Karapatang Pantao Main Story Manggagawa

Panggigipit sa Courage 2, nagpapatuloy


Nadismaya ang mga kawani sa pamahalaan, kasama ang Free Randy and Raul Movement, sa desisyon ng Camarines Norte Provincial Prosecutor na ituloy ang prosekusyon laban sa dalawang organisador ng mga kawani na tinaguriang “Courage 2”. Nagpiket ang mga kawani sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa harap ng […]

Nanawagan sa harapan ng DOJ ang mga kawani ng pamahalaan na palayain ang Courage2. <strong>Pher Pasion</strong>
Nanawagan sa harapan ng DOJ ang mga kawani ng pamahalaan na palayain ang Courage2. Pher Pasion

Nadismaya ang mga kawani sa pamahalaan, kasama ang Free Randy and Raul Movement, sa desisyon ng Camarines Norte Provincial Prosecutor na ituloy ang prosekusyon laban sa dalawang organisador ng mga kawani na tinaguriang “Courage 2”.

Nagpiket ang mga kawani sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa harap ng Department of Justice para igiit ang kalayaan sa detinido nilang mga organisador.

Sa desisyon ng piskal, sinabi niyang may probable cause raw para ipagpatuloy ang mga kasong kinakaharap nina Randy Vegas at Raul Camposano.

Kinasuhan ang dalawa ng paglahok daw sa isang engkuwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army noong Abril 29, 2012 sa Bikol. Sa kabila ito ng ipiniprisintang mga ebidensiya ng mga tagasuporta at kaanak nila na malayo sina Vegas at Camposano sa lugar kung saan nangyari ang engkuwentro at hindi sila mga rebelde.

Paliwanag ng Courage, malinaw na panggigipit ang desisyon ng piskal. Gawa-gawa lamang umano ang mga kasong ibinibintang sa kanilang mga kasamahan.

“Naging malisyoso at makaisang-panig ang desisyon ng prosecutor. Walang kredibilidad ang kanilang pangunahing testigo na sinasabi nito na bago ang insidente, noong 2001 pa nito huling nakita sina Vegas at Camposano,” ayon kay Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.

Gayunpaman, nagbigay umano ang prosecutor ng bigat sa pangalawang testigo–kahit wala naman daw ang mga pangalan nina Vegas at Camposano sa sarili nitong sworn affidavit, dagdag ni Gaite.

Nahaharap kasong six counts of murder, frustrated murder at theft sina Vegas at Camposano kasama sina Ramon Argente at Nancy Ortega parehong organisador ng mga magsasaka sa Bicol.

Pagbasura sa gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista, ipinanawagan sa harapan ng DOJ. <strong> Pher Pasion</strong>
Pagbasura sa gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista ang ipinanawagan ng mga tagasuporta ng Courage 2 sa harapan ng DOJ. Pher Pasion

Isinantabi din ng prosecutor ang mga testimonya ng mga testigo na may kredibilidad gaya ng mga kawani sa pamahalaan at abogado ng Public Attorney’s Office na nagpapatunay na nasa Quezon City sina Vegas at Camposano sa araw na nangyari ang sinasabing enkwentro.

Nakakulong ngayon sina Vegas at Camposano sa Camarines Norte Provincial Jail mula pa noong Disyembre 3, 2012.

Agad namang naghain ng motion for reconsideration ang kampo nina Vegas at Camposano sa naging desisyon ng piskal. Umaapela sila DOJ na itigil na pagkakamaling ginagawa sa kanilang mga kasamahan at palayin ang mga ito.

“Binigyan ng importansiya ng prosecutor ang testigo bilang isang militar. Mismong sa ganitong dahilan na militar ang testigo kaya dapat noong una pa ay naibasura na ang mga gawa-gawang kasong ito,” ayon kay Gaite.