Kabataan Main Story

Isang taon matapos ang trahedya ni Kristel Tejada: Laban ng iskolar ng bayan nagpapatuloy


Isang taon mula nang kitlin ng sistema ng edukasyon ang buhay ng isang 16-anyos na iskolar ng bayan, wala pa ring pagbabago sa mga polisiya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP): Mataas pa rin ang matrikula, di pa rin abot-kaya sa mga maralita. Marso 15 noong nakaraang taon nang kitlin ni Kristel Tejada, mag-aaral ng Behavioral […]

    Press conference para sa isang taong pagkamatay ni Kristel Tejada. Pher Pasion
Press conference para sa isang taong pagkamatay ni Kristel Tejada. Pher Pasion

Isang taon mula nang kitlin ng sistema ng edukasyon ang buhay ng isang 16-anyos na iskolar ng bayan, wala pa ring pagbabago sa mga polisiya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP): Mataas pa rin ang matrikula, di pa rin abot-kaya sa mga maralita.

Marso 15 noong nakaraang taon nang kitlin ni Kristel Tejada, mag-aaral ng Behavioral Science sa UP Manila, ang sariling buhay. Hindi nakapasok si Kristel dahil di-nabayaran ang matrikula ayon sa panahong itinakda ng administrasyon ng UP Manila; hindi rin pinagbigyan ang pagmamakaawa nilang papasukin siya sa mga klase ni Kristel habang nagkukumahog ang magulang niya na maghanap ng pambayad ng matrikula.

“Napakabilis ng panahon. Isang taon na ang nakakaraan mula nang siya’y mawala sa amin. Naglaho rin ang mga pangarap niya at mga pangarap namin para sa kanya,” ayon kay Christopher Tejada, ama ni Kristel.

Patuloy na mga polisiya

Sa kabila ng trahedya ng pagkamatay ni Kristel, hindi nabago ang mga mapaniil na polisiya sa loob ng UP na hanggang ngayo’y hinaharap ng mga mag-aaral.

Ayon kay Krista Melgarejo, student regent ng UP, matapos ang pagkamatay ni Kristel, nagpasa ng resolution ang Board of Regents ng UP noong Abril ng nakaraang taon na nagsasabing “no qualified UP student shall be denied access to education due to financial incapacity” (“walang kuwalipikadong estudyante ng UP ang tatanggihan ng akses sa edukasyon dahil sa pinansiyal na kakulangan.”).

Malinaw daw ito sa bahagi ng mga estudyante. Para sa kanila, pagpapababa ng matrikula at pagsigurong hindi hadlang ang kahirapan para makapasok sa UP ang kongkretong implementasyon nito.

Pero naobserbahan umano ni Melgarejo na mistulang “lip service” lang ang board resolution na ito matapos ang mga buwan mula nang ito’y maaprubahan.

“Patuloy pa rin ang forced leave of absence sa ating mga estudyante. Kahit sa UP Diliman, napu-purge po ‘yung ating mga estudyante kapag hindi sila nakakabayad ng kanilang tuition. Ni-reform pa itong deceptive na socialize tuition scheme of 2013 (STS),” ayon kay Melgarejo.

Christopher Tejada habang ipinaliliwanag ang patuloy na laban ng kanyang anak.<strong>Pher Pasion</strong>
Christopher Tejada habang ipinaliliwanag ang patuloy na laban ng kanyang anak.Pher Pasion

Sa esensiya, wala umanong pinagkaiba ang kontrobersiyal na Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) at STS na pagpapahintulot sa pagtataas ng matrikula sa UP, ayon kay Marion Tan, vice-chancellor for academic affairs ng UP.

Hindi maihihiwalay ang STFAP sa kasaysayan ng pagtaas ng matrikula sa UP, sabi pa ni Malgarejo. Noong 1989 nang maipatupad ito, nasa P40 kada yunit ang matrikula sa UP na naging P200 kada yunit. Taong 2006 nang maaprubahan ang panibagong pagtataas sa matrikula na nagtulak para magkaroon ng reform sa STFAP.

Nasa Bracket A (P1,500 kada yunit) at Bracket B (P1,000 kada yunit) ang mayorya ng mga mag-aaral ngayon sa UP. Pahirapan umano ang pagkakategorya sa mga mag-aaral para mapunta sa mababang bracket, kuwento ni Felix Farinas, tagapangulo ng All UP Worker’s Union, sa panayam ng Pinoy Weekly.

