, pera, ID at backpack ay hindi isinoli ng militar,” sabi pa ni Gaite.

Dagdag naman ni Sammy Malunes, tagapagsalita ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan o KPMM, nilabag din ng mga umaresto sa kanila ang karapatan nila na masabihan tungkol sa mandamyento de aresto nila. Ni walang karampatang identipikasyon ang mga umaresto sa kanila, ani Malunes.

Nanawagan din sa paglaya ng dalawa ang iba pang mga grupo tulad ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at Kabataan Party-list.

“Nananawagan kami sa agarang pagbasura ng kaso nila at nananawagan kami kay CHR Chairperson Etta Rosales na huwag magbulag-bulagan sa tumitinding paglabag ng mga karapatang pantao at imbestigahan ang kaso nila,” sabi ni Marc Lino Abila, pangalawang pangkalahatang kalihim ng CEGP.

Dapat na magsilbing panggising ang kaso ng dalawa kay Rosales na kalauna’y nagsisilbing “tuta” ng rehimeng Aquino sa pagdepensa sa pandarahas ng estado, sabi naman ni Terry Ridon, unang nominado ng Kabataan Party-list.