Kabataan Main Story

Sa ilalim ni Aquino, edukasyon di para sa lahat


Edukasyon ang isa sa karapatang kailangang tiyakin ng isang estado para sa mga mamamayan nito, lalo na sa mga bata. Sa Pilipinas, ito ang tinitignan ng marami para maiahon sa kahirapan ang mga mahihirap. Itinatadhana ng Saligang Batas na karapatan ng bawat mamamayan ang edukasyon. Pero di sikreto ang di pagiging abot-kamay ng edukasyon sa […]

Paglalahad ng mga bata sa nararanasan nilang edukasyon sa ilalim ni Noynoy Aquino.<strong>Pher Pasion</strong>
Paglalahad ng mga bata sa nararanasan nilang edukasyon sa ilalim ng administrasyong Aquino. Pher Pasion

Edukasyon ang isa sa karapatang kailangang tiyakin ng isang estado para sa mga mamamayan nito, lalo na sa mga bata. Sa Pilipinas, ito ang tinitignan ng marami para maiahon sa kahirapan ang mga mahihirap.

Itinatadhana ng Saligang Batas na karapatan ng bawat mamamayan ang edukasyon. Pero di sikreto ang di pagiging abot-kamay ng edukasyon sa mayorya ng mga mamamayang Pilipino.

Ito ang laman ng iniulat kamakailan ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, isang grupo na nagtataguyod ng karapatan ng mga bata, sa ‘Ulat Bulilit 3, Education for All: A myth or reality?’ sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman: Dahil sa mga polisiya ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon sa gobyerno, lalong di nagiging-abot-kamay sa mahihirap ang edukasyon.

Ganito (pa rin) ba ang paaralan mo?

Siksikan at/o pinaghahati-hating klasrum sa Pres. Corazon Aquino Elementary School. Kuha noong pasukan, Hunyo 2014. <strong>Pher Pasion</strong>
Siksikan at/o pinaghahati-hating klasrum sa Pres. Corazon Aquino Elementary School. Kuha noong pasukan, Hunyo 2014. Pher Pasion

Nitong pasukan, muling sinalubong ang mag-aaral at mga guro ng pare-parehong problema sa mga eskuwelahan. Sa kabila ito ng ipinagmamalaki ng administrasyong Aquino na natutugunan na umano ang mga kakulangang ito.

Pebrero pa lamang ng taong ito, natugunan na umano ng Department of Education (DepEd) ang kakulangan sa klasrums, ayon kay Noynoy Aquino. Nakapagpatayo umano ang departamento ng 66,813 na mga klasrum na higit sa target ng gobyerno na 66,800 lamang.

Pero hindi nabago ng datos na ito ang nananatiling kalagayan ng mga mag-aaral taun-taon, ayon sa Salinlahi mula sa apat na eskwelahan na kanilang pinuntahan sa Metro Manila para saliksikin ang kalagayan ng mga bata. Kabilang dito ang Batasan Hills National High School, Pres. Corazon Aquino Elementary School, Bagong Silang High School, at Tondo National High School.

“Sinabi ng 86 percent na mga estudyante sa Pres. Corazon Aquino (Elementary School) na hindi raw totoo na 35 per classroom ang kanilang class size,” ani Kharlo Manano, pangkalahatang-kalihim ng Salinlahi.

Hindi rin daw ito totoo sa Batasan, Bagong Silangan, at Tondo; sapat o sakto lamang daw ang bilang ng mga estudyante sa mga klasrum. Hinati umano ang klasrum sa dalawa bilang solusyon para tugunan ang mga kakulangan sa klasrum. Kaya sisiksikan ang mga bata, naiinitan, at hindi nakakapag-aral nang mabuti.

Sa sarbey sa mga eskuwelahang nabanggit, nasa 80 porsiyento ng mga mag-aaral sa Batasan Hills National High School ang nagsasabing hindi komportable sa kanilang mga klasrum at kulang sa bentilasyon. Nasa 79 porsiyento naman ang sa Tondo National High School, nasa 67 porsiyento naman sa Bagong Silangan High School, at 49 porsiyento naman sa Pres. Corazon Aquino Elementary School.

