Istorya ng Linggo Main Story Pambansang Isyu

‘Impeachment lang ang patutunguhan’

Reklamong impeachment kontra sa kasalukuyang pangulo ng bansa lang ang nararapat na tugon sa deklarasyon ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang Disbursement Acceleration Program (DAP), o presidential pork barrel. Inihayag ng iba’t ibang progresibong grupo ang kahandaan nilang magsumite ng impeachment complaint. Anila, “in good faith” man o hindi, malinaw na nilabag […]

"I-impeach si Noynoy!" ang sigaw ng mga lider ng iba't ibang sektoral na grupo, sa isang press conference ng Bayan kamakailan. <strong>Darius Galang</strong>
“I-impeach si Noynoy!” ang sigaw ng mga lider ng iba’t ibang sektoral na grupo, sa isang press conference ng Bayan kamakailan. Darius Galang

Reklamong impeachment kontra sa kasalukuyang pangulo ng bansa lang ang nararapat na tugon sa deklarasyon ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang Disbursement Acceleration Program (DAP), o presidential pork barrel.

Inihayag ng iba’t ibang progresibong grupo ang kahandaan nilang magsumite ng impeachment complaint. Anila, “in good faith” man o hindi, malinaw na nilabag ni Pangulong Aquino ang pangako niyang igagalang at dedepensahan niya ang Saligang Batas nang ginamit ni Aquino ang pondo mula sa ibang mga ahensiya ng gobyerno para gawing pork barrel niya.

Sinabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na isusumite nila ang reklamong impeachment kahit na may nagsasabing walang mararating ito.

“Sinabi na ng Korte Suprema na nilabag ng Pangulo ang Konstitusyon sa pamamagitan ng marami niyang akto sa ilalim ng DAP. Dahil di-puwedeng kasuhan ang Pangulo, ang paraan lang para panagutin siya ay ang pag-impeach at paghatol muna sa kanya bago sampahan ng kaukulang mga kasong kriminal at sibil kapag natanggal na siya sa puwesto,” paliwanag ni Reyes.

‘Imamasaker’

Dinepensahan naman si Aquino ng mga alyado niya sa Kamara.

Kabilang dito sina Reps. Ben Evardone ng Eastern Samar, Joaquin Chipeco Jr ng Laguna (Southern Tagalog bloc), Cesar Sarmiento ng Catanduanes (Bicol bloc), Deputy Speaker Pangalian Balindong (Muslim Mindanao bloc), Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro (Mindanao bloc), Jerry Trenas ng Iloilo (Visayas bloc), Elpidio Barzaga Jr. ng Cavite (National Unity Party), Edgar Erice ng Caloocan at Winston Castelo ng Quezon City (NCR), at Eric Singson ng Ilocos Sur (Ilocos bloc).

“Salamat sa kanila at madaling nailantad kung sino ang mga membro ng ‘pork gang’ ni Pork Barrel King BS Aquino sa House of Representatives,” ani Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan. “Ang pagdedepensa nila kay Aquino, sa kabila ng paglabag niya sa Konstitusyon, ay pruweba ng kanilang pagkatuta kay Aquino.”

Ikinagalit ng Bayan ang bantang “pagmasaker” sa impeachment complaint kahit na di pa nga nasusumite sa Kamara ng Bayan at iba pang grupo ang kanilang reklamo.

“Ano’ng klaseng sistema ang mayroon tayo na pumipigil sa mga mamamayan na gumamit ng (legal na) mga pamamaraan para sa pagpapanagot? Ano’ng klaseng mga lider ang mayroon tayo sa Kamara na nagbubulagan sa di-tamang paggamit ng pondo? Hindi ba nila iniinda na tinapyasan sila ng kapangyarihan ng Pangulo? Hindi ba sila nahihiya sa mga pahayag nila? Hindi na ba sila nahiya sa taumbayan?” sabi pa ni Reyes.

Ipinaliwanag pa ni Reyes na hindi dapat gawing dahilan ang “good faith” na sinasabi ng Palasyo sa pagkakaroon at paggamit ng DAP. Anila, kailangan panagutan ng Pangulo at sa lahat ng sangkot ang mga usapin ukol sa paggamit ng pondo.

“Ang burden of proof (na “in good faith” ang paggamit ng DAP) ay nasa mga nagpatupad nito. Kailangang mapanagot (si Aquino) para masigurong hindi na mauulit ang kaguluhan na nangyari sa DAP,” ani Reyes.

Umaasa ang Bayan may mga mambabatas pa na labas sa Makabayan Bloc sa Kamara na sasang-ayon sa impeachment. Pero gusto nilang ihapag ang usapin sa taumbayan. “Gusto naming malaman ng publiko kung ano ang totoong nangyari sa pondo ng bayan,” sabi pa ni Reyes.

Pinagkait sa kawani

Isa ang mga grupong sumusuporta sa pagsumite ng reklamong impeachment ang grupong Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage). Kinakatawan umano nila ang mga empleyado ng pamahalaan at mga unyon nila na pinagkakaitan ng mga benepisyo na dapat sanang kinukuha mula sa natipid na pondo ng iba’t ibang ahensiya na kinapapalooban nila.

“Kadalasang kinukuha sa savings ng iba’t ibang ahensiya ang mga benepisyo na itinatadhana ng Collective Negotiations’ Agreement (CNA) ng mga empleyado at mga Magna Carta para sa mga siyentiesta at teknolohista, health personnel at social workers,” paliwanag ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.

Itong mga pondo na ito, ani Gaite, ang mismong ginamit ng Malakanyang sa ilalim ng DAP para pondohan ang mga programang para sa patronage nito, kabilang ang impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

Sa kabila nito, inirereklamo ng mga empleyado ng gobyerno ang polisiya ng Department of Budget and Management na paglagay ng cap sa, o minsan pa nga’y pagbawal at pagkait ng, mga benepisyo.

Samantala, inirereklamo rin ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na nagmula sa DAP ang P173-Milyong ibinayad ng Department of Agrarian Reform sa pamilyang Cojuangco bilang kompensasyon sa pamamahagi sa kanila ng asyenda.Pero hanggang ngayon, di pa rin ipinamamahagi sa mga magsasakang benepisyaryo ang Hacienda Luisita.