Kabataan

Kabataan, sumugod sa Mendiola vs pagtaas ng matrikula


Nagprotesta sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola ang mga kabataan laban sa nakaambang pagtaas ng matrikula na sasalubong sa mga mag-aaral sa nalalapit na pasukan ngayong taon. Pinangunahan ng Anakbayan, League of Filipino Students, National Union of Students of the Philippines (NUSP), College Editors Guild of the Philippines, at Student Christian Movement of the Philippines […]

Pher Pasion
Tinangkang buksan ng mga mag-aaral ang gate sa Mendiola sa kanilang protesta laban sa pagtaas ng matrikula. <strong>Pher Pasion</strong>
Tinangkang buksan ng mga mag-aaral ang gate sa Mendiola sa kanilang protesta laban sa pagtaas ng matrikula. Pher Pasion

Nagprotesta sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola ang mga kabataan laban sa nakaambang pagtaas ng matrikula na sasalubong sa mga mag-aaral sa nalalapit na pasukan ngayong taon.

Pinangunahan ng Anakbayan, League of Filipino Students, National Union of Students of the Philippines (NUSP), College Editors Guild of the Philippines, at Student Christian Movement of the Philippines ang protesta.

Kinondena nila ang administrasyong Aquino dahil  bigo daw ito na pigilan ang taunang pagtatas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga pamantasan.

“Gobyerno ito ng pagtaas ng matrikula. Ang polisiya ni Aquino ay nagpataas ng matrikula, nagpabigat sa mga estudyante at mga magulang, at nagtulak sa mga mag-aaral na mag-drop out mula sa mga pamantasan,” ayon kay Vencer Crisostomo, pambansang tagapangulo ng  Anakbayan.

Sa mga pahayag sa midya ng  Commission on Higher Education (Ched), aabot sa  353 pamantasan ang nagpahayag nang intensyong magtaas ng matrikula sa taong ito.

<strong>Pher Pasion</strong>
Pher Pasion

Tila manhid naman ang Malakanyang sa naging pahayag nito na wala umanong problema sa pagtataas ng matrikula, ayon sa NUSP.

“Hindi pa inilalabas ng Ched ang resulta ng aplikasyon sa pagtataas ng matrikula at mga petisyon para magkaroon ng tuition freeze. Pero may mga pamantasan na opisyal nang nag-anunsiyo ng bago at mataas na matrikula sa pasukan gaya ng National University at Far Eastern University,” ayon kay Sarah Jane Elago, pangulo ng NUSP.

Nagsumite na ang NUSP ng mga petisyon sa Ched laban mga may-ari ng pamantasan na hindi sumusunod sa guidelines ng Ched sa aplikasyon para sa pagtataas ng matrikula. Pero wala umanong inilabas ang Ched na malinaw na desisyon at resulta sa mga petisyong ito.

Ayon pa kay Crisostomo, nangungolekta ang mga pamantasan ng mga maanomalya at kuwestiyonableng mga bayarin pero wala umanong ginagawa ang Ched laban sa mga pamantasan na lumalabag sa mga alituntunin ng Ched sa kabila ng mga reklamo ng mga grupo ng mga mag-aaral.

“Malinaw ang sitwasyon: Nakikita ng Malakanyang ang edukasyon bilang nabibili at ipinagbibili. Sa kawalang paglalaan ng gobyerno at pagbabalewala sa kagalingan ng mga mag-aaral, nagiging gatasan ang mga mag-aaral ng mga kapitalista. Pero hindi namin tatanggapin ang ganito,” ani Elago.