Main Story

Ka Mameng sa Entablado


Rebyu ng “Nanay Mameng: Isang Dula” Tampok si Ermie Concepcion bilang Nanay Mameng Panulat ni Amanda Echanis, Direksiyon nina Edwin Quinsayas at Noel Taylo Produksyon ng KADAMAY, UPRCP, Sinagbayan at PUP-UCCA Marso 20 at 21, 2014, Tanghalang PUP Bihira ang hindi naantig sa sinumang nakapanood at nakarinig sa mga talumpati ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida, […]

Si "Nanay Mameng" (Ermie Concepcion) at ang kanyang mga kunsensya. Larawan mula sa "Nanay Mameng, isang dula" Facebook page
Si “Nanay Mameng” (Ermie Concepcion) at ang kanyang mga kunsensya. Larawan mula sa “Nanay Mameng, isang dula” Facebook page
Rebyu ng “Nanay Mameng: Isang Dula” Tampok si Ermie Concepcion bilang Nanay Mameng Panulat ni Amanda Echanis, Direksiyon nina Edwin Quinsayas at Noel Taylo Produksyon ng KADAMAY, UPRCP, Sinagbayan at PUP-UCCA Marso 20 at 21, 2014, Tanghalang PUP

Bihira ang hindi naantig sa sinumang nakapanood at nakarinig sa mga talumpati ni Carmen “Nanay Mameng” Deunida, lider-masa ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Huling narinig ng madla ang maanghang niyang mga salita sa isang rali kontra sa pork barrel nitong nakaraang taon – ilang buwan bago siya na-ospital at na-operahan, at pinayuhang magpahinga muna sa walang mintis na pakikilahok sa mga martsa sa lansangan. Sa edad na 86, si Nanay Mameng ay isa sa pinakakilalang mukha at tinig ng militansya sa kilusang masa. Nagbubukas ang “Nanay Mameng: Isang Dula” para mas malalim na makilala ng publiko hindi lang ang aktibistang si Ka Mameng, kundi ang konteksto ng kanyang pakikisangkot, mithi at paninindigan. Sa entablado ay agad na bubungad sa manonod ang maliwanag na larawan ng looban – komunidad na tirahan ng sektor na tinatawag na maralitang lungsod. Agad ding nakaplasta sa isang bahagi ng matingkad na larawang ito si Nanay Mameng (Ermie Concepcion) mismo, bilang isang karaniwang labandera na kasalamuha ng iba’t ibang mukha ng maralita at mala-manggagawa.

Mula sa "Nanay Mameng, isang dula" FB page
Mula sa “Nanay Mameng, isang dula” FB page

Sa pamamagitan ng mga awit, sayaw, anino at bidyo, ipinakikilala sa manonood ang mga kulay at ingay ng araw-araw na suliranin ng looban na karugtong ng samu’t saring isyung panlipunan. Sa unang ilang linya pa lamang ay agad nang mababanggit ng mga tauhan ang salitang “demolisyon” – ang marahas na pagpapalayas sa mga residente at pagwasak sa mga komunidad – bilang tampok na problema ng mga maralita. Sa dulang “Nanay Mameng,” ipinakita ang pag-oorganisa at paglaban bilang halos natural na ritmo sa loob ng maralitang komunidad habang dumadaloy ang salaysay ni Nanay Mameng sa kanyang kagyat na “tungkulin” – ang maghanda ng talumpati para sa isang pagtitipon na magpaparangal sa kanyang mga kontribusyon sa kilusang masa.

Ang samu’t saring suliranin at isyu ay sunud-sunod na ipinakita sa maiikling pagtatanghal na tipong mga production number – mga pagtatanghal sa loob ng buong pagtatanghal ng dula. Ang iba’t ibang tema – mga luma at pamilyar na martsa, progresibo at rebolusyonaryong awit at orihinal na komposisyon ay inilangkap sa bagong areglo, interpretasyon at koryograpiya sa pangunguna nina Louie Eslao sa musika at direksyon nina Edwin Quinsayas at Noel Taylo. Sa manonood ay malakas ang dating ng mga number na ito sa paghahatid ng mensahe ng bawat partikular na tema ng awit, sayaw, pagbigkas at galaw o koro. Makapangyarihan ang laro ng ilaw at koryograpiya, halimbawa, sa isang eksenang nagtatampok sa demolisyon; o ang koro ng mga tauhan sa pagtalakay sa mga suliraning “nagkakahon” sa kababaihan sa pag-awit ng “Sabon.”

