Magsasaka Main Story

Angkan ni Mar Roxas inakusahang land grabber


Hiniling ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform (DAR) na utusang itigil ang diumano’y ilegal na land survey ng Araneta Properties na pag-aari ng mga kamag-anak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas sa San Jose Del Monte, Bulacan. Sinunog ng mga magsasaka na kabilang sa grupong Tungkong Mangga Upland Farmers […]

Sinunog ng mga magsasaka ang larawan nina Sek. Mar Roxas at greegy Araneta bilang pagpapakita ng kanilang galit sa pangangamkam daw sa kanilang lupa. Macky Macaspac
Sinunog ng mga magsasaka ang larawan nina Sek. Mar Roxas at greegy Araneta bilang pagpapakita ng kanilang galit sa pangangamkam daw sa kanilang lupa. Macky Macaspac

Hiniling ng mga magsasaka sa Department of Agrarian Reform (DAR) na utusang itigil ang diumano’y ilegal na land survey ng Araneta Properties na pag-aari ng mga kamag-anak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Sinunog ng mga magsasaka na kabilang sa grupong Tungkong Mangga Upland Farmers Association (TMUFAI), Sandigan Samahang Magsasaka (SASAMAG), Samahang Magsasaka sa Dalandanan (Samagda) ang larawan nina Roxas at Greggy Araneta bilang protesta. Anila, dapat na raw magpalabas ng cease and desist order ang DAR laban sa Rasa Surveying Company na inupahan ng Araneta Properties.

“Matagal nang nakabinbin ang petisyon namin para ikansela ang conversion order na ipinagkaloob ng DAR sa, mga Araneta,” ani Eriberto Peña, pangalawang tagapangulo ng TMUFAI. Hinala ni Pena na may kaugnayan si Sek. Roxas sa mabagal na aksiyon ng DAR, gayundin ang diumano’y ilegal na sarbey sa lugar.

Sabi ni Melecio Cañete, tagapangulo ng Sasamag, naipaloob sa Comprehensive Agrarian Reform Program ang mahigit 300 ektaryang lupa sa Tungkong Mangga na bahagi ng Hacienda Araneta noon pang 1998. Pero tinutulan ito ng pamilya Araneta. Nagpetisyon ang huli para sa exemption nito at mula noo’y nagdeploy na ito ng pribadong mga guwardiya na armado ng matataas na kalibre ng baril.

“Ngayon plano nilang gawing terminal at depot ng tren (MRT7) ang lupang sakahan namin at pribadong subdibisyon,” ani Cañete.

Ayon naman kay Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), aabot sa 1,000 ektaryang lupa ang inaangkin ng pamilya Araneta. “Ang masaklap dito, hindi pa man nalulutas ng DAR ang unang sigalot tungkol sa lupa, nag-isyu na ang DAR ng conversion order pabor sa mga Araneta,” sabi ni Flores.

Malinaw daw na may kuntsabahan ang DAR at sa angkan ni Roxas gayundin na isa daw patunay ang nagaganap sa Hacienda Araneta na bigong ipagtanggol ng Carp ang mga magsasaka.

Ikinababahala rin ng mga magsasaka ang presensiya ng mga armadong guwardiya na kasama ng mga nagsa-sarbey sa mga lupaing agrikultural. “Ilegal na nga pagsarbey nila, nanakot pa ang mga guwardiyang kasama nila,” sabi ni Peña.

Hawak ng isang magsasaka ang mga larawan ng mga armadong guwardiya ng pamilyang Araneta.  Macky Macaspac
Hawak ng isang magsasaka ang mga larawan ng mga armadong guwardiya ng pamilyang Araneta. Macky Macaspac

Dagdag pa niya, hindi raw sila papayag na basta na lamang kunin ang kanilang produktibong lupain para gawing komersiyal at residensiyal na lugar.

“Binuldoser at pinalitan na nila ang 100 ektarya ng produktibong agrikultural na lupain kaya’t bilyong piso na ang kinita ng mga Ayala at Araneta mula sa kanilang kompanyang Arraza Resources na may proyektong Altaraza sa Tungkong Mangga, kaya hindi kami papayag na kunin pa nila ang natitirang lupain namin na siya naming kabuhayan at buhay,” ani Peña.