Blue Jeans

What the Left is doing in the #MillionPeopleMarch

Noong August 26, pinuno ng libu-libong tao ang Luneta, siksikan at halos ‘di mo mahahanap ang gustong katagpuin, upang makibahagi sa #MillionPeopleMarch laban sa sistema ng pork barrel at korapsyon sa bansa. Ilang araw bago ang protesta, dahil naisandal na sa pader ang pamahalaan sa usapin, humarap si Pangulong Aquino at nagpahayag– “panahon na para […]

Noong August 26, pinuno ng libu-libong tao ang Luneta, siksikan at halos ‘di mo mahahanap ang gustong katagpuin, upang makibahagi sa #MillionPeopleMarch laban sa sistema ng pork barrel at korapsyon sa bansa.

Ilang araw bago ang protesta, dahil naisandal na sa pader ang pamahalaan sa usapin, humarap si Pangulong Aquino at nagpahayag– “panahon na para i-abolish ang PDAF.” Bigo ang tangkang ito ni Aquino na buhusan ng malamig na tubig ang mainit na galit ng mga mamamayan–natuloy ang protesa, higit na lumaki ang nakiisa, at mas lalong nawalan ng tiwala ang mga tao sa sinseridad ng pangulo.

Kaya sa pagtatagumpay ng protesta, nataranta ang mga propagandista ng palasyo- kesyo “we’re on the same boat” daw at “kakampi ng pangulo ang lahat ng dumalo”. At para mas maging epektibo, tinira nito ang Kaliwa, bagama’t mababaw, sa usapin na nangaangkin daw at nanggugulo gamit ang placards, flags, at effigy.

Luma na ang mga tugtugin na ibinato sa Kaliwa. Wala pa ang #MillionPeopleMarch at hindi pa sikat ang usapin, aktibo na ito sa panawagang ibasura ang pork barrel. Nagpakilos ang Kaliwa ng ilang libo sa Luneta, karamihan ay mula sa mahihirap na sektor, nagsagawa ng programa sa itinakdang lugar, at nakibahagi gaya ng lahat ng nagmamahal sa bayan.  Papaano magiging “gate crasher” ang Kaliwa kung invited ito ng hosts at halos co-hosts pa nga?

1385873_10200392871567601_1416403970_nPagkaraan ng August 26, pinangunahan ng Kaliwa ang pagtitiyak na may mangyayari pagkatapos ng protesta at hindi lang ito makakalimutan gaya ng ibang usapin. Bumuo ng malawak na koalisyong Abolish Pork Movement, nagpa-protest concert sa Luneta, kinalampag ang headquarters ng mga magnanakaw sa Mendiola, at nagsagawa ng iba pang hakbangin para makalahok ang bawat isa–no remittance day para sa OFWs, lunch walkouts sa mga eskwelahan, tax holiday sa mga empleyado.

At parang panimula sa isang bagyo ng pampolitikang krisis na hahagupit sa bansa, naglabasang sunud-sunod ang marami pang mekanismo ng kababuyan sa gobyerno–DAP na inimbento ni Aquino, panunuhol para ma-impeach si Corona, pagtuturuan ng mga pulitiko, at ang pananatili ng katabaan sa pork barrel ng 2014 national budget. Ito na din ang nagtulak sa mga nagsimula ng #MillionPeopleMarch, na kalakhan ay hindi organisado at limitado ang pakikilahok sa pambasang politika, na magsagawa ng ikalawang martsa na sa Ayala naman.

Pagdating ng October 4, napuno ang Ayala at Paseo de Roxas, sa tabi ng mga gahiganteng gusali, ng mga taong nagproprotesta–organisado ang programa para sa talakayan ng usapin, mas matapang ang mga tagapagsalita dahil galit na ang taumbayan, at may malinaw na paghahabol sa pananagutan ng administrasyong Aquino.

Oo nga’t hindi mas malaki sa nagtipon sa Luneta, na holiday noon, ngunit mas determinado at seryoso ang mga pumunta sa laban na ito. Bakit ba usapin ang laki at hindi ang simbolo ng protesta? Dahil ba’t nayanig na naman ang mga propagandista ng pangulo kaya’t humantong sa ganito- “maliit lang yan, kaunti lang ang pumunta, at hindi lahat ng nasa Luneta ay nagtungo ng Ayala.”

Eh ano naman? Kapag wala ba sa Ayala ay suportado mo ang sistema ng pork barrel at panloloko ni Aquino? Hindi siguro at imposible ‘yan. Pagkain nga sa mesa ang hirap hanapin, pamasahe pa kaya papuntang Ayala? Kahit nga yung driver ng taxi na sinakyan ko papuntang Makati ay nagsabi sa akin–“sayang at hindi ako makakasama, hindi ako puwede hindi pumasada kasi bayaran na ng tuition ng anak ko.”