Ang mga pangkulturang organisasyon na madalas mapanood sa mga rali ay nagsama-sama sa dula para sa isang makulay na kolaborasyon. Tampok ang galaw ng Sinagbayan, mga mang-aawit ng Sining Lila-Gabriela, koro ng Tambisan sa Sining mula sa kilusang paggawa, at ang mga kabataang rapper ng TABAKK. Kapansin-pansin din ang pagsasama-sama para sa produksyon ng mga aktibistang pangkultura at ng iba’t ibang indibidwal at grupo mula sa teatro pelikula gaya ng mga myembro ng teen theater league ng PETA, sina Adjani Arumpac, RJ Mabilin, Brandon Relucio sa bidyo; Rowena Bayon at Rose Bucud sa disenyo ng entablado at kostyum, at Katsch Catoy sa disenyo ng ilaw.

Ang eksposisyon sa kuwento ni Nanay Mameng ay nais ilahad ng dula sa pamamagitan ng kanyang mga pilyang “kunsensya” (Loy, Tao, Ley Calvo, Alexandra Ynaga at Agay Bathan) at ng isang tauhang pinangalanang “Banaag” (Jane Balleta). Kinulapol sa mga tauhang ito ang tangkang pagsasalaysay sa personal na alaala ni Ka Mameng; ang kanyang lugar sa pambansang kasaysayan; at ang pinagsasaluhang mga adhikain ni Ka Mameng at ng malawak na progresibo at rebolusyonaryong kilusan. Mahalagang banggitin ang natatanging pagtatanghal nina Gina Luz Francisco sa pag-awit ng “Bayan Ko;” Tao Aves sa “Alab ng Digmang Bayan” at isa pang orihinal na awit; ang grupong TABAKK sa pangunguna ni Lanseta sa kanilang rap number; at Loy Villarias sa sayaw at galaw.

Mula sa Nanay Mameng, isang dula FB page
Mula sa Nanay Mameng, isang dula FB page

Bagamat maaaring epektibo ang bawat numero (number) sa partikular na tema na nais nitong ilahad – halimbawa ay paksa ng “demolisyon,” “manggagawa,” “kababaihan” o “digmang bayan” pa nga – ang lugar ng mga numerong ito sa kabuuang daloy ng dula ay halos parang palambang, hindi malinaw ang progresyon at kulang sa inaasahang rurok. Nagawa ng dula ang tangkang paglalahad sa bawat paksa o isyu na nais ilantad, at dito na halos nahumaling ang “eksposisyon.” Maaalala ang bawat numero sa sariling kakanyahan, ngunit hindi sa lugar nito sa pag-unlad ng kabuuang salaysay. Magiging suliranin ito sa mga manonood na unang beses pa lang maipapakilala sa mabibigat at komplikadong isyu ng kahirapan at paglaban – umaapaw sa mensahe ang dula pero maaaring mababaw ang mauunawaan ng manonood kung malilito sila sa daloy at balangkas ng pangunahing naratibo.

Sa kalahatan, ang marudob at sinserong kolektibong pagsisikap sa produksyon ng “Nanay Mameng” ang makikitang tampok sa aktibistang pangkulturang pagtatanghal. Ang ganitong mga pagsisikap ay dapat na makabuwelo, patuloy na mapaunlad at matunghayan ng mas malawak na awdyens.

Naging bonus sa mga manonod na sa huling pagtatanghal ng Marso 21 na sa katapusan ng dula ay nagtalumpati mismo si Carmen Deunida, ang totoong Nanay Mameng. Sa kanyang mga salita, siya ay isang “Ka Mameng”— ang lahat ng mga manonood ay itinuturing niyang mga kasama sa pakikibaka. Walang kaparis ang marinig ang aktwal na talumpati ni Ka Mameng sa entablado.

“Ako po ay tulad ninyo na maralita, nagkataon lang na ako’y nabigyan ng pagkakataong magsalita,” ani Ka Mameng – pahiwatig ng marami pang maririnig na mga tinig at mga kwento ng buhay at pakikibaka na magbibigay lakas at inspirasyon hanggang sa mithing tagumpay.

Ilang bahagi ng pagtatanghal ng “Nanay Mameng, isang dula” sa PUP College of Communication, Sta. Mesa, Manila noong Marso 21, 2014. Bidyo ng Kodao Productions.