Manggagawa

‘Kulang na nga ang sahod, trabaho ibibigay pa sa dayuhan’


Kahit isama pa ang PhP 15.00 na Cost of Living Allowance (COLA) sa basic pay, hindi pa rin sapat ang sahod ng mga obrero dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin. Ito ang reaksiyon ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na nagpiket sa harapan ng Department of Labor and Employement (DOLE). […]

Ikinumpara ng mga manggagawang nagprotesta sa Dole ang Kumpara sa Living wage, malayo ang minimum wage kahit isama pa ang 15 pesos na Cola sa basic pay. (Kontibusyon)
Ikinumpara ng mga manggagawang nagprotesta sa Dole ang Kumpara sa Living wage, malayo ang minimum wage kahit isama pa ang 15 pesos na Cola sa basic pay. (Kontibusyon)

Kahit isama pa ang PhP 15.00 na Cost of Living Allowance (COLA) sa basic pay, hindi pa rin sapat ang sahod ng mga obrero dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Ito ang reaksiyon ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na nagpiket sa harapan ng Department of Labor and Employement (DOLE).

Simula nitong Enero, ipinatupad ng DOLE sa National Capital Region ang pagsama ng kalahati ng PhP 30 COLA sa basic pay ng mga manggagawa.

Magiging PhP 451 na ang basic pay ng non-agriculture sector at PhP 399 naman sa iba pang sektor.

Bagamat naging PhP 466 ang minimum na sahod dahil sa PhP 15 na dagdag sa basic pay, malayo naman daw ito sa familiy living wage na aabot na sa PhP 1,051 noong Agosto 2013 ayon sa Ibon Foundation, isang institusyon ng pananaliksik.

“Kakatiting ang kinse pesos kumpara sa pangangailangan ng pamilya ng bawat manggagawa. Libing wage ito hindi living wage,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. Sinabi pa ni Labog na mauubos lang ang PhP 15 na idinagdag dahil sa walang humpay na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo tulad sa kuryente, tubig, pamasahe sa MRT at LRT at produktong petrolyo.

Gayundin na nagtaas ang kontribusyon sa Social Security System at PhilHealth. Sabi pa ni Labog, lahat daw ng pagtaas ay itinutulak ng administrasyong Aquino. “Mas malaki pa ang kinukuha sa atin kesa sa ibinigay na katiting na sahod,” aniya.

Itinutulak ng grupo ang pagpasa sa panukalang batas na PhP 125 across-the-board wage hike na muling isinampa ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap.

Samantala, kinondena rin ng grupo ang pahayag ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz na bigyang trabaho sa bansa ang mga dayuhan para mapunuan ang kakulangan sa skilled workers ng bansa.

Kasama raw sa kakulangan ang mga architect, chemical engineer, chemist, environmental planner, fisheries technologist, geologist, guidance counselor, licensed librarian, medical technologist, sanitary engineer, computer numerical control machinist, assembly technician, test technician, pilot at aircraft mechanic.

Pero sabi naman ng KMU, hindi totoong may kakulangan sa skilled workers. Giit ng grupo maraming mga Pilipinong may kakayahan (skilled) ang nangangailangan o naghahanap ng trabaho.

“Niloloko naman ni Baldoz ang publiko,” ani Labog. Aniya, ang mataas na bilang ng walang trabaho, malaking bilang ng mga manggagawang lumalabas sa bansa para magtrabaho at ang malaking bilang ng skilled workers na nasa mga call center ang magpapatunay daw na hindi kulang ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho.

Dagdag pa ng grupo, sa tatlong taon daw ng administrasyong Aquino, hindi nito nabawasan ang bilang ng mga walang trabaho. Mula sa 7.1 porsiyento, naging 7.3 porsiyento ito, at mahigit 4,000 manggagawa ang lumalabas ng bansa kada araw para magtrabaho sa ibang bansa.

Gayundin na malaking bilang ng mga nagsisipagtapos ang hindi makahanap ng trabaho at bumabagsak na lamang sa sektor ng business process outsourcing.

“Nais ng gobyerno na i-liberalize ang lakas-paggawa bilang pagtupad nito sa mga kasunduang internasyunal,” sabi pa ni Labog.

Nakapaloob daw ang mga trabaho para sa mga dayuhan sa isang listahan na ginawa ng Bureau of Local Employment na sinuhayan ng isang proyektong pinondohan ng European Union.

“Nakakadismaya na itinutulak ng administrasyong Aquino ang mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa, samantalang hinihikayat naman nito na magtrabaho rito ang mga dayuhan,” sabi pa ni Labog.

Malinaw daw na prayoridad pa rin ng gobyerno ang interes ng mga malalaking dayuhang kapitalista, kesa sa interes ng mga Pilipino.