Manggagawa

Herrera Law, legal na batayan ng kontraktuwalisasyon sa paggawa, pinababasura


Muling nanawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagbabasura sa 25-anyos na batas na anila’y nagbigay sa legal na batayan ng kontraktuwalisasyon sa paggawa at lalong nagsasadlak sa mga manggagawa sa pagsasamantala at panunupil. Nagmartsa ang mga mga miyembro ng KMU patungong Mendiola Bridge, sa paanan ng Malakanyang, 25 taon matapos mapasa ang Republic Act […]

Martsa ng mga manggagawang nananawagan sa pagbabasura ng Herrera Law. (Kontribusyon/KMU)
Martsa ng mga manggagawang nananawagan sa pagbabasura ng Herrera Law. Kontribusyon

Muling nanawagan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagbabasura sa 25-anyos na batas na anila’y nagbigay sa legal na batayan ng kontraktuwalisasyon sa paggawa at lalong nagsasadlak sa mga manggagawa sa pagsasamantala at panunupil.

Nagmartsa ang mga mga miyembro ng KMU patungong Mendiola Bridge, sa paanan ng Malakanyang, 25 taon matapos mapasa ang Republic Act 6715 o mas kilala bilang Herrera Law, na nag-aamyenda sa Labor Code. Pinangunahan ang nasabing batas ng noo’y Senador Ernesto Herrera, na dati ring pangkalahatang kalihim ng Trade Union Congress of the Philippines.

“(H)indi nito pina-unlad ang mga manggagawa. Sa halip, lumala pa ang kalagayan (natin),” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sinabi pa niya na dahil sa Herrera Law, lalong lumaganap ang kontraktuwalisasyon. Katunayan, mistulang ordinaryong katawagan na lamang ang “endo” (end of contract) sa mga manggagawa at nilampasan na daw ng mga kontraktuwal sa bilang ang regular na mga manggagawa.

“Hindi nga dapat ipinasa ‘yang Herrera Law. Kaya’t dapat agaran din itong ibasura,” sabi ni Labog.

Paliwanag naman ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), binigyan ng Herrera Law ng kapangyarihan ang pinuno ng Department of Labor and Employement (DOLE) na sa Assumption of Jurisdiction o AJ ay sumaklaw sa mga sigalot ng manggagawa at kapitalista.

Sinabi ng Eiler na AJ ang dahilan ng mga pagbuwag sa mga welga ng manggagawa, tulad ng naganap na masaker sa mga nakawelgang manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong Nob. 16, 2004.

“Bangungot ng mga manggagawa ang Herrera Law sa panahong akala nila’y naibalik na ang demokrasya matapos ang pag-aalsa sa Edsa noon,” sabi ni Anna Leah Escresa, executive director ng Eiler.

Dagdag pa ni Escresa, sa ilalim ng Artikulo 106-109 ng Herrera Law, may kapangyarihan ang sekretarya ng paggawa na magpalabas ng kautusan na naghihikayat sa pagkuha ng mga kontraktuwal tulad ng nakasaad sa Department Order 18-A na inilabas noong 2011.

Sabi pa niya naging normal ang kalakarang ito sa lahat ng sektor ng ekonomiya mula sa manupaktura, industriya ng wholesale at retail hanggang sa industriya ng call center o business process outsourcing.

Ang masakalap, sabi pa ni Escresa, nakadagdag pa ito sa paglala ng usapin sa child labor lalo na sa mga plantasyon. Laganap daw ang sistemang pakyawan para lamang maka-iwas sa pagkuha ng mga regular na manggagawang agrikultural.

“Sa ilalim ng sistemang pakyawan, napipilitan ang mga batang manggagawa na tumulong sa pamilya para maabot ang quota,” aniya.

Ipinunto pa ni Escresa na nagbigay ng balangkas ang batas para sa tripartism sa sektor ng paggawa, pero mekanismo raw ito na gumagamit ng pekeng usapan sa pagitan ng manggagawa, gobyerno at mga kumpanya para magpatupad ng mga polisiyang anti-manggagawa.

“Ang kailangan natin ay mga batas na magtataguyod sa karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon, magkaroon ng collective bargaining agreement at karapatang magwelga,” sabi ni Labog.

Nanawagan si Labog sa mga manggagawa na magbuo ng mga unyon para protektahan ang kanilang mga karapatan at interes, sa kabila ng pagpapatupad ng Herrera Law.