Manggagawa

Pagdepensa ng Palasyo sa pork barrel, DAP binatikos ng mga kawani, guro

Binatikos ng mga kawani ng gobyerno ang pagdepensa pa rin ng Malakanyang sa discretionary funds o pork barrel, kabilang ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na ginamit umano para “suhulan” ang ilang mambabatas para sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong nakaraang taon. Sinabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for Unity, Recognition […]

Mga guro sa National Capital Region sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers o ACT, nakiisa sa panawagan ng mga kawani kontra Disbursement Acceleration Program, o DAP, ng Malakanyang. (Pher Pasion)
Mga guro sa National Capital Region sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers o ACT, nakiisa sa panawagan ng mga kawani kontra Disbursement Acceleration Program, o DAP, ng Malakanyang. (Pher Pasion)
Mga guro sa National Capital Region sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers o ACT, nakiisa sa panawagan ng mga kawani kontra Disbursement Acceleration Program, o DAP, ng Malakanyang. (Pher Pasion)

Binatikos ng mga kawani ng gobyerno ang pagdepensa pa rin ng Malakanyang sa discretionary funds o pork barrel, kabilang ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na ginamit umano para “suhulan” ang ilang mambabatas para sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong nakaraang taon.

Sinabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) na kamuhi-muhi ang pagpabor ni Pangulong Aquino sa pork barrel, ano man ang itawag ng Palasyo sa mga pondo na Pangulo ang may kontrol at diskresyon.

“PDAF (Priority Development Assistance Fund), Special Purpose Fund, President’s Social Fund, at ngayon DAP — itigil na ang pang-iinsulting ito. Lahat ito pork at (lahat ito) nangangamoy ng parehong baho ng korupsiyon,” sabi ni Gaite.

Samantala, binatikos din ng mga guro sa ilalim ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at ACT Teachers Party-list ang DAP, na nagpapatunay umano na “nag-uumapaw sa pondong ipinamimigay ang Palasyo sa mga senador, habang nagtitiis naman ang mga guro sa kakarampot na sahod at benepisyo dahil sa mababang pondong laan ng gobyerno.”

Ikinasusuklam umano ng mga kawani ng gobyerno ang pamamahagi ng Palasyo sa mga mambabatas sa pondong DAP, samantalang ipinagkakait nito ang mga pondong dati nang napagtagumpayan ng mga kawani, tulad ng mga benepisyong inilaan sa mga Collective Negotiations Agreement (CNA) sa mga empleyado at savings sa pondo ng mga ahensiya na dapat ilaan sa dagdag-sahod at benepisyo ng mga kawani nito.

Bahagi ng burukrata-kapitalismo ang pork barrel system at sistematikong panunuhol at patronage politics tulad ng DAP, ayon sa mga kawani ng gobyerno. (KR Guda / PW File Photo)
Bahagi ng burukrata-kapitalismo ang pork barrel system at sistematikong panunuhol at patronage politics tulad ng DAP, ayon sa mga kawani ng gobyerno. (KR Guda / PW File Photo)

“May kapal ng mukha pa si Budget Secretary (Florencio) Abad na sabihing ginagamit lang ang isang bahagi ng DAP para sa mga bonus ng mga empleyado ng gobyerno at ngayo’y inilalaan nito sa mas mahahalagang programa. Anong mahahalagang programa? Panunuhol at pabuya sa mga mambabatas para sundin ang utos ng Malakanyang?” tanong ni Gaite.

Sinabi pa niya na “kriminal” ang ginawa ng administrasyong Aquino na pagkuha sa pondo na para sa kakarampot-na-ngang-sahod ng mga empleyado ng gobyerno.

Galit umano ang mga kawani nang mabalitaan nila ang sinasabing mga “panunuhol” sa mga mambabatas, samantalang matagal nang hinaharangan ng administrasyon ang mga benepisyo nila.