“Kapag ang silid-aralan ng isang bata ay hindi conducive for learning, hindi natin maasahan na maiintindihan ng bata ang itinuturo sa kanya ng teacher,” ayon kay Manano.

Matinding kakulangan

Sa ulat umano ng Management Association of the Philippines Education Task Force noong 2011, aabot ang kakulangan sa mga klasrum ng tinatayang 94,000 hanggang 124,000 kada taon na may konsiderasyon sa pagdating ng mga kalamidad at lumalaking populasyon ng estudyante.

Kharlo Manano ng Salinlahi habang tinatalakay ang kalagayan ng mga bata sa mga paaralan sa Metro Manila.<strong>Pher Pasion</strong>
Kharlo Manano ng Salinlahi habang tinatalakay ang kalagayan ng mga bata sa mga paaralan sa Metro Manila. Pher Pasion

Tinatayang aabot sa P72 Bilyon hanggang P99-B ang kakailanganin kada taon para mapondohan ang pagtatayo ng mga bagong klasrum. Pero sa taong ito, nasa P7.35-B lamang umano ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) para sa pagtatayo ng mga klasrum, ayon sa Salinlahi.

“Nakakapagtaka na ganito kaliit na badyet ang inilalaan para sa napakalaking serbisyo para sa mamamayan. Pero napakalaki naman, halimbawa ang DAP (Disbursement Acceleration Program)  na nasa P170-B ang nakalaan dyan at si Pangulong Aquino lang ang may kapangyarihan kung saan gagamitin. Pero sa edukasyon kakarampot ang inilalaan,” ayon kay Manano.

Nananatili pa rin umano ang kakulangan sa mga textbook sa Batasan National High School, Tondo National High School, at Pres. Corazon Aquino Elem. School. Mas pinalala pa umano ito ng pagpasok ng bagong kurikulum na K to 12 ng administrasyong Aquino.

“Sinasabi ng mga estudyante ng hayskul, walang textbook na ibinigay specifically para doon sa K to 12 program. Ang ginagawa ng mga bata, yung module na galing sa guro ang kanilang pinapa-photo copy. At yung gastos ay sasaluhin ng magulang,” ayon kay Manano.

Sa mga upuan, sa tatlo sa apat na eskwelahan na nabanggit, sapat umano ang mga upuan ng mga bata. Pero bagama’t nakapagpagawa ng upuan ang DepEd bilang sagot sa kakulangan, marami sa mga upuan na kanilang napansin ang sira-sira na. Ang iba, nagdadala ng kanilang sariling upuan, ayon sa Salinlahi.

“Ito ang bahay ng isang NPA”. Sinulat ng militar sa isang bahay ng katutubo sa Lianga, Surigao del Sur noong 2009. KR Guda/PW File Photo

Pag-atake sa mga alternatibong paaralan

Dahil sa ilang dekada nang problema sa sektor ng edukasyon gaya ng kakulangan sa mga guro, libro, klasrum, at maging mga paaralan, umusbong ang “alternatibong mga paaralan” sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Itinatayo ang mga ito ng relihiyosong mga grupo, gayundin ng mga organisasyon ng mga mamamayan lalo na sa kanayunan.

Pero sa suri ng Children’s Rehabilitation Center (CRC), nagiging target ang naturang mga paaralan ng militar, sa kanilang giyera kontra-insurhensiya.

“Mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2014, may naitala tayong kaso na 52 na attack on schools and/or use of public places such as barangay halls, health centers, and places of worship,” ayon kay Jacquiline Ruiz, executive director ng CRC.

Nasa 5,165 na indibiduwal ang apektado at 2,722 bata ang direktang apektado sa kaso ng pag-atake na ito, sa datos ng CRC.

