Main Story

Pangalawang impeachment complaint laban sa Pangulo, inihain ng kabataan


Naghain ng panibagong impeachment complaint ang mga organisasyon ng kabataan laban kay Pangulong Aquino sa Kamara. Inendorso ni Kabataan Rep. Terry Ridon ang complaint na nagsasabing nagkasala ang Pangulo ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust sa pagpapatupad ng P177-Bilyong Disbursement Acceleration Program (DAP) na hinatulan ng Korte Suprema na labag […]

Mga lider-kabataan na nagsampa ng reklamong impeachment laban kay Pangulong Aquino sa Kamara nitong Hulyo 22. <strong>Darius Galang</strong>
Mga lider-kabataan na nagsampa ng reklamong impeachment laban kay Pangulong Aquino sa Kamara nitong Hulyo 22. Darius Galang

Naghain ng panibagong impeachment complaint ang mga organisasyon ng kabataan laban kay Pangulong Aquino sa Kamara.

Inendorso ni Kabataan Rep. Terry Ridon ang complaint na nagsasabing nagkasala ang Pangulo ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust sa pagpapatupad ng P177-Bilyong Disbursement Acceleration Program (DAP) na hinatulan ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas.

Binuo at nilagdaan ng 25 complainants ang impeachment complaint mula sa mga estudyante ng iba’t ibang unibersidad kasama ang Uniberrsidad ng Pilipinas, University of Santo Tomas, National University, Polytechnic University of the Philippines, De La Salla University, at San Beda College.

Kasama rin ang mga organisasyon tulad ng Youth Act Now Against Corruption, College Editors Guild of the Philippines (CEGP), National Union of Students of the Philippines (NUSP), League of Filipino Students, at Anakbayan.

Tinawag ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, na “unlimited pork” ang DAP. Idinugtong pa niya ang pangamba na baka gamitin ng pangulo ang mga alyado nito sa Kamara upang harangin ang impeachment. “Pero magpapakita lamang ito na guilty siya,” ani Crisostomo.

Nananawagan naman si Sarah Elago, tagapangulo ng NUSP, sa kapwa niyang mga estudyante na kumilos para panagutin ang Pangulo sa paggamit nito ng DAP. Aniya, “May pera sa pagnanakaw pero wala para sa kabataan at edukasyon.”

“Panahon na upang panagutin ang kurap na pangulo, at ilantad ang kurap na gobyerno,” ani Marc Lino Abila, presidente ng CEGP. Sinabi pa niya na hindi lamang si Pangulong Aquino ang dapat managot, kundi lahat ng sangkot sa pork barrel scam at paggamit ng DAP.

Samantala, nagbabala si Crisostomo na may iniluluto na bagong iskema ng paggamit ng pondo ng bayan, ang Grassroots Participatory Budgeting, na aniya’y kahalintulad ng DAP.

Inihayag ng kabataan ang araw na ito bilang “Youth Action Day”, na kinatampukan ng mga pagkilos sa kani-kanilang paaralan, kasama ang isang martsa tungong Mendiola. Bahagi ito ng kanilang kampanya para panagutin umano ang Pangulo sa maraming polisiya nito na anila’y kontra-mamamayan.

Nanawagan rin sila na sumama ang kabataan sa protesta kontra sa State of the Nation Address ni Aquino sa Hulyo 28, Lunes.