Sumang-ayon ang Courage sa pahayag ng tanyag na constitutionalist na si Fr. Joaquin Bernas na nagsabing tanging mga ahensiya na pinanggalingan ng pondong natipid ang may karapatang gumamit ng naturang pondo para sa mga kawani nito.

Kontra-pork sa araw ng mga guro

Sa pulong ng Department of Education – National Capital Region (DepEd-NCR) sa Lungsod Quezon noong Oktubre 2, inirehistro ng ACT ang pagkasuklam din nito sa DAP at sa pagdepensa umano ng administrasyong Aquino sa pork barrel.

“Nakapagngingitngit sa galit ang nangyayaring ito sa gobyerno, mula sa PhP10 Bilyong pork scam ni (Janet) Napoles at sa ngayon naman ay panunuhol sa anyo ng DAP,” ayon kay Benjie Valbuena, tagapangulo ng ACT.

ACT Teachers Rep. Antonio Tinio (Pher Pasion)
ACT Teachers Rep. Antonio Tinio (Pher Pasion)

Ipinaliwanag naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang pinagmumulan ng DAP ang National Budget Circular No. 541 noong 2012. Dito nakasaad na binabawi ng DBM ang mga pondong hindi pa nagagastos ng mga ahensiya mula sa mga badyet nito.

“Ang pambihira dito, middle of the year o June 30, kapag hindi nagamit o may natirang pondo ang isang ahensya, kukunin ito ng DBM at ire-realign sa ibang ahensiya ng gobyerno. Pasukan pa lang ito,” ayon kay Tinio.

Dapat umano na sa loob na lang mismo ng ahensiya ang gagawing realignment ng pondo kung may hindi nagamit dito pero sa ginawa ng DBM, nangyayaring kahit sa ibang ahensiya inilalaan ang pondong kanilang kukunin.

“Kahit hindi aprubado ng Kongreso, puwedeng pondohan at magpapasya ang presidente lang. Inangkin na ng presidente ang kapangyarihan ng Kongreso (sa nangyayaring ito). Wala sa badyet ang P50 milyon ng mga senador,” ayon kay Tinio.

Ipinanawagan ng grupo ang pagbibitiw nila Sec. Abad at Senator Franklin Drilon dahil umano sa anomalyang ito sa DAP.

Galit ang mga guro at kawani matapos ang deliberasyon sa Kamara ng badyet para sa 2014. Wala kasing inilaang salary increase para sa kanila.

Hindi rin naglaan ng pondo para sa dagdag na benepisyo gaya ng libreng medical exam ng mga guro, dagdag sa chalk allowance at clothing allowance habang daang bilyon pondo naman ang nakalaan sa pork barrel ng mga kongresista, senador at presidente.

‘Pork barrel king’

Samantala, binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Kilusang Mayo Uno (KMU) si Aquino sa reaksiyon niya kontra sa katagang “pork barrel king” na pinakalat ng naturang mga grupo sa mga kilos-protesta at sa social media.

Bagay lang kay Aquino ang titulong Pork Barrel King. Hindi in-abolish, kundi ginawang bahagi ng institusyon, ang discretionary spending para suportahan ang political patronage at kontrol sa Lehislatibo,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Sinabi rin ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, na “bagay” kay Aquino ang nasabing bansag, sa kabila ng pagsabi ng Pangulo na “binawasan” na umano niya ang mga oportunidad para makaakses ng pork barrel siya at ang mga mambabatas.

Kakatwa umano na binanggit ito ni Aquino noong panahong direktang nasasangkot siya sa korupsiyon, partikular ang alegasyon na sinuhulan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga senador sa pamamagitan ng DAP noong nakaraang taon.

“Sinasabi ni Aquino na iba siya kay (dating pangulong Gloria Arroyo) at dahil dito’y makatwiran ang paggamit niya ng pork. Pero ano talaga ang pagkakaiba nito sa paggastos ng pork barrel,” tanong ni Reyes.

UPDATED: Oktubre 7, 11PM