Main Story Manggagawa

Problema sa eskuwela tuwing pasukan lumalala, sabi ng mga guro


Kulang-kulang na mga klasrum, upuan, libro at, siyempre, guro. Ito ang ilan lamang sa mga problema na muling sasalubong sa mga mamamayan ngayong pasukan, ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), isang organisasyon ng mga guro sa bansa. Sa kabila nito, tingin ng ACT na tulad ng nakaraang mga taon, hindi handa ang gobyerno na […]

Press Conference ng Alliance of Concerned Teachers para sa pasukan 2014. <strong>Pher Pasion</strong>
Press Conference ng Alliance of Concerned Teachers para sa pasukan 2014. Pher Pasion

Kulang-kulang na mga klasrum, upuan, libro at, siyempre, guro.

Ito ang ilan lamang sa mga problema na muling sasalubong sa mga mamamayan ngayong pasukan, ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), isang organisasyon ng mga guro sa bansa.

Sa kabila nito, tingin ng ACT na tulad ng nakaraang mga taon, hindi handa ang gobyerno na harapin ang mga problemang ito.

“Lilitaw at lilitaw na walang bago sa problema taun-taon,” ayon kay Benjamin Valbuena, pambansang tagapangulo ng ACT.

Parehong mga problema

Noong nakaraang taon, nasa 47,584 ang kulang sa guro, 19,579 mga klasrum, 60 milyong libro, 2.5 milyong upuan, at 80,987 kakulangan sa tubig at pasilidad sa sanitasyon, mula sa istatistika ng gobyerno.

Sinasabi ng Malakanyang na noong unang bahagi ng taon, natagunan na umano ang mga kakulangan sa klasrum sa pagkakatayo ng 66,813 higit sa target ng gobyerno na 66,800 lamang.

Pero sagot ni Valbuena, kahit na sabihin ng administrasyong Aquino na natutugunan nito ang mga kakulangan sa pagpapagawa ng mga klasrum at iba pa, hindi ito sasapat dahil sa patuloy na paglaki ng bilang ng mga mag-aaral taun-taon.

Sinabi naman ng Department of Education (DepEd) na tinutugunan nila ang kakulangan sa kakulangan ng guro. Nasa 33,000 guro ang kanilang target na tanggapin para raw makatugon sa kakulangan.

“Yung ginamit nilang datos, noong 2010 pa. Kaya kung ngayon natin susukatin, malaki na ang naidagdag na bilang ng mga mag-aaral,” ani Valbuena.

Dagdag pa sa problemang ito ang implementasyon ng programang K+12 ng administrasyong Aquino. Maliban sa minadaling trainings ng mga guro, hindi pa rin umano kumpleto ang modules para rito.

“Larawan ng kawalang kahandaan ng gobyerno ang pagmamadali sa trainings at kakulangan ng modules sa implementasyon ng K12,” sabi ni Louie Zabala, presidente ng Manila Public Schools Teachers Association.

Binatikos pa ni Zabala ang “makadayuhang oryentasyon ng K+12” na mistulang promosyon umano ng murang lakas-paggawa para sa malalaking kompanya ng mga dayuhan at iilang mayayaman sa bansa.

Problemadong solusyon

Samantala, tinututulan ng ACT ang panakulang gawing tatlong araw na lamang ang pasok sa eskuwela. Marami umano itong nilalabag na karapatan ng mga mag-aaral at mga guro.

“Yung manggagawa, walong oras lang ang trabaho. Pero itong mga bata, gagawing 12 oras. Wala na silang matutunan sa ganoong kalagayan dahil maiksi lamang ang kanilang attention span,” sabi ni Jocelyn Martinez, kalihim ng ACT-National Capital Region.

Paliwanag pa ni Martinez, maliban sa pagpasok ng alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi, problema rin ng mga bata ang paggising nang maaga. Kabilang pa rito ang pagbiyahe nila lalo na iyung mga ililipat mula sa congested schools patungo sa mga eskuwelahang kaya pang tumanggap ng mag-aaral.

