Komentaryo Main Story Pambansang Isyu

Hindi ‘depensibo’ ang panghihimasok ng militar nila


Kaya nga raw ‘Enchanced Defense Cooperation’ ang katawagan: Layunin ng pagbase ng militar ng US sa mga base ng Pilipinas ay para matulungan ang Pilipinas na ‘depensahan’ ang sarili sa mga banta ng China. Pero nakita sa kasaysayan: Ang retorika ng US na ‘pagdedepensa’ ay mapagbalatkayong salita para sa polisiya ng panghihimasok nito sa ibang bansa

May malungkot na kasaysayan ng panghihimasok ang militar ng US sa Timog Silangang Asya. Nasa larawan, mula kaliwa: Vietnam Pres. Nguyen Minh Triet, US Pres. Barack Obama, at Pang. Benigno Aquino III, sa  New York, USA noong 2010. <strong>Malacanang Photo Bureau</strong>
May malungkot na kasaysayan ng panghihimasok ang militar ng US sa Timog Silangang Asya. Nasa larawan, mula kaliwa: Vietnam Pres. Nguyen Minh Triet, US Pres. Barack Obama, at Pang. Benigno Aquino III, sa New York, USA noong 2010. Nasa likod ng tatlong lider ang mga watawat ng mga bansa sa Timog Silangang Asya. Malacanang Photo Bureau

Otsenta porsiyento na raw na tapos ang “Agreement on Enhanced Defense Cooperation,” sabi ni Foreign Affairs Undersec. Pio Lorenzo Batino. Tiyak na minamadali nila ito—bago dumating sa bansa, sa huling linggo ng Abril, si US Pres. Barack Obama. Batay sa mga ulat sa midya, highlight ng bagong kasunduang militar ng mga gobyerno ng Pilipinas at US ang karapatang magbase ng Amerikanong militar sa mga base ng Pilipinas sa buong bansa. Ito lang ang pinakahuli sa mahigit isang siglo na pagkakayupapa ng mga administrasyong Pilipino sa pampulitikang kapangyarihan ng US.

Araw-araw, sa balita sa midya, sinasalaksak sa ating kamalayan: May banta ng pananakop ng bansang China, nambabraso ito para makuha ang mga isla ng Spratly at iba pang teritoryo sa West Philippine Sea (South China Sea). Sa kabila nito, nariyan ang US, na muling nag-aastang pandaigdigang pulis, namamagitan at magsisilbi raw na deterrent (pangontra) sa mapagbantang presensiya ng China.

Madaling paniwalaan ito—kung mangmang tayo sa kasaysayan. Batay sa mga komento sa social media at mainstream media, mula sa mga barberya sa kanto hanggang sa airconditioned na network studios, masasabing marami nga ang naniniwala. Pero tila sinasadyang di-binabanggit sa mga talastasang ito kahit ang kasalukuyang rekord ng militar ng US, sa Latin Amerika, Aprika at Gitnang Silangan—ang rekord ng malawakang paglabag sa karapatang pantao, lantarang pagpasok ng mga kompanyang Kano sa mga lugar na ito para pagsamantalahan ang likas na yaman dito (sa kaso ng Gitnang Silangan, ang langis sa Iraq, Lybia, atbp.).

Sa Timog Silangang Asya, sa ating bahaging ito ng mundo, madalang nang mabanggit ang giyera sa Vietnam.

Mapa ng Gulf of Tonkin at South China Sea (West Philippine Sea). <strong>Wikimedia Commons</strong>
Mapa ng Gulf of Tonkin at South China Sea (West Philippine Sea). Wikimedia Commons

Madalang nang mabanggit ang tinaguriang Gulf of Tonkin Incident, ang kaganapang naging mitsa ng madugong giyera ng Amerika sa Vietnam na kumitil sa buhay ng aabot sa 2,000,000 sibilyang Biyetnames at nagwasak sa kabuhayan ng di-mabilang na mga sibilyan sa buong Timog Silangang Asya.

Ang insidenteng ito ay naganap sa Gulf of Tonkin, na katawan ng dagat na karatig ng North Vietnam at China, at di-kalayuan sa West Philippine Sea / South China Sea. Halos 50 taon na ang nakararaan, noong Agosto 2, 1964, inatake ng barkong militar ng US na USS Maddox  ang tatlong torpedo boats ng North Vietnamese Navy. Pinalabas ni US Pres. Lyndon Johnson na inatake ng naturang torpedo boats ang USS Maddox—kahit na malinaw na nasa teritoryo ng North Vietnam ang naturang barkong Kano. Dalawang araw matapos ito, muling nag-anunsiyo si Johnson na inatake ito ng mga North Vietnamese na barko—kahit na lumabas mula sa na-declassify na mga dokumento ng National Security Agency ng US na gawa-gawa lamang ng USS Maddox ang naturang insidente. Ito ang naging hudyat ng Vietnam War, ang di-deklaradong giyera ng US sa mga mamamayan ng Vietnam.

