‘Paghingi ng dispensa ni Aquino sa mga biktima ng Yolanda, di sapat’


Pagbibitiw ni Pangulong Aquino, hindi lang paghingi ng dispensa, ang nararapat para masimulan ang pagbigay ng hustisya sa “kriminal na kapabayaan” ng administrasyon sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Ito ang mensahe ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa protesta nito sa Mendiola kamakailan, isang araw matapos humingi ng dispensa si Aquino sa mga biktima dahil […]

Elmer "Ka Bong" Labog ng KMU: Hindi sapat ang paghingi ng dispensa ni Aquino sa mga biktima ng Yolanda; dapat magbitiw siya. Kontribusyon
Elmer "Ka Bong" Labog ng KMU: Hindi sapat ang paghingi ng dispensa ni Aquino sa mga biktima ng Yolanda; dapat magbitiw siya. <strong>Kontribusyon</strong>
Elmer “Ka Bong” Labog ng KMU: Hindi sapat ang paghingi ng dispensa ni Aquino sa mga biktima ng Yolanda; dapat magbitiw siya. Kontribusyon

Pagbibitiw ni Pangulong Aquino, hindi lang paghingi ng dispensa, ang nararapat para masimulan ang pagbigay ng hustisya sa “kriminal na kapabayaan” ng administrasyon sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Ito ang mensahe ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa protesta nito sa Mendiola kamakailan, isang araw matapos humingi ng dispensa si Aquino sa mga biktima dahil sa di-mabilis na pagtugon ng gobyerno para sa pagsagip at pagbigay ng relief sa mga nasalanta ng bagyo.

“Naaalala natin sa paghingi ng dispensa ni Aquino ang talumpating ‘I am sorry’ ni Gloria Macapagal-Arroyo matapos maisiwalat ang eskandalo sa eleksiyon (noong 2004) na ‘Hello Garci’. Binibigyan-diin ng paghingi ng dispensa ng dalawang Punong Ehekutibo ang kanilang krimen at desperadong tangka para mapahupa ang lumalakas na pagkondena sa kanilang mga krimen,” paliwanag ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sinabi pa ni Labog na tila hindi sinsero si Aquino sa paghingi ng dispensa dahil agad naman niyang binigyang katwiran ang di-maagap na pagtugon sa krisis. Isa pa, aniya, apat na buwan pa ang tumagal bago niya naisipang humingi ng paumanhin sa mga kakulangan niya.

Para naman kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, “nakakasuklam” ang paghingi ng dispensa ni Aquino dahil patuloy niyang pinagpipilitan na wala nang magagawa ang gobyerno para maampat ang epekto ng Yolanda, o makapaghanda para sa mas mabilisang pagresponde sa kalamidad.

“Pana-panahon, ipinamumukha (sa atin) ng Pangulo ang kanyang ignoransiya. Sa ibang bansa, nakakapagsalba ng buhay ang tamang disaster risk reduction and management, ano man ang lakas ng bagyo o natural na kalamidad. Halimbawa, sa Vietnam, anim na tao lang ang nasawi nang dumaan sa bansang ito ang bagyong Yolanda (pangdaigdigang ngalan: Haiyan), bahagi nito dahil sa paghahanda (ng gobyerno),” sabi ni Crisostomo.

Hindi rin basta mabubura ng paghingi ng patawad ang “kriminal na kapabayaan” ni Aquino, ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

“Libu-libo ang nasawi, marami sa kanila masasalba sana kung handa sila tulad ng sinabi niya sa talumpati bago ang aktuwal na landfall ng Yolanda. At hanggang ngayon, ilang buwan matapos manalasa ang Yolanda, marami pa rin ang nagugutom at di pa nga makabangon para muling itayo ang kanilang mga buhay dahil patuloy na bigo ang gobyerno sa pagtugon sa mga responsabilidad nito sa mga mamamayan,” sabi pa ni Salvador.

Para naman kay Jacquiline Ruiz, executive director ng Children’s Rehabilitation Center, malamang na bahagi ng pagtatakip sa “pagpapabaya at kainutilan” ng administrasyong Aquino ang paghingi ng Pangulo ng patawad sa mga biktima ng bagyo.

“Paraan ito ng gobyerno para mapahupa ang galit ng mga survivor sa mabagal na relief and rehabilitation programs nito,” sabi ni Ruiz. Tinawag din niya na “arogante” ang pagsabi ni Aquino na mapupulutan na lamang ng leksiyon ang karanasan ng gobyerno sa pagtugon sa bagyong Yolanda.