CHED ‘inutil’ sa taas-matrikula, pinasasara ng kabataan
Kinandado ng mga grupo ng kabataang estudyante ang Commission on Higher Education (CHED) sa Quezon City bilang protesta sa “kainutilan (nito) napigilan ang taun-taong pagtataas ng matrikula”. Pinangunahan ng alyansang Rise for Education Alliance ang naturang kilos-protesta. “Isara na lamang itong komisyon na ito dahil wala itong silbi sa kinabukasan ng kabataan. Wala itong ginagawa […]

Kinandado ng mga grupo ng kabataang estudyante ang Commission on Higher Education (CHED) sa Quezon City bilang protesta sa “kainutilan (nito) napigilan ang taun-taong pagtataas ng matrikula”.
Pinangunahan ng alyansang Rise for Education Alliance ang naturang kilos-protesta.
“Isara na lamang itong komisyon na ito dahil wala itong silbi sa kinabukasan ng kabataan. Wala itong ginagawa kundi maging tagapagsalita at payagan lang ang pagtataas ng matrikula ng mga pamantasan,” ani Sarah Jane Elago, presidente ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).
Sinabi pa ni Elago na nagdaan na ang ilang buwan mula nang magpasa sila sa CHED ng reklamo sa mga taas-matrikula sa mga pamantasan. Inireklamo ng grupo na “ilegal” umano ang mga taas-matrikula dahil di-sumunod sa tamang proseso.
Pero sa halip na dinggin ng CHED ang kanilang hinaing, pinayagan pa umano nito ang mga pamantasan na magtaas ng matrikula ngayong taon.
Sa taong 2014-2015, nasa 1,683 ang pribadong higher education institutions (HEIs) sa bansa. Nasa 353 dito ang nagsumite ng kanilang interes na magtaas ng matrikula.
Nasa 171 pamantasan ang pinayagan ng CHED at hinihintay pa resulta ng iba.
Ilang epekto ng pagtataas ng matrikula
Sinabi ng NUSP na sa enrollment ngayong taon, marami sa mga pamantasang nagbigay ng aplikasyon para magtaas ng matrikula ay di-sumunod sa mga patakaran ng konsultasyon.
Hindi naman tinanggap ng League of Filipino Students (LFS) ang mga alternatibo na sinasabi ng Malakanyang gaya ng paglipat sa state universities and colleges at pagkuha ng scholarships o student loans.

“Ano ang binabigay sa atin ng CHED at Malakanyang? Parehong nakamamatay na mga alternatibo ito para bitiwan ang kanilang tungkuling magbigay ng kalidad na edukasyon sa publiko habang sinisiguro naman ang tubo ng mga pribadong pamantasan sa nagtataasang bayarin sa eskuwela,” sabi ni Charlotte Velasco, tagapagsalita ng League of Filipino Students (LFS).
Dahil umano dito, nasa 80 porsiyento ng mga nagsisipagtapos sa hayskul ang hindi nakakapasok sa kolehiyo. Samantala, dalawa sa limang mag-aaral sa kolehiyo ang nagda-drop-out sa pamantasan matapos ang kanilang unang taon, ayon sa LFS.
Sa ulat ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (Unesco) Institute of Statistics noong 2013, nakasaad na sa limang bansa na may pinakamalaking bilang ng dropout sa mundo, panglima ang Pilipinas na may 1.5 milyong dropout at nangunguna sa Timog Silangang Asya.
Maliban pa rito, mayroon 15 milyong Pilipino ang out-of-school youths, ayon sa NUSP.
“Ang pagsabing di makatao at iresponsable (ang ahensiyang ito) ay hindi sapat para ilarawan ang inefficiency at negligence ng CHED. Wala nang iba pang paraan kundi ikandado ang komisyong ito para hayagang sabihin sa administrasyong Aquino na punung-puno na kami sa kanilang pagiging iresponsable. Hindi kami kailanman susuko,” ani Elago.
Nangangamba naman si Marc Lino Abila, presidente ng College Editors Guild of the Philippines, na muling tumaas ang bilang at tumindi ang represyon sa mga pamantasan dahil sa patuloy na pagtataas ng matrikula na tinututulan ng mga mag-aaral.
Moratoryo kailangan
Sinabi naman ng Kabataan Party-list na may agarang pangangailangan para agad na maipasa sa Kamara ang House Bill (HB) 698 o ang Tuition Regulation Bill.
Layon ng naturang panukala na kontrolin ang matrikula at iba pang bayarin sa pribadong mga pamantasan at pagbubuo ng isang private school fee regulatory board.

Hulyo noong nakaraang taon nang ipinasa nila Kabataan Rep. Terry Ridon at nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate ang HB 698.
“Hindi puwedeng maupo na walang ginagawa ang lehislatura habang tumataas ang halaga ng edukasyon at hindi na maabot ng ordinaryong Pilipino. Kailangan maging prayoridad ito (HB 698) ng Kongreso para sa nahihirapang kabataan at mga magulang,” ani Ridon.
Maliban pa sa HB 698, isinumite rin nina Ridon, Colmenares, Zarate, at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio sa Kamara ang House Bill 354. Layon nitong magkaroon ng tatlong-taong moratorium sa pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa lahat ng lebel ng edukasyon.
“Sa matagal na panahon, ginagawang multi-milyong negosyo ng pribadong mga may-ari ng mga pamantasan ang edukasyon. Napapanahon na para sa Kongreso na ipasa ang HB 698 at HB 354 para maprotektahan ang mga mag-aaral at kanilang mga magulang laban sa tumataas na mga bayarin taun-taon,” ayon kay Ridon.