Pinagsimulan ng madugong Vietnman War ang tinaguriang Gulf of Tonkin Resolution, na ipinasa sa US Congress matapos ang pekeng insidente sa naturang golpo. Sabi sa resolusyong ito, maaaring magsagawa ng mga aksiyong militar ang US sa Timog Silangang Asya batay sa kasunduan nito sa mga bansa sa rehiyon, ang Southeast Asian Collective Defense Treaty na nilagdaan sa Manila, Pilipinas noong 1954.

Layunin ng naturang tratado sa depensa ang “containment” o pagpigil sa paglawak umano ng impluwensiya ng Komunismo sa Timog Silangang Asya, batay sa teorya ng US na domino effect (kapag “bumagsak” sa Komunismo ang isang bansa sa rehiyon, magtutuluy-tuloy ito sa katabing mga bansa).

“Pagdepensa sa rehiyon” ang mismong katagang ginamit ni Johnson noon, para bigyang katwiran ang pananalakay sa Vietnam. Ganito rin ang lengguwaheng gamit ng mga opisyal ng administrasyong Obama: pagpigil sa paglawak ng impluwensiya ng China ang dahilan kung bakit may polisiya itong “US pivot” (o pagpokus ng mayorya ng militar nito sa Asya). Pero malinaw sa kaso ng Vietnam War na hindi depensa, kundi opensa, ang ginawa ng US. Hindi nito pinangalagaan ang demokrasya; lantarang niyurakan nito ang soberanya ng isang mahirap na bansa. Natakot itong mabawasan ng merkado sa Asya para sa surplus goods nito kung lalawak ang impluwensiya ng noo’y Komunistang China at Soviet Union. Sa kaso ngayon, hindi na Komunista ang China kundi kapitalista na—at direktang karibal ng US sa mga merkado at hilaw na materyales (raw materials).

Kasaysayan ng panghihimasok: Mga lider sa Timog Silangang Asya na lumagda sa Southeast Asia Collective Defense Treaty, kasama si US Pres. Lyndon Johnson (una mula sa kanan). Pang-apat mula sa kaliwa si Pang. Ferdinand Marcos. <strong>Wikimedia Commons</strong>
Kasaysayan ng panghihimasok: Mga lider sa Timog Silangang Asya na lumagda sa Southeast Asia Collective Defense Treaty, kasama si US Pres. Lyndon Johnson (una mula sa kanan). Pang-apat mula sa kaliwa si Pang. Ferdinand Marcos. Ang naturang tratado ang naging batayan ng resolusyon ng US Congress na nagpapayag sa direktang panghihimasok militar ng US sa Vietnam mula 1965 hanggang 1975.Wikimedia Commons

Hindi depensa sa soberanya ng Pilipinas ang pakay ng US sa “Enhanced Defense Cooperation”, o kahit sa nakaraang mga kasunduang militar nito na Visiting Forces Agreement at Mutual Defense Treaty. Pakay nito ang magpakita ng kapangyarihang militar; at kung mabubuyo sa digmaan ang China, ang ibig sabihin nito’y masasangkot ang Pilipinas sa madugong sigalot sa pagitan ng dalawang nag-uumpugang superpower.

Maraming eksperto na ang nagsabi na malakas ang kaso ng Pilipinas sa pandaigdigang mga korte para madeklarang pag-aari ng bansa ang mga teritoryo sa Spratlys. Walang duda na batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea o Unclos, na nasa loob ng Pilipinas ang naturang mga lugar. Sinabi na rin ng mga ekspertong ito na hindi na sa international courts na ito pinakamalakas ang tsansa ng Pilipinas na makuha ang naturang pinag-aagawang mga teritoryo. Hindi na kailangang muling hayaan ang US na yurakan ang soberanya at kalayaan ng Pilipinas para lang magwagi sa Spratlys, atbp.

Sino mang kumokondena sa bullying ng China habang pumapabor naman sa mas matinding panghihimasok ng puwersang militar ng US sa bansa ay nagpapakita ng kawalan ng muwang sa kasaysayan. O di kaya’y ipokrito—at di naman talaga iniisip ang tunay na ikabubuti ng Pilipinas.