Manggagawa

Non-wage benefits ng gobyerno, di-sapat para sa obrero


Di makakatulong sa kagyat na pangangailangan ng mga manggagawa ang non-wage benefits na nakatakdang isapubliko ng gobyerno ngayong Mayo 31. Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na nagsabing sa halip daw na makatulong ay dadagdagan pa ang bayarin ng mga manggagawa, partikular na sa kontribusyon sa Social Security System (SSS). Sa pahayag sa […]

Panawagan ng mga manggagawa ang dagdag sahod at hindi non-wage benefits. (Macky Macaspac)
Makabuluhang dagdag-sahod ang hiling ng mga manggagawa, di non-wage benefits. (Macky Macaspac)

Di makakatulong sa kagyat na pangangailangan ng mga manggagawa ang non-wage benefits na nakatakdang isapubliko ng gobyerno ngayong Mayo 31.

Ito ang pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na nagsabing sa halip daw na makatulong ay dadagdagan pa ang bayarin ng mga manggagawa, partikular na sa kontribusyon sa Social Security System (SSS).

Sa pahayag sa midya, sinabi ni Sek. Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employement (DOLE) na makikinabang sa bagong anunsiyong social protection program ng departamento ang self-employed at unpaid family workers. Magkakaroon daw sila ng karagdagang kita at benepisyo sa serbisyong kalusugan sa pamamagitan ng SSS at PhilHealth. Target ng DOLE ang 2.5 milyong mahihirap na manggagawa sa loob ng tatlong taon.

Kasama sa nagmartsa patungong Mendiola ang mga manggagawa ng Advan Shoes and Rainboots, pangamba nilang hindi sila kasama sa anumang non-wage beneifits ng gobyerno ngayon dahil sa biglaang pagsara ng pagawaan ng Advan noong Enero 2013.  Kasalukuyang nasa NLRC ang kasong isinampa ng Bleustar Workers Labor Union. (Macky Macaspac)
Kasama sa nagmartsa patungong Mendiola ang mga manggagawa ng Advan Shoes and Rainboots, pangamba nilang hindi sila kasama sa anumang non-wage benefits ng gobyerno ngayon dahil sa biglaang pagsara ng pagawaan ng Advan noong Enero 2013. Kasalukuyang nasa NLRC ang kasong isinampa ng Bleustar Workers Labor Union. (Macky Macaspac)

Bagamat sang-ayon ang KMU sa karagdagang benepisyo, ikinababahala ng grupo na maaring kunin din ng gobyerno sa mga manggagawa ang tutustusin nito para sa naturang non-wage benefits. “Dapat na manggaling sa kasalukuyang pondo, hindi ang pagdagdaag sa premium ng mga miyembro,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Iginiit ng lider-manggagawa na ang kagyat na kailangan ng mga manggagawa sa ngayon — ang karagdagang sahod dahil na rin sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. “Walang kaginhawaan sa package na ‘yan,” ani Labog.

Matagal nang tinututulan ng grupo ang pagtaas ng kontribusyon ng mga miyembro ng SSS na mula sa P10.4 patungong 11 porsiyento na sisimulan anumang araw mula Hunyo. Katumbas daw nito ang halagang P66.50 na kabawasan sa kita ng mga manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod.

Idinagdag pa ng KMU na kaya ng SSS na dagdagan ang benepisyo ng mga miyembro nito kahit hindi ito magtaas ng premium. “Mahigit P20-Bilyon ang kita ng SSS sa mga investment nito taun-taon, noong Marso umabot na ang asset nito ng P344-B,” sabi pa ni Labog.

Sinabi pa ng grupo na regular na mga manggagawa ang makikinabang sa non wage benefits ng gobyerno. “Paano ang mga kontraktuwal,” sabi ni Labog.

Isa sa mga tinututulan ng grupo ang matinding kontraktuwal na paggawa na ipinapatupad ng maraming kompanya.