Magsasaka

Alyado ni Pangulong Aquino inakusahang nang-aagaw ng lupa sa Bulacan


Inakusahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ng pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka sa Kaybanban, San Jose Del Monte, Bulacan si Jose Acuzar, bayaw ni Executive Sec. Paquito Ochoa. Si Acuzar ang tagapangulo ng New San Jose Builders at nagmamay-ari rin ng Goldenville Realty Development Corporation. Aabot sa mahigit 80 ektarya ng produktibong lupaing […]

Bahagi ng 85 ektaryang lupa sa Brgy. Kaybanban, San Jose del Monte, Bulacan, na inaangkin ng Goldenville Realty Corp. Kontribusyon
Bahagi ng 85 ektaryang lupa sa Brgy. Kaybanban, San Jose del Monte, Bulacan, na inaangkin ng Goldenville Realty Corp. Kontribusyon

Inakusahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ng pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka sa Kaybanban, San Jose Del Monte, Bulacan si Jose Acuzar, bayaw ni Executive Sec. Paquito Ochoa.

Si Acuzar ang tagapangulo ng New San Jose Builders at nagmamay-ari rin ng Goldenville Realty Development Corporation. Aabot sa mahigit 80 ektarya ng produktibong lupaing agrikultural ang inaagaw umano ng kanyang kompanya para gawing relocation site na Towerville 7 ng National Housing Authority o NHA.

“Nagsimula ang puwersahang pagpapaalis sa mga magsasaka noong Marso 7 pa. Ngayon, mahigit 54 na magsasaka ang pinalayas ng Goldenville Realty sa Brgy. Kaybanban,” pahayag ni Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng KMP. Sinabi pa ni Flores na gumagamit ng pribadong mga guwardiya at katulong ang 48th Infantry Battallion ng Army sa pagsira sa mga bahay at pananim ng mga magsasaka.

Ayon pa sa grupo, deklaradong agrarian reform community ang Kaybanban dahil saklaw ang 85 na ektarya sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gobyerno. “Nagkukunwaring relokasyon ng mga maralitang tagalunsod, pero pagpapalayas at pagkakaila sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa ang ginagawa ng administrasyong Aquino,” sabi pa ni Flores.

Iginiit din Flores na may basbas mula sa Malakanyang ang pangangamkam at pagpapalayas sa mga magsasaka dahil malapit si Acuzar kay Pangulong Aquino. Dagdag pa ng KMP, pagmamay-ari raw ni Acuzar ang mansiyon sa Samar Street na nagsilbing headquarters ng “paksiyong Samar” na nangampanya kina Aquino at Binay noong eleksiyong 2010.

Noong Hulyo ng nakaraang taon, itinanggi ng New San Jose Builders Inc. ang paratang ng KMP at sinabing hindi nabigyan ng kontrata si Acuzar maging ang kompanya dahil sa kontribusyon nito sa pagkapanalo ni Aquino at wala din kaugnayan ang Goldenville Realty and Development Corporation.

Pero sa lumabas na ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism noong 2005 na parehong may koneksiyon si Acuzar sa dalawang kompanya.

Idinagdag pa ni Flores na ang kaso ng pangangamkam ng lupa sa Kaybanban ay patunay na huwad ang CARP. “Bigo ito na pangalagaan ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka. Ang gobyernong haciendero ni Pangulong Aquino ang nangangamkam ng lupa para lamang itulak ang maanomalyang resettlement project nito,” aniya.

Nanawagan ang KMP na kagyat na magpalabas ng “cease and desist” order ang Department of Agrarian Reform laban sa kumbersiyon sa lupa na ginagawa ng Goldenville Realty.