Kabilang sa mga kaso ng paglabag na kanilang naitala ang pagbansag umanno sa alternatibong mga paaralan na pinatatakbo umano ng New People’s Army (NPA) o ang armadong puwersa ng Communist Party of the Philippines. Gayundin, binabansagang NPA o tagasuporta ng NPA ang mga guro nito na naglalagay sa kanila sa posibleng kapahamakan.

KR Guda/PW File Photo" class /&gt; Mga batang bakwit sa Surigao del Sur dahil sa militarisasyon. <strong>KR Guda/PW File Photo</strong>
Mga batang bakwit sa Surigao del Sur dahil sa militarisasyon. KR Guda/PW File Photo

Ang Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood and Development (Alcadev) na itinayo noong 2004 na nagtuturo ng antas sekondarya sa mga lugar ng Surigao Norte, Surigao Sur, Agusan Norte, at Agusan Sur, ang kabilang sa mga naitalang eskwelahan na inaatake.

Itinatayo umano ang eskuwelahan ng Alcadev para hindi na bumaba pa ng bundok ang mga katutubong kabataan na gustong makapag-aral. Nakatuon din ang naturang eskuwelahan sa pagpapaunlad ng pang-ekonomiyang gawain ng komunidad dahil agrikulturang paaralan din ang Alcadev.

Bilang resulta ng militarisasyon, maraming klase ang nasuspindeng sa mga paaralang ito. Maraming mga guro at mga mag-aaral ang sumailalim umano sa interegasyon ng mga militar sa lugar. Sinusurbeylans din umano ang mga guro sa mga paaralang ito.

Mula 2005 (isang taon mulang nang itayo ang Alcadev) hanggang 2007, walang patlang umano ang military deployment sa mga lugar na ito na nagresulta sa malawakang evacuation at paglabag sa karapatang pantao.

“Halos taun-taon lumilikas ang mga tao — buong komunidad ang lumilikas. Nasa mahigit isang libong katao ang lumilikas dahil sa deployment (ng militar) sa kanilang lugar (lugar ng mga Lumad sa Mindanao),” ayon kay Ruiz.

Noong 2009, nagtuluy-tuloy umano ang panghaharas na ginagawa ng mga militar sa lugar na ito hanggang sa binansagang ilegal ang Alcadev dahil wala umanong accreditation ang nasabing eskwelahan mula sa DepEd at isa umanong communist front ang nasabing eskuwelahan.

(Basahin ang ulat ng PW hinggil sa pagbakwit ng mga katutubo sa Surigao del Sur. Tunghayan din ang photo essay hinggil dito.)

Tinuro ng isang katutubong guro sa alternative school sa Talaingod, Davao del Sur ang sinulat ng mga militar sa kanilang paaralan na nag-aakusa sa mga guro na miyembro raw ng NPA. Tulad ng naganap sa mga paaralan ng Alcadev noong 2009 at sumunod na mga taon, kinampuhan din ng militar ang alternative schools sa Talaingod nitong Mayo 2014. <strong>KR Guda</strong>
Tinuro ng isang katutubong guro sa alternative school sa Talaingod, Davao del Sur ang sinulat ng mga militar sa kanilang paaralan na nag-aakusa sa mga guro na miyembro raw ng NPA. Tulad ng naganap sa mga paaralan ng Alcadev noong 2009 at sumunod na mga taon, kinampuhan din ng militar ang alternative schools sa Talaingod nitong Mayo 2014. KR Guda

Eskuwelahang katutubo, tinatarget

Kabilang din sa mga eskuwelahang inaatake ang B’laan Literacy School and Learning Center at Salugpungan ‘Ta Tanu Igkanogon Community Learning Center sa Talaingod, Davao Del Norte.

Nitong Mayo 2014, bumaba din sa kabundukan ng Talaingod ang mga guro at mga kawani dahil sa panghaharas umano ng militar. Isang araw na lakaran ang kakailanganin para marating o lisanin ang lugar. Dumulog sila sa lokal na gobyerno para humingi ng tulong ang mga guro. Natigil ng limang buwan ang operasyon ng eskuwelahan ng mga katutubo.

