Karapatang Pantao

Lider-magsasaka sa Bikol pinaslang


“Army an nagbadil sako (Army ang bumaril sa akin).” Ito ang huling katagang sinabi ni Edgardo Lopez bago siya tuluyang binawian ng buhay matapos barilin ng dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo noong umaga ng Hulyo 11 sa tapat ng  isang tindahan sa Brgy. Mayon, Daraga, Albay. Ayon sa Karapatan-Bicol. isang isang lider-magsasaka sa rehiyon […]

i-download“Army an nagbadil sako (Army ang bumaril sa akin).”

Ito ang huling katagang sinabi ni Edgardo Lopez bago siya tuluyang binawian ng buhay matapos barilin ng dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo noong umaga ng Hulyo 11 sa tapat ng  isang tindahan sa Brgy. Mayon, Daraga, Albay.

Ayon sa Karapatan-Bicol. isang isang lider-magsasaka sa rehiyon ng Bicol si Lopez. Pangulo siya ng Bicol Coconut Planters Association Inc. (BCPAI) na kaalyadong organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Albay.

Isa ang BCPAI sa mga samahan ng mga magsasakang nananawagang ibalik ang nakaw na pondo na tinaguriang coco levy funds sa maliliit na magniniyog.

“Nananawagan kami na kagyat na imbestigahan ang pagpaslang kay Lopez. Naniniwala kami na mga militar lang ang may motibong pumaslang sa kanya, dahil sa kanilang paglaban na ibalik sa kanila ang pondong ninakaw sa maliliit na magniniyog. Dapat silang managot,” ani Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya.

Sinabi naman ni Vince Casilihan, tagapagsalita ng Karapatan-Bicol, na bago maganap ang insidente, naiulat sa kanila na hinaharas ng mga militar si Lopez.

Noong April 2014, pinalibutan umano ng mga sundalo ng 901st Infantry Brigade ng Philippine Army ang bahay ni Lopez at pinaratangang nagkakanlong siya ng mga rebeldeng miyembro ng New People’s Army.

Sinabihan din umano ng mga sundalo si Lopez na tigilan na ang “pagsama sa mga rali at pagsuporta sa NPA” dahil may “masamang mangyayari” sa kanya.

“Karumal-dumal ang mga krimen ng gobyernong Aquino. Ipinagtatanggol ang mga mandarambong at magnanakaw, pagkatapos pinapatay ang mga ordinaryong mamamayan gaya ng mga magsasaka. Habang abala ito sa pagtatakip sa kanyang mga alipores sa DAP, tuloy-tuloy ang kampanyang panunupil ng gobyerno laban sa mga mamamayan,” sinabi ni Guevarra.

Sa kasalukuyan, nakapagtala ang Karapatan ng 204 biktima ng extrajudicial killings sa loob ng apat na taon ng administrsyong Aquino. Ika-50 naman si Lopez sa mga biktima ng pamamaslang sa Bicol.

“Nagpapatuloy ang pagpaslang sa loob ng apat ng taon ni Pang. Noynoy Aquino hanggang ngayon na nalalapit na ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA),” ani Guevarra.

Idinagdag ni Guevarra na kahalintulad noong 2010, na isang lider-magsasaka  ang pinaslang ilang linggo bago ang unang SONA ni Aquino.

“Pinaslang si Pascual Guevarra, isang 78-anyos na lider-magsasaka sa Laur, Nueva Ecija noong Hulyo 9. Wala kahit isa sa daan-daang biktima ng pamamaslang ang nakatikim ng hustisya,” sabi pa ni Guevarra.