Kababaihan

Taas-presyo ng bigas, iba pang produkto ikinagalit ng kababaihan


Kinalampag ng kababaihan ang tanggapan ng Department  of Agriculture (DA) sa Quezon City dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas at ilang produktong agrikultural. Sinabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na inihapag nila noong nakaraang taon sa DA ang kanilang panawagan na ibaba ang presyo ng bigas sa P25 kada kilo. Pero sa […]

DSCF3213
Pabigat daw sa mga ginang ng tahanan ang muling pagtaas nang presyo ng bigas. Kontribusyon

Kinalampag ng kababaihan ang tanggapan ng Department  of Agriculture (DA) sa Quezon City dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas at ilang produktong agrikultural.

Sinabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, na inihapag nila noong nakaraang taon sa DA ang kanilang panawagan na ibaba ang presyo ng bigas sa P25 kada kilo. Pero sa halip na ibaba, muli pa umano itong tumaas nang dalawang piso noong nakaraang linggo.

“Laging idinadahilan ng gobyerno ang lean months kaya lumiliit ang produkto sa palengke. Pero kahit nakaraan na ang ilang tag-ani, hindi man lang bumaba ni katiting ang presyo,” sabi ni Salvador.  Palusot na lang umano ng gobyerno ang pabagu-bagong panahon na dahilan ng pagtaas sa mga presyo.

“Tag-ulan man o tag-init, walang pagbabago sa presyo, bagkus pataas pa nga. Niloloko lang tayo ng mga nasa gobyerno,” aniya.

Iminungkahi na umano ng Gabriela na ibalik ang mga pondong kinulimbat ng mga pulitiko at magamit sa subsidyo o suporta sa produksiyon ng mga magsasaka. Hiniling din nila sa National Food Authority na lakihan ang binibiling produkto sa mga magsasaka para masiguro na kontrolado ang presyo sa merkado at pigilan ang mga pag-iimbak ng mga kartel.

“Ngayon, heto na naman. Mataas na naman ang presyo ng bigas at parang sirang plakang inuulit ng ahensiya ang anila’y dahilan ng pagtaas ng presyo. Wala nang resolusyong ginagawa, iinsultuhin pa ang mga konsiyumer na magtiis na lang sa mabahong murang bigas para makakain,” ani Salvador.

Hinamon din ng grupo na isapubliko ng DA ang resulta ng mga imbestigasyon sa kartel ng bigas at maparusahan ang mga maysala.

“Noong Nobyembre, sinasabi ng DA at NFA na may listahan na sila ng mga miyembro ng kartel pero matapos ang alingasngas kay David Bangayan, wala na kaming narinig na iba pang pag-unlad sa kaso,” sabi pa ni Salvador.

Sinabi naman ng Center for Women’s Resources (CWR) na mula Hunyo 2013 hanggang  ngayong Hunyo 2014, pumalo na sa P40 ang presyo ng bigas.

Tumaas daw ito ng P10 o 33 porsiyento noong nakaraang taon.  Naitala din ng grupo na kahit sa mga probinsiyang pinanggagalingan ng bigas, tumaas din ang presyo.  Tumaas ng P8 ang bigas sa Central Luzon, Cagayan Valley, P9.50 at  P6.50  naman sa Central Visayas.

“Sa Eastern Visayas nga na sinalanta ng bagyong Yolanda, P42 na kada kilo ang bigas,” sabi ni  Jojo Guan, executive director ng CWR.

Sinabi ni Guan na ang sampung pisong pagtaas ay katumbas ng P450 kada buwan ang isang pamilyang may limang miyembro para sa  isa’t kalahating kilo ng bigas.

“Katumbas nito ang sampung araw na abasto ng pamilya para sa bigas na may presyong P30 kada kilo noong Hunyo, 2013,” ani Guan.

Dahil daw sa patuloy na tumataas ang presyo ng bigas, hindi na rin makayanan ng mahihirap na mga pamilya ang magkaroon ng masustansiyang ulam.

“Kape, toyo, patis o sitsirya na lang ang ipinapalit ng mahihirap sa masustansiyang ulam,” sabi ni Guan.

Idinagdag pa ng grupo na mananatiling wala sa kontrol ng gobyerno ang presyo ng mga produktong agricultural hangga’t ipinapatupad ng administrasyong Aquino ang liberalisasyon ng kalakalan at deregulasyon ng presyo.

“Sumusunod kasi ang gobyernong Aquino sa dikta ng World Trade Organization (WTO). Mas pinili nito na mag-angkat ng bigas kaysa suportahan ang mga magsasaka na mapabuti ang kanilang produksiyon ng bigas at iba pang pagkain. Ang resulta: limitado at atrasado ang produksiyon; kahit ang pangangailangan ng mga mamamayan hirap din na paluwalin,” sabi pa ni  Guan.

Nagbanta ang Gabriela ng mga protesta hangga’t hindi bumababa ang presyo ng bigas at iba pang produktong pagkain.

“Igigisa namin sa sariling mantika ang mga ahensiya ng gobyernong may kinalaman sa pagtaas ng presyo. (Kasama rito) si Pangulong  Aquino na walang ginagawa at bagkus ay patuloy na sumusuporta sa WTO na siyang dahilan ng pagdami ng imports at pagkontrol ng kartel sa merkado,” pagtatapos ni Salvador.