“At 190 students ang naapektuhan. Hindi naka-graduate ang mga bata nang taong yan (2010) dahil hindi na sila nakabalik sa kanilang lugar,” ani Ruiz.

Agosto 2011 nang magkaroon ng kampanya para makabalik ang mga estudyante. Doon din naganap ang kauna-unahang recognition day sa B’laan.

Taong 2013 nang itayo ang Salugpungan ‘Ta Tanu Igkanogon Community Learning Center Panansalan Annex. Pero nasa ilalim umano ito ng paniniktik ng militar. Marso 4, 10, at 11, nang iharas umano ng militar ang mga guro at estudyante at pinaratangang tumutulong daw sa NPA. Marso 27 nang may dukutin guro dito.

“Nagpapatuloy ang seryeng ito at hindi siya bago. Dire-diretso siya, hindi siya tumitigil. Walang patlang na inaatake o mini-militarize ang mga eskuwelahan na itinayo para bigyan ng serbisyo sa mga bata sa mga komunidad na malayo at hindi naaabot ng tulong ng pamahalaan,” ayon kay Ruiz.

Maging sa mga day care center mismo ng pamahalaan sa Maguindanao, Ilocos-Cordillera at Samar, pareho rin umano at walang pinag-iiba ang nararanasang militarisasyon.

Disyembre 2013 nang maglabas ang DepEd ng Memorandum No. 221 na  nagbibigay pahintulot sa Armed Forces of the Philippines na ipagpatuloy ang mga aktibidad na ito sa mga eskuwelahan.

Further violation ito sa mga estudyante, mga guro, at siyempre sa buong komunidad. Sa kabuuan, hindi papabor ang DepEd Memo 221 para sa kagalingan na mabigyan sa karapatan sa edukasyon ang mga bata,” sabi pa ni Ruiz.

Nakapagtala ng mga epekto ng militarisasyon ang CRC, kabilang ang trauma, takot sa mga militar, pagtigil sa araw-araw na gawain sa komunidad, pagbabago sa pagtulog, at pagkatanggal sa kanilang komunidad ang mga bata na nakakaapekto ng matindi sa kanilang kultura.

“Nanatiling bingi at bulag ang administrasyong Aquino sa mga ipinakita nating datos. May mga kaso at nagpapatuloy ang mga kasong ito. Patuloy na ginagawa ng AFP ang mga violations na ito,” paliwanag pa ni Ruiz.

K to 12, di para sa bansa

Sa kabila ng matagal at matinding krisis sa sektor ng edukasyon, binago naman ng administrasyong Aquino ang kurikulum sa batayang edukasyon sa pagpasok ng K-to-12 na nagdagdag ng dalawang taon.

Ayon kay Alex Legaspi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), mula 1945 Ipagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinag-usapan sa Bretton Woods Conference ang rekonstruksiyon ng mga imprastrakturang napinsala ng digmaan kasama ang edukasyon. Ito ang dahilan kung bakit nag-iiba ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Alex Legaspi ng Alliance of Concerned Teachers habang ipinaliliwanag ang kanyang nakalap na datos tungkol sa K to 12.<strong>Pher Pasion</strong>
Alex Legaspi ng Alliance of Concerned Teachers habang ipinaliliwanag ang kanyang nakalap na datos tungkol sa K to 12. Pher Pasion

“’Pag bago ang pangulo, bago ang kurikulum. Ano man ang ipangalan nila d’yan, ang kurikulum ay galing lagi sa ibang bansa. Laging imported yan,” paliwanag ni Legaspi.

Binabago umano nila ngayon ang kurikulum dahil hindi umaabot sa target ang Pilipinas sa achievement dahil sa resulta natin sa achievement test natin ay laging mababa sa Agham, English, at Matematika, ayon kay Legaspi.