Pinunit ng mga guro ang kanilang mga payslip bilang simbolo ng protesta at panawagan para sa dagdag sahod.<strong>Pher Pasion</strong>
Pinunit ng mga guro ang kanilang mga payslip bilang simbolo ng protesta at panawagan para sa dagdag sahod.Pher Pasion

May paglabag din umano sa ilalim ng Magna Carta for Teachers, na nagsasabing hindi dapat sumobra ang oras ng pagtuturo ng isang guro na anim na oras. Sa ilalim ng tatlong araw na pasok, halos 12 oras na magtatrabaho ang isang guro sa siksikang mga klasrum, dagdag ni Martinez.

“Ang kailangan pa rin natin ay seryosong pagpondo sa edukasyon. Di natin nakikita na solusyon ang paglilipat ng mag-aaral mula sa isang eskuwelahan o pagbabawas ng araw ng pagpasok. Huwag nilang pagtakpan ang mga kakulangang ito kung nais talaga nilang solusyunan ang problema,” ayon kay Marinez.

Sa halip na dagdagan ang mga guro, tanggalan naman ang nangyari sa Muntinlupa City. Tanggal ang 77 na kaswal (casual workers) na guro dahil sa ibinabang memorandum ng DepEd.

Ayon sa memorandum na ito, kailangan nang itigil ang pagtanggap sa trabaho ng volunteer teachers o mga kaswal para sa susunod na pasukan.

“Natanggap lamang ito noong ikalawang lingo ng Mayo. Saan hahanap ng trabaho ang mga tinanggal na guro,” ani Cesar Gratil, presidente ng ACT-Muntinlupa.

Nasa class program pa umano ang mga tinanggal na guro noong Abril. Nasa badyet pa rin sila ng lokal na gobyerno para sa 2014. Karamihan umano sa kanila apat na taon nang kaswal. Wala pa ring ipapalit sa mga tinanggal, ayon kay Gratil sa Pinoy Weekly.

“Malaki ang magiging epekto nito sa amin. Haharap kami ngayon sa malalaking problema,” ayon kay Gratil.

Mass leave para sa dagdag sahod

Nanawagan din ang mga guro ng dagdag-sahod mula sa administrasyong Aquino. Layon nilang taasan sa P25,000 ang kanilang sahod mula sa P18,549 kada buwan. Nanawagan din sila ng P15,000 sahod para sa mga kawani mula P9,000.

Mula umano nang maupo si Benigno Aquino III bilang presidente noong 2010, wala umanong natanggap na dagdag na sahod ang mga guro.

Nasa dalawang dagdag sahod ang natanggap ng mga guro sa panunungkulan noon ni dating pangulong Joseph Estrada. Apat naman ang kanilang nakuha sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo.

“Pagod na kami sa kanilang mga palusot. May pera sa pork (barrel) bakit wala para sa dagdag sahod naming mga guro na sobra-sobra ang trabaho? Si Aquino na pork barrel king may alokasyon na P1.1 Trilyon, ang panawagan namin para sa dagdag sahod nasa tatlong bilyon lamang kada taon,” ayon kay Valbuena.

Hindi rin tinatanggap ng ACT ang pahayag ni Armin Luistro ng DepEd sang-ayon din ang ahensya sa dagdag sahod ng mga guro.

“Huwag nilang sabihin, gawin nila,” ayon kay Valbuena.

Dagdag pa ni Valbuena, wala pa rin sa agenda ng pangulo ang dagdag sahod ng mga guro kahit na may mga panukalang batas na sa Senado at Kongreso gaya ng House Bill 245 ni ACT Teachers partylist Rep. Antonio Tinio.

Nagbabala ang mga guro na magsasagawa ng mass leave kung hindi pa rin isasama ang dagdag sahod ng mga guro pagdating ng badyet para sa 2015.