Kumpara sa nauna, higit na naging mas matagumpay ang protesta sa Ayala. Maraming natuto, nagkaroon ng lakas ng loob lumaban, at mas dumami ang grupong sumusuporta. Simbolo at patunay na kaya ng mga Pilipino na magkaisa laban sa sistemang hindi nito gusto–pork barrel, korapsyon, patronage politics, at pagsisinungaling ni Aquino.

Ngunit kung mas higit na tagumpay ito, mas higit ang atake ng Malacañang upang siraan ang protesta. Sino pa nga ba’t ang dapat sisihin dito ay ang Kaliwa? Nagpakalat ng texts na gagamitin ito ng Kaliwa para pabagsakin ang gobyerno, na isang malaking Oust Aquino ang protesta sa Ayala, at magkakaroon ng gulo sa protesta.

Mababaw ang mga paratang na ito sa Kaliwa. Magpapabagsak ng gobyerno? Sa isang protesta? Magkakaroon ng gulo? Oust Aquino ang tema nito? Kung mayroon isang grupo sa lahat na gusto magtagumpay ang #MillionPeopleMarch, simbolo ng paglaban ng mga mamamayan at malakas na mensahe sa pag-abolish ng pork barrel, Kaliwa iyon. Bakit naman gugustuhin ng Kaliwa na hindi magtagumpay ito?

Oo nga’t galit ang mga tagapagsalita. At naniningil sa pananagutan ng administrasyon ni Aquino sa usaping ito. Kung kayo din ay maralitang tagalungsod na paulit-ulit na dine-demolish, kabataang hindi makapag-aral sa taas ng matrikula sa mga State U, nanay na namatayan ng anak dahil hindi mabayaran ang singil ng ospital, magsasakang ginagamit sa scam pero lupa lang sa mga kuko ang pag-aari, at manggagawang nakukuba na sa kakakayod makapag-uwi lang ng kakainin ng pamilya, aba, mababaw pa siguro ang “putangina mo Noynoy!” sa nadadamang galit na may pera para sa korapsyon pero wala sa kinabukasan at kapakinabangan ng mga mamamayan.

Mahirap itong asahan sa mga hindi nakakaranas ng ganitong hirap, lalo na ang sa internet lamang namamalagi, at hindi namamalimos sa pamahalaan. Pero kailangang may bahagi sa programa at marinig dahil sila ang pinakaapektado ng korapsyon sa pamahalaan. Kaya nga sila din ang unang dumating, nagtagal kahit halos parang bagyo na ang lakas ng ulan, at huling umuwi. Sanay na sila magtiis sa buhay, para pa kaya sa laban para sa magandang kinabukasan?

At papaano bang hindi idadawit ng Kaliwa ang pangulo samantalang malinaw pa sa sikat ng araw na bahagi naman talaga siya nito? Papaano natin siya magiging kakampi dito kung tatlong ulit na mas malaki ang pork barrel sa panahon nya kaysa kay GMA, nag-imbento pa siya ng DAP para sa mas malaking pork barrel, ayaw niya bitiwan ang sarili niyang pork, at minamaliit mismo ang protesta?

The Left needs to articulate what cannot be easily articulated,” sabi nga ng isang manunulat. Hindi lang si Napoles o ang oposisyon, kung hindi maging si Aquino na pork barrel king ay hindi ligtas dito.

Sa pagtatapos, isa na lang ang tanong na dapat masagot. Bakit pa ba kakailanganin na intrigahin ang Kaliwa, siraan ito, at paratangang “hijacker” ng laban na ito sa pork barrel na mismong pinangunahan din ng Kaliwa?

Dahil tama ang Kaliwa sa pagdamay sa pangulo. At alam ng Malacañang ito. Milyones lang ang maaaring mawala sa mga kongresista’t senador, pero trilyones ang maaaring mawala kay Aquino kasama na dito ang panuhol para kontrolin ang buong Kongreso’t Senado at pondo para sa eleksyon sa 2016.

Sabi nga ng text ng kaibigan ko sa akin na bahagi ng “communications,” pero mas mukha talagang propaganda, team ni Aquino, “mahihirapan kami nito kapag naging successful ang #MillionPeopleMarch, damay na talaga ang pangulo (hahaha, DAP). Kaya sana hindi matuloy o walang pumunta.”

Kaya sa pang-iintriga sa Kaliwa, iisa lang ang panalo at natutuwa–ang pork barrel king na si Aquino na maliligtas sa kritisimo. Pero lahat tayo talo maging ang hindi Kaliwa.

 

(Ang larawan ay galing sa kaibigan sa #ScrapPork Network na nanguna sa pag-aayos ng #MillionPeopleMarch na si Troy Zarate De Leon)