Ayon naman sa Trends in International Mathematics and Science Study, sinasabi na palaging huli di umano ang Pilipinas sa ranking. Noong 2003, sa 25 bansang kasali, pang-23 ang Pilipinas sa Science at Mathematics. Taong 2008, sa 10 bansang kasali, ika-10 o pinakamababa ang Pilipinas sa ranking sa Mathematics.

“Kung hindi tayo kulelat, tayo ang susunod sa kulelat,” ayon kay Legaspi.

Wala sa kamay ng maralita

Idinadahilan ng gobyerno sa pagpasa ng K-to-12 na Pilipinas na lamang umano ang hindi o naiiwan na hindi nagpapalit ng kurikulum.

Pero kahit na nagdagdag ng taon, wala umano silang binago sa core ng kurikulum na tinuturo ngayon. Mas pinaigting umano ang bokasyonal na mga kurso para ihanda ang mga bata sa maagang pagtatrabaho. “Kitang-kita natin kung sino ang makikinabang sa ating mga estudyante. Nakikita din natin ang sabwatan ng mga nasa ahensiya ng gobyerno,” ayon kay Legaspi.

Sa 2016, inaasahang maaapektuhan ang 85,000 guro sa kolehiyo dahil mawawalan ang mga ito ng mga estudyante.

“Yan ba ang magbibigay ng trabaho, eh ang laki-laki nang idi-displace mong manpower para lamang ma-accommodate ang K-to-12?” tanong ni Legaspi.

Isa sa mga problema ang pagtuturo ng mga guro ng walang course outline dahil sa pagmamadali na ipatupad ang K-to-12. Hanggang ngayon, wala pa umanong modules na binibigay sa kanila para magamit partikular sa Grade 9. Mismong mga guro pa ang siyang kinakailangang gumastos at mag-download mula sa website ng DepEd.

“Gulung-gulo pati ‘yung usapin ng paggamit ng mother tongue. Eh ‘yung ginagamit na libro ay English. Kaya ‘yung teacher, pagkatapos magtrabaho buong maghapon, ita-translate pa nila sa Ilocano, (halimbawa) kung Ilocano ang mga estudyante n’ya. At hindi libre ‘yun. Teacher pa ang gagastos,” paliwanag pa ni Legaspi.

Kulang sa guro

Bago ang pasukan, naglabas ng memorandum ang DepEd na nagsasabing hindi na dapat kumuha pa muli ng kontraktuwal na mga guro. Nasa 30,000 guro umano ang apektado nito sa buong bansa, ayon sa ACT.

Napag-alaman ng grupo na kailangan ng 132, 483 guro para sa 2012-2013 para maabot ang isang guro kada 30 estudyante sa isang klase o 1:30 ratio. Pero nasa 31,000 lamang ang idinagdag na guro, batay sa datos hanggang nitong Mayo 2014.

Samantala, sa mga eskuwelahan, problema pa rin ang kalinisan; kulang na kulang ng malinis na palikuran para sa mga bata at guro. Maging ang mga kawani na nagtitiyak ng kalinisan sa loob ng paaralan, tinatanggalan din ng trabaho dahil sa rationalization na ginagawa ng gobyerno.

“Gusto lang ng DepEd na magtipid. Kung savings lang ang pag-uusapan, bakit kinuha ang savings at ginawang DAP? Pinarusahan (ng administrasyon) ang mga bata at teacher. Sila na ang pinaglilinis. Sila na ang pinag-guguwardiya,” ayon kay Legaspi.

Maging ang pagigigng computer-based o nakaayon sa technolohiya na pagtuturo na nais ng programang K-to-12 ay di pa rin maayos na pagpapatupad. Nananatili pa rin kasing atrasado ang pagtuturo sa Pilipinas, lalo na sa mga liblib na lugar.

