Kababaihan Manggagawa

Pribatisasyon ng mga ospital, ipinatitigil


Sama-sama tayo at hindi mapuputol na paglaban. Ito ang mensaheng nais ipaabot ng mga kawani sa kalusugan at mga mamamayan sa kanilang human chain sa harap ng Korte Suprema bilang simbolo ng pagkakaisa at di-mapuputol na paglaban sa pribatisasyon ng pampublikong mga ospital. Pinangunahan ng Network Oppose to Privatization, Health Alliance for Democracy at Alliance […]

Pagtutol ng kawani sa kalusugan sa pribatisasyon ng publikong ospital sa harap ng Korte Suprema.Pher Pasion
Human chain bilang simbolo ng protesta at pagkakaisa ng mga mamamayan laban sa pribatisasyon ng mga publikong ospital.<strong>Pher Pasion</strong>
Human chain bilang simbolo ng protesta at pagkakaisa ng mga mamamayan laban sa pribatisasyon ng mga publikong ospital.Pher Pasion

Sama-sama tayo at hindi mapuputol na paglaban.

Ito ang mensaheng nais ipaabot ng mga kawani sa kalusugan at mga mamamayan sa kanilang human chain sa harap ng Korte Suprema bilang simbolo ng pagkakaisa at di-mapuputol na paglaban sa pribatisasyon ng pampublikong mga ospital.

Pinangunahan ng Network Oppose to Privatization, Health Alliance for Democracy at Alliance of Health Workers (AHW) ang nasabing pagkilos bilang bahagi ng kanilang serye ng mga kilos-protesta laban sa pribatisasyon,  partikular ng Philippine Orthopedic Center (POC) na unang sinasalang ngayon sa pribatisasyon.

Hiling nila sa Korte Suprema, maglabas ng temporary restraining order o TRO para pigilan ang pagsasapribado ng POC.

“Ang interes at kapakanan ng aming mga pasyente at ng sa amin ay magkaugnay. Kaisa kami sa iba pang mga health advocates at mahihirap na Pilipino. Magkakasama kaming nananawagan para agarang itigil ang pribatisasyon ng POC at ibang pang pampublikong mga ospital,” ayon kay Jossel Ebesate, pangulo ng AHW.

Nasa 26 na pampublikong ospital pa ang isasailalim sa pribatisasyon dahil sa public private partnership ng administrasyong Aquino.

Nanawagan ang AHW sa mga mamamayan para makiisa laban sa pribatisasyon tulad ng kanilang ginawa noong 1997.

Pagtutol ng kawani sa kalusugan sa pribatisasyon ng publikong ospital sa harap ng Korte Suprema.<strong>Pher Pasion</strong>
Pagtutol ng kawani sa kalusugan sa pribatisasyon ng publikong ospital sa harap ng Korte Suprema.Pher Pasion

“Umaasa kami na ang human chain protest na ito ay humaba pa tulad ng patuloy naming paglaban sa pribatisasyon. Ang labang ito ay hindi kakayanin lamang ng mga kawani ng POC at mga pasyente nito. Umaasa kami na ang mayorya ng mga Pilipino ay titindig at makikiisa sa ating laban sa karapatan sa serbisyong pangkalusugan,” ayon kay Ebesate.

Pribatisasyon, nakaayon sa Cha-Cha

Kaugnay nito, sumugod din ang Gabriela sa harapan ng Department of Health para iprotesta ang patuloy na pagbebenta ng administrasyong Aquino sa publikong mga ospital gaya ng POC at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.

“Ang Fabella ang tanging ospital paanakan ng tinatangkilik ng napakaraming kababaihang maralita simula pa noon. Ngayon pa lamang, dahil sa kakulangan sa suporta ng gobyerno, masikip at hindi maayos ang serbisyo ng ospital nguni’t tiyak na lalo pang magsisiksikan kapag niliitan pa ang bed capacity. Hindi rin naman nakatitiyak ng maayos na serbisyo kapag nilipat ito,” ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sa plano ng DOH, ililipat ang Fabella kasama ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center at San Lazaro Hospital sa iisang compound. Dahil dito, liliit ang bed capacity ng Fabella sa 300 mula sa kasalukuyang 700.

Iniugnay ni Salvador ang napipintong pribatisasyon ng mga ospital sa kondisyon ng World Bank na isapribado ang mga pampublikong serbisyo gaya ng kalusugan at edukasyon para mapataas ang credit rating ng Pilipinas.

Gayundin iniuugnay ito sa kasunduang General Agreement on Trade in Services sa World Trade Organization na naglalayong makapasok ang mga dayuhang negosyo sa mga serbisyong nakasarado at para lamang sa mga Pilipino.

Protesta ng Gabriela sa harapan ng Department of Health laban sa pribatisasyon ng mga publikong ospital.<strong>Pher Pasion</strong>
Protesta ng Gabriela sa harapan ng Department of Health laban sa pribatisasyon ng mga publikong ospital.Pher Pasion

“Tinitiyak ng charter change (Cha-Cha) na bukas na ang ekonomiya natin sa buong-buong pag-aari ng dayuhan,” ayon kay Salvador.

Sa darating na Marso 8, Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, kasama umanong dadalhin ng mga kababaihan ang isyu ng pribatisasyon ng mga publikong ospital para singilin ang administrasyong Aquino sa kapabayaan umano nito sa kapakanan ng mga mamamayan.

“Ang pribatisasyon ng mga serbisyong pangkalusugan at ang Cha-Cha ay matinding porma ng pagtalikod at pag-traydor sa kapakanan ng kababaihan at mamamayan. Isang malaking opportunidad ang Marso 8 para iparinig ng kababaihan ang kanilang tinig upang panagutin si Aquino,” pagtatapos ni Salvador.