Sa paggunita sa anibersaryo ng pag-aalsa sa EDSA, Cybercrime Law ipoprotesta

February 25, 2014

Kabataan Rep. Terry Ridon habang tinatalakay ang naging desisyong ng Korte Suprema sa cybercrime law. <strong>Jaze Marco</strong>

Kabataan Rep. Terry Ridon habang tinatalakay ang naging desisyong ng Korte Suprema sa Cybercrime Law. Jaze Marco

Hindi dilaw kundi itim ang kulay ng anibersaryo ng pag-aalsa sa EDSA.

Dahil sa pagkadismaya ng iba’t ibang mga grupo sa naging desisyon ng Korte Suprema sa Cybercrime Law o Republic Act No. 10175, nakatakdang magprotesta ang iba’t ibang grupo sa EDSA ngayong Pebrero 25.

Sa tinagurian nilang “Black Tuesday Protest” ang magaganap–itim bilang simbolo umano ng pagkamatay ng demokrasya sa Internet. Nakatakdang magsuot ng itim na damit ang mga dadalo sa nasabing pagkilos.

Sabay-sabay din na maglalagay ng itim na profile picture sa kanilang mga facebook at online accounts bilang protesta sa nasabing araw.

Sa isinagawang #NotoCybercrimeLaw Assembly na pinangunahan ng Kabataan partylist at Bloggers and Netizens for Democracy (BAND) na ginanap sa College of Law ng University of the Philippines, inilahad ng mga grupo ang iba’t ibang pagtingin naging desisyon ng Korte Suprema.

Sa desisyon ng Korte Suprema, ilan sa mga constitutional na probisyon umano ng RA 10175 ang Section 6  na nagbibigay ng mas mataas na parusa sa online libel, section 13 pagbibigay pahintulot sa mga awtoridad na mag-preserve ng traffic data at impormasyon ng subscribers, section 14 disclosure ng computer data sa ilalim ng court-issued warrant, at section 15  na nagbibigay pahintulot na tignan, kuhanin at pag-aralan ang computer data sa ilalim ng court-issued warrant.

Naging unconstitutional naman ang section 4(c)(3) na nagbibigay parusa sa pag-post ng unsolicited commercial communications, section 12 na nagpapahinulot na mangulekta at magrekord ng real time traffic data, at section 19 na nagbibigay kapangyarihan sa Department of Justice na i-block ang access sa Internet sa suspected internet data.

Ayon kay Prop. Luis Teodoro, deputy director ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), malaking banta ang RA 10175 sa kalayaan sa pamamahayag at kailangang gawin ang lahat ng magagawa dahil mas pinalala nito ang problema sa naging desisyon ng Korte Suprema na constitutional ang online libel.

Nagiging malaking banta ito dahil pati paggamit ng devices tulad ng cellphones ay maaaring makasuhan sa ilalim ng RA 10175, ayon kay Teodoro.

“Naging constitutional ang Section 6, na ito yung unang-una nating pinag-usapan dahil sa usapin ng libel at online libel. Ito yung nanatili at ito ang pinakamapanganib sa publiko (dahil sa regular na paggamit ng Internet),”ayon kay Kabataan Rep. Terry Ridon.

Ayon kay Ridon, ipinakikita ng naging desisyon ng Korte Suprema kung gaano kalimitado ang pang-unawa ng mga mahistrado sa internet.

Para naman kay Tonyo Cruz, isa sa mga tagapanguna ng BAND, pinaghiwa-hiwalay ng korte ang pagtingin sa mga  probisyon.

“Hiwa-hiwalay na kinonsider at hindi nakita ang kaugnayan ng mga probisyon. Hindi na kita ang kaugnayan ng real time collection of data sa libelApparently, parang nagmamadali ang Korte (Suprema),” ayon kay Cruz.

Dagdag ni Cruz, naging tahimik ang Korte Suprema para sa proteksyon sa karapatan ng publiko na tuligsain ang gobyerno at mga opisyal nito pero ipinagtanggol ng Korte ang commercial speech kabilang ang mga spam.

Kaugnay nito, nakahanda naman silang magsumite ng motion for reconsideration sa Korte Suprema kaugnay ng desisyon nito sa RA 10175.

“Gagawin naman lahat ng legal na remedyo na mayroon. Kailangan nating protektahan ang kalayaan sa Internet kahit ano man ang mangyari,” ayon kay Ridon.

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+197
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2014/02/sa-paggunita-sa-anibersaryo-ng-pag-aalsa-sa-edsa-cybercrime-law-ipoprotesta/
Instagram0
Follow by Email
RSS