“Ang kinakatakot ng mga estudyante, dahil nga naapruba ang mga reporma sa STFAP noong nakaraang taon, hindi malayong mangyari na magkaroon na naman ng isang wave ng tuition increase dito sa UP,” ani Melgarejo.

At kahit na nga sa loob ng Board of Regents, mayroon nang “impormal” na mungkahi ang isang miyembro nito na magdagdag ng isa pang bracket–na na mas mataas sa kasalukuyang Bracket A na P1,500 kada yunit ang binabayarang matrikula. Sa mungkahing dagdag na bracket na ito, tinatanyang P2,000 kada yunit ang babayaran kada semestre.  Ito’y para raw “ma-subsidize” ang mga mahihirap na mag-aaral sa UP, kuwento pa ni Melgarejo.

Lumalabas na ang nagbibigay subsidiya sa mga nasa mababang bracket gaya ng bracket E1 at bracket E2 ay kapwa mga iskolar ng bayan; walang nanggagaling sa administrasyon o pondo mula sa gobyerno.

Pagtalikod ng gobyerno

Ayon naman kay Prop. Judy Taguiwalo ng Justice for Kristel Tejada Movement, nasa plano umano ni Pangulong Aquino sa kanyang budget message noong 2011 na bawasan ang pondo ng state universities and colleges (SUCs) sa bansa para maitulak ang mga ito na mangalap ng sariling pondo bago pa man masawi si Kristel.

“Ang UP katulad ng iba pang SUCs ay public universities. Ibig sabihin, ito ang serbisyo na binabayaran ng buwis ng mga mamamayan para maaaring pumasok ang kabataang Pilipino na tulad ni Kristel. Wala man silang pera pero may kakayahan (sila na makapag-aral dito),” ayon kay Taguiwalo.

Dagdag pa niya, hindi totoo na walang pondo ang pamahalaan dahil sa pagkakabunyag ng bilyong pisong kinasasangkutan ng Priority Development Assistance Fund o PDAF (mas kilala bilang pork barrel) at Disbursement Acceleration Program o DAP (mas kilala bilang presidential pork barrel) ng mismong pangulo. Hindi lang ito inilalaan sa pampublikong mga serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan.

“Ang laban ng katarungan para kay Kristel Tejada ay laban para sa katarungan para sa iskolar ng bayan, laban kontra sa pag-abandona ng administrasyong Aquino sa pampublikong serbisyo at sa alokasyon para sa SUCs…(Laban din ito) kontra korupsiyon, pork barrel at para mapunta sa mga mamamayan ang kaban ng bayan,” ayon kay Taguiwalo.

Kung tunay na pampublikong unibersidad ang UP, dapat daw na pinaglalaanan ng panahon ng administrasyon kung paano ibabalik sa abot-kaya (kung hindi man libre) ang matrikula. Dapat itong nanggagaling sa administrasyon kung tunay na unibersidad ng mga mamamayan ang UP.

Hindi lamang propaganda

Pag-aalay ng rosas at tagulaylay para kay Kristel Tejada.<strong>Pher Pasion</strong>
Pag-aalay ng rosas at tagulaylay para kay Kristel Tejada.Pher Pasion

Pinasinungalingan naman ni Christopher Tejada ang mga akusasyong ginagamit lamang umano ang pagkamatay ng kanyang anak para sa propaganda at interes ng ilang grupo.

“Nagpapasalamat ako dun sa nagre-represent sa amin kasi hindi nila ginagamit (si Kristel). Nakikita kasi nila na ‘yan (pagkamatay ni Kristel) ang ultimate na mangyayari sa estudyante. At ‘yun ang ayaw naming mangyari sa ibang tao. Tama na ‘yung sa amin,” ani Tejada. Saludo umano siya sa progresibong mga grupo dahil mayroong ipinaglalaban ang mga ito.

Hindi isang propaganda kundi isang katotohanan ang pagkamatay ni Kristel, sabi naman ni Melgarejo. Nangyayari rin umano ang kalagayan ni Kristel kahit sa mga pribadong mga pamantasan na hindi naiuulat sa midya.

“Ito’y isang panawagan para sa ating lahat. Sa pagsama-sama ng ating pagkilos, sa pagbibigay ng ating sarili sa ganitong usapin, makialam tayong lahat. Lumabas tayong lahat. Dahil ito’y hindi lang laban ni Kristel o ng isang iskolar ng bayan. Ito’y isang laban ng mga Pilipino. Ito’y laban ng mga mamamayan (na) naniniwala sa karapatan (sa edukasyon),” pagtatapos ni Tejada.