LARAWAN | Nora Aunor, pinarangalan ng mga guro bilang ‘pambansang artista ng mamamayan’
“Kapuri-puri ang walang pasubali at buong-husay niyang pagganap sa piling mga pelikulang kontrobersiyal dahil sa pagtalakay at pagsusuri sa mga isyung panlipunan.” Iyan ang pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa paggawad kay Nora Aunor bilang “Pambansang Artista ng Mamamayan” nitong Agosto 29 sa Tanghalang Bayan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa […]

“Kapuri-puri ang walang pasubali at buong-husay niyang pagganap sa piling mga pelikulang kontrobersiyal dahil sa pagtalakay at pagsusuri sa mga isyung panlipunan.”
Iyan ang pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa paggawad kay Nora Aunor bilang “Pambansang Artista ng Mamamayan” nitong Agosto 29 sa Tanghalang Bayan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Manila.
Kabilang sa mga pelikulang binanggit ng ACT na nagtatalakay sa mga isyung panlipunan ang Andrea, Paano Ba Maging Isang Ina; Tatlong Taong Walang Diyos; Himala; Minsa’y Isang Gamugamo; at Flor Contemplacion Story.
“Ang naging pagkakait sa pagkilala kay Nora Aunor bilang pambansang alagad ng sining ay isang kongkretong halimbawa ng pagpapabaya ng pamahalaan sa mahuhusay na artista ng bayan na inialay ang kanilang buhay at sining para sa masa,” sabi pa ng ACT.
Pinatutungkulan ng ACT ang kontrobersiya kaugnay ng pag-anunsiyo ng Malakanyang sa listahan ng mga pangalan ng ihihirang bilang Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) para ngayong taon. Hindi isinama ang pangalan ni Aunor matapos mahigpit na inirekomenda ito ng mga kapwa artista at isinumite sa Palasyo.
Malugod na tinanggap ni Aunor ang papuri at nangakong susuportahan ang laban ng mga guro para sa dagdag na suweldo at para sa sapat na badyet para sa edukasyon.