Komentaryo Main Story

Matalas na pagbatikos ni Pope Francis sa korupsiyon sa gobyerno


Kumakalat sa social media, pero hindi sa dominanteng midya, ang bidyo ng unang pagtatagpo ni Pope Francis at Pangulong Aquino. Tinagpo ng pangulo ang Santo Papa sa paanan ng hagdan mula sa eroplano sa Villamor Airbase. Kinuha niya ang kamay ni Pope Francis—at hinalikan. Pero sa bidyo, mukhang di sumagi ang labi ni Aquino sa […]

'May hindi nakangiti'. Screen grab ng photo-op ni Pangulong Aquino at Pope Francis. Mula sa <b>PTV4</b>
‘May hindi nakangiti’. Screen grab ng photo-op ni Pangulong Aquino at Pope Francis. Mula sa PTV4

PW-POPE-FRANCIS-SA-PINAS-icon

Kumakalat sa social media, pero hindi sa dominanteng midya, ang bidyo ng unang pagtatagpo ni Pope Francis at Pangulong Aquino. Tinagpo ng pangulo ang Santo Papa sa paanan ng hagdan mula sa eroplano sa Villamor Airbase. Kinuha niya ang kamay ni Pope Francis—at hinalikan. Pero sa bidyo, mukhang di sumagi ang labi ni Aquino sa singsing o kamay ng Santo Papa. Katunayan, ilang pulgada rin ang layo ng labi ng pangulo sa kamay ng Papa.

“Nagpigil si Pope Francis,” ang sabi ng ibang malisyoso sa social media. Pero posible ring di naman talaga plano ni Aquino na humalik sa kamay ng Santo Papa.

Ano ang halaga nito sa kalukuyang bisita ng pinuno ng Simbahang Katoliko na ang pagdating kagabi’y walang kasing-init na tinanggap ng mga mamamayang Pilipino? Wala masyado, marahil. Marami rin namang iba pang posibleng dahilan, tulad ng pagiging awkward lang talaga ng mga kilos ni Aquino. Maaaring nagulat din ang Santo Papa (bagamat siguro nama’y sanay na siyang hinahalikan sa kamay). Hindi rin naman siguro tamang bigyan ng sobrang kahulugan o mag-overread sa naganap na ito—bagamat kung papanoori’y medyo nakakatawa at/o nakakahiya para kay Aquino.

komentaryoHindi rin naman dapat bigyan ng malaking kahulugan ang pagsimangot ni Pope Francis—o sabihin na nating hindi niya pagngiti—tuwing nasasabak sa photo opportunity kasama si Aquino. Halimbawa nito ang pagdating niya sa Villamor. Gayundin, batay sa maraming bidyo at larawan, ang photo-op niya kay Aquino sa Malakanyang.

Pero ibang usapin ang talumpati ni Pope Francis sa Malakanyang.

Sa welcome ceremony doon sa pagbisita ng isang head of state (dahil itinuturing ding pinuno ng estado ng Vatican ang Santo Papa), humarap sa midya ang dalawa matapos ang isang pulong para ibigay ang kani-kanilang pahayag. Tulad ng inaasahan, pinapurian ni Aquino si Pope Francis. Binanatan din niya ang ilang miyembro ng Katolikong clergy na aniya’y laging bumabatikos sa kanya–at sa kanyang buhok.

Ang talumpati ni Pope Francis, hindi nakitaan ng ano mang papuri kay Aquino. Sinabi niyang nasa Pilipinas siya para ipagdiwang ang ikalimang sentenaryo ng unang proklamasyon ng Ebanghelyo ni Kristo sa Pilipinas. Pero maliban dito, gusto niyang makipagkaisa sa mga mamamayang Pilipino na sinalanta ng bagyong Yolanda. Hinangaan umano niya ang mga Pilipino na humarap sa matinding kalamidad, pati ang mga kapwa-Pilipino na umayuda—marami sa kanila’y mga Kristiyano—sa mga biktima.

