‘Blackout protest’ sa Enero 21 vs taas-singil sa kuryente, ikinasa
Isang blackout protest, o pagpatay ng mga ilaw bilang protesta, ang ipinanawagan ng Anakbayan at Kilusang Mayo Uno (KMU) sa publiko sa Enero 21 laban sa nakaambang taas-singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco). Kasabay ng panawagan ng nasabing mga grupo sa publiko na sabay-sabay magpatay ng kani-kanilang mga ilaw sa ganap na 7 […]

Isang blackout protest, o pagpatay ng mga ilaw bilang protesta, ang ipinanawagan ng Anakbayan at Kilusang Mayo Uno (KMU) sa publiko sa Enero 21 laban sa nakaambang taas-singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).
Kasabay ng panawagan ng nasabing mga grupo sa publiko na sabay-sabay magpatay ng kani-kanilang mga ilaw sa ganap na 7 p.m., hinikayat din ng mga ito ang mga mamamayan na makiisa sa kilos-protesta sa harapan ng Korte Suprema sa umaga ng nasabing petsa.
Sa Enero 21 nakatakdang dinggin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na inilabas nito na pansamantalang nagpatigil sa pangungulekta ng dagdag-singil sa kuryente mula sa petisyon ng Makabayan bloc sa Kamara at isa pang kongresista.
“Nananawagan kami sa publiko na gamitin ang lakas ng ating kolektibong aksiyon at itulak ang Korte Suprema na permanente nang ibasura ang pabigat na dagdag-singil na ito. Patuloy na lumalaki ang malaki ng tubo ng Meralco sa bawat taon sa pamamagitan ng pangingikil ng mataas na bayarin sa publiko,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.
Ayon naman sa Ibon Foundation, tumaas ang kita ng Meralco ng 56.3 porsiyento kada taon sa nakalipas na anim na taon, mula sa P2.6 Bilyon net income sa taong 2008 patungong P16.3 Bilyon sa taong 2012.
Nanawagan din ang dalawang grupo sa publiko na kumilos bago matapos ang TRO na inilabas ng KS noong Disyembre 23 laban sa taas-singil ng Meralco na matatapos pagkatapos ng 60 na araw.
“Nananawagan kami sa power consumers sa buong bansa na ilabas ang kanilang natatagong galit sa Meralco sa Enero 21. Ninanakawan tayo ng Meralco at matagal na tayong niloloko nito,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Samantala, kailangan umanong ibasura ang Electric Power Industry Reform Act (Epira) na nagiging dahilan ng pagsasapribado at deregulasyon ng industriya ng kuryente, ayon kay George San Mateo, tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston).
“Imbes na bumaba ang singil sa kuryente, tumaas pa ang singil dahil dito (Epira) at isa ang Pilipinas sa may pinakamahal na singil ng kuryente sa buong mundo at una sa Asya,” dagdag ni San Mateo.
Ayon kay Soluta, hindi raw katanggap-tanggap na lumalaki ang kita ng Meralco at patuloy na bumibigat ang pasanin ng power consumers. Nakakagalit aniya na malaman na numero unong korporasyon ang Meralco sa bansa sa usapin ng kinikita at ang Pilipinas ang numero uno sa Asya sa usapin ng mataas na singil sa kuryente.
“Malinaw na nagno-Noynoying si Aquino at nakikipagsabwatan sa mga kumpanya ng kuryente sa isyung ito. Nais niyang patuloy na mangulekta ang gobyerno ng malalaking buwis mula sa mga tao sa kabila nang paghihirap dulot ng mataas na singil sa kuryente,” ayon kay Crisostomo.