Kabataan

Kabataan, sumugod sa gate 7 ng Malakanyang vs pagtataas ng matrikula


Sinugod ng kabataan sa isang raling-iglap ang gate 7 ng Malakanyang sa Mendiola sa Maynila laban sa nakaambang pagtataas na naman ng matrikula sa pasukan ngayong taon. Dahil umano ito sa pagpapabaya ng administrasyong Aquino sa karapatan ng kabataan sa edukasyon sa pagpapahintulot nitong muling magtaas ng matrikula. “Dapat managot ang administrasyong Aquino sa pagpapahintulot […]

Sinugod ng kabataan ang gate 7 ng Malakanyang laban sa pagtaas ng matrikula.<strong>Pher Pasion</strong>
Sinugod ng kabataan ang gate 7 ng Malakanyang laban sa pagtaas ng matrikula.Pher Pasion

Sinugod ng kabataan sa isang raling-iglap ang gate 7 ng Malakanyang sa Mendiola sa Maynila laban sa nakaambang pagtataas na naman ng matrikula sa pasukan ngayong taon.

Dahil umano ito sa pagpapabaya ng administrasyong Aquino sa karapatan ng kabataan sa edukasyon sa pagpapahintulot nitong muling magtaas ng matrikula.

“Dapat managot ang administrasyong Aquino sa pagpapahintulot nito sa taun-taon na pagtaas ng matrikula at pagkaltas sa badyet ng mga state universities and colleges (SUCs). Imbes na makinig sa lehitimong kahilingan ng mga mag-aaral, patuloy nagbibingi-bingihan at pinagkakait sa kabataan ang karapatan natin sa edukasyon,” ayon kay Sarah Jane Elago, presidente ng National Union of Students of the Philippines.

Nasa 353 higher education institutions ang inaasahang magtataas ng matrikula ngayong taon ayon sa Commission on Higher Education (Ched).

Ikinagalit din ng  kabataan ang naging pahayag ng Malakanyang na kung hindi makapag-aral ang mga mag-aaral sa mga pribadong pamantasan, lumipat na lamang daw ang mga ito sa mga SUCs.

“Nakalimutan na ba nila si Kristel Tejada? Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas, pero ipinagkait sa kanya ang mag-aral dahil sa mataas na bayarin at pinatay ng nakamamatay na sistema ng edukasyon,”  ayon kay Charlotte Velasco, tagapagsalita ng League of Filipino Students.

<strong>Pher Pasion</strong>
Pher Pasion

Ayon naman sa NUSP, kahit na ang mag-aaral sa SUCs o maging sa pribadong pamantasan, parehong mga problema at mga isyu gaya ng pagtataas ng matrikula, paulit-ulit na bayarin, at sobrang taas na sinisingil ang mararanasan.

Kabilang pa sa mga problemang kinakaharap ng SUCs ang pagkaltas sa badyet ng 79 sa 110 SUCs sa bansa, nasa 2.3% lamang ng gross domestic product ang inilalaan sa edukasyon, may 32,644 kakulangan sa upuan, nasa 46,567 ang kakulangan sa guro, at tumaas ng 60% ang mga mag-aaral na nag-a-apply para sa tuition loans, ayon sa NUSP.

Ayon naman sa LFS, sa tuwing ang pagtataas ng matrikula ang isyu, sinasabihan umano sila na lumipat sa SUCs. Pero kapag pagkaltas naman sa badyet ng SUCs ang isyu, sinasabihan silang lumipat sa mga pribadong pamantasan.

“Malupit at walang silbi si Aquino. Bulag siya sa tunay na sitwasyon ng kabataan at bingi sa aming mga hinaing. Kung hindi siya aalis sa pwesto, kami na mga pinagkakaitang kabataan ang magtatanggal sa kanya sa pwesto,” ayon kay Velasco.