“Gumagamit pa rin tayo ng chalk. Gumagamit pa rin tayo ng ‘MP3’ at ‘MP4’, o Manila Paper 1,2, 3, at Manila Paper 4,” ayon kay Legaspi.

Ang tatlong tagapagsalita  sa ginanap na Ulat Bulilit 3 sa pangunguna ng Salinlahi, Children's Rehabilitation Center, at Alliance of Concerned Teachers sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.<strong>Pher Pasion</strong>
Ang tatlong tagapagsalita sa ginanap na Ulat Bulilit 3 sa pangunguna ng Salinlahi, Children’s Rehabilitation Center, at Alliance of Concerned Teachers sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Pher Pasion

Pinopondohang pribadong eskuwelahan

Dahil sa kakulangan ng pondo para sa edukasyon, nagsusumiksik ang mga estudyante sa kulang na mga silid-aralan at paaralan, habang hirap naman ang mga guro sa pampublikong mga paaralan na makaagapay sa maraming estudyante.

Ang solusyon daw ng gobyerno: Government Assistance for Students and Teachers in Private Education (Gastpe), na napatupad sa bisa ng Republic Act No. 8545. Sa esensiya, popondohan ng gobyerno ang mga mag-aaral para pag-aralin sa pribadong mga eskuwelahan. Taun-taon, palaki ng palaki ang pondong inilalaan dito:

Government Assistance for Students and Teachers in Private Education

Year Amount Number of Beneficiaries
2013 7.8 billion 800,000
2012 6.3 billion 759,429
2011 3.61 billion 697,708
2010 3.5 billion 690,588
2009 3 billion 665,128
1996 354.57 million 210,630
1986 5 million No data
   Source: Alliance of Concerned Teachers

Ginagamit umano ang sistema ng voucher sa mga estudyante para matiyak ang pagpapatuloy ng programang K-to-12 na hindi kayang ma-accommodate ng publikong mga paaralan. Pribadong mga eskuwelahan ang papalit sa serbisyong dapat ibinibigay ng public schools.

“Babalik sa pribado ang ganansiya. Sila (halimbawa) ang maghahanda para sa senior high school. Hindi kayang i-accommodate ng general education high school yan kasi wala siyang pasilidad,” ayon kay Legaspi.

Ito umano ang dahilan kung bakit tuwang-tuwa ang pribadong mga paaralan sa taas-badyet na para sa Gastpe.

 

Maging sa tertiary education o kolehiyo, tumatagos ang K-to-12: Inanunsiyo ngayong taon ng Commission on Higher Education na tatanggalin sa kolehiyo ang Wikang Filipino sa kurikulum. Ayon sa mga kritiko ng naturang desisyon ng CHED, malaking dagok ito sa pangangalaga ng makabayang diwa sa hanay ng mga estudyante sa kolehiyo.

Samantala, patuloy din ang paghihikayat ng gobyerno sa state universities and colleges (SUCs) na magpatupad ng income-generating schemes–bahagi ng penomenon ng komersalisasyon ng edukasyon. Mismong si Aquino ang nagsabi na layon ng administrasyon niya na bawasan ang pondo ng SUCs para maitulak ang mga ito na kumuha ng kanilang sariling pondo.

“Ano ang nangyari? Magma-manage ka ng commercial education? Hindi na tuloy alam kung ano ang uunahin, kung ang negosyo ba o edukasyon,” sabi pa ni Legaspi.

Sa kabuuan, sinasabi ng mga kritiko na hindi programang K-to-12 ang sasalba sa naghihingalong kalagayan ng edukasyon sa bansa. Bagkus, sa pagpipilit na maipatupad ito, lalo lamang pinahihirapan ang mga mag-aaral, guro, at mamamayan. Samantala, tinutugunan ng mga programang ito ng administrasyon ang interes ng mga negosyante (lokal o dayuhan) para pagkunan ng murang lakas-paggawa.

Lalong nagiging malayo ang edukasyon sa kamay ng mahihirap na mga mamamayan sa bansa.