Hindi pinalagpas ni Pope Francis ang pagkakataon para makapagkomento hinggil sa pulitika sa Pilipinas. Malinaw sa kanyang talumpati na alam niya na may kinakaharap na isyu ng malawakang korupsiyon ang gobyerno. Mababatid ito sa mismong mga salita niya, at sa pagbibigay-pokus niya sa isyu ng korupsiyon. Aniya (salin mula sa Ingles), “Tulad ng sinasabi ng maraming boses sa inyong bansa, higit kailan man, kinakailangang maging katangi-tangi ang pampulitikang mga lider ninyo sa pagiging matapat, may integridad at komitment para sa kabutihan ng lahat. Sa ganitong paraan nakakatulong sila sa pagpreserba ng mayamang rekursong likas at rekursong tao na ipinagkaloob ng Diyos sa bansang ito.”

Malinaw sa talumpating ito na narining ni Pope Francis ang “maraming boses sa inyong bansa” na nananawagan ng pagbaka sa korupsiyon. Naging mainit nitong huling mga taon ang isyu ng korupsiyon dahil sa pagkakalantad sa paggamit ng pork barrel ng mga mambabatas para sa sariling kapakanan.

Pero sinabi rin ng Santo Papa, sa susunod na quote, na “lahat ng porma ng korupsiyon”. Sabi niya: “Umaasa akong magiging hamon ang propetikong panawagan ito, sa lahat ng antas ng lipunan, na ibasura ang lahat ng porma ng korupsiyon na naglilihis ng rekurso mula sa mahihirap, at gumawa ng sama-samang hakbang para maseguro ang pagiging bahagi ng bawat lalaki, babae at bata sa buhay ng komunidad.”

Kailangang pawiin ang “lahat ng porma ng korupsiyon” (parang panawagang “Abolish all forms of pork barrel”) sa “lahat ng antas ng lipunan (parang panawagang “Lahat ng sangkot, dapat managot”).

Sa ating suri, direktang pinatutungkulan ni Pope Francis ang malaganap na korupsiyon sa ilalim ng administrasyong Aquino na nasiwalat matapos ang eskandalo sa pork barrel at Disbursement Acceleration Program (DAP). Hindi ito nakakagulat, dahil aktibong kalahok ang maraming obispo at miyembro ng Katolikong clergy sa People’s Initiative to Abolish All Forms of Pork Barrel (PIAP). Samantala, sinabi kamakailan ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na malay si Pope Francis sa mga isyung pambayan sa Pilipinas dahil madalas niya (Tagle) na pinadadalhan sa email ang Santo Papa ng updates hinggil sa Pilipinas.

Malamang, na abala ngayon ang grupo sa midya ng Malakanyang para gawan ng spin ang talumpati ni Pope Francis para sabihing sinusuportahan nito ang “paglaban sa korupsiyon” ng administrasyon. Malamang na marami rin ang magbabalewala sa pagsusuri natin na pinatutungkulan ng Santo Papa ang korupsiyon sa gobyerno—dahil hindi naman dinirekta ni Pope Francis ang kritisismo kay Aquino.

Pero hindi maitatanggi na may kontekstong pinatutungkulan ang mga pahayag na ito ni Pope Francis. Bilang bisita ng Malakanyang at pinuno ng Vatican City, marami siyang puwedeng sabihin sa kanyang talumpati. Puwede sanang naging mas safe ang kanyang talumpati, at hindi na magbanggit ng anumang kontrobersiyal na isyu. Pero sadya siyang nagbigay-diin sa isyu ng korupsiyon.

Nawa’y maging hudyat ito sa lahat ng nananampalataya, at tulad nating tagahanga ni Pope Francis, para lumahok at paigtingin ang laban kontra sa lahat ng porma ng korupsiyon, sa lahat ng porma ng pork barrel, sa lahat ng antas ng gobyerno, sa lahat ng sangkot.