Main Story Manggagawa

Pagbasura sa buwis ng BIR sa benepisyo ng kawani, hiniling sa Korte Suprema


Mababang sahod. Kontraktuwalisasyon. Disallowances. Di-ibinibigay na mga benepisyo. At ngayon naman, dagdag-buwis sa maliit-na-ngang benepisyo, bonus at allowances. Ito ang mga kinakaharap ng mga kawani ng gobyerno. Ang pinakahuli, bagong pataw na buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa bisa ng Revenue Memorandum Order 23-2014 na nilabas noong Hunyo 20, ay naging hudyat ng protesta at […]

Nagtipon ang daan-daang kawani ng gobyerno mula sa iba't ibang sangay ng gobyerno sa harap ng Korte Suprema para hilingin ang pagbasura sa pagbubuwis ng Bureau of Internal Revenue sa kanilang mga benepisyo. <strong>Kontribusyon/Courage</strong>
Nagtipon ang daan-daang kawani ng gobyerno mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno sa harap ng Korte Suprema para hilingin ang pagbasura sa pagbubuwis ng Bureau of Internal Revenue sa kanilang mga benepisyo. Kontribusyon/Courage

Mababang sahod. Kontraktuwalisasyon. Disallowances. Di-ibinibigay na mga benepisyo. At ngayon naman, dagdag-buwis sa maliit-na-ngang benepisyo, bonus at allowances.

Ito ang mga kinakaharap ng mga kawani ng gobyerno. Ang pinakahuli, bagong pataw na buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa bisa ng Revenue Memorandum Order 23-2014 na nilabas noong Hunyo 20, ay naging hudyat ng protesta at pagdulog ng mga unyon ng mga kawani ng gobyerno sa Korte Suprema para itigil ang implementasyon ng dagdag-buwis sa kanilang kakarampot na mga benepisyo.

“Masyado na kaming lubog sa utang pero kapalaran itong mas masahol pa sa utang,” pahayag ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), na siyang nanguna sa pagsampa ng Petition and Mandamus with a Prayer for a Temporary Restraining Order laban sa naturang memorandum ng BIR na pinangungunahan ni Komisyoner Kim Henares.

Kasabay ng pagdulog sa Korte Suprema, nitong Agosto 6, naglunsad din ang mga kawani ng gobyerno ng pambansang Red and Black Day. Nagmartsa ang daan-daang kawani mula Taft Avenue patungkong Korte Suprema sa Padre Faura, Manila. Nagsuot sila at ang iba pang kawani ng gobyerno sa iba’t ibang bahagi ng bansa ng itim at pulang mga damit para ihayag ang anila’y panibagong panghuhuthot sa kanila ng administrasyong Aquino sa uri ng buwis.

“Parang malaking bato ang BIR RMO 23-2014 na halos lumulunod sa mga empleyado ng burukrasya. Mapagsamantala at di patas ito. Nananawagan kami sa mga mahistrado ng Korte Suprema na itigil ang mistulang pag-abusong ito ng awtoridad,” sabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.

Nakasaad ng BIR RMO 23-2014 na tatayong withholding agents, o tagakaltas ng buwis, ang pambansa at lokal na mga ahensiya ng gobyerno, pati ang government operated and controlled corporations o GOCCs, sa mga benepisyo, allowances o bonus ng mga empleyado at opisyal ng gobyerno.

Kasama sa pinabubuwisan nang 30 hanggang 32 porsiyento ang mga allowance, bonus, honoraria benefits na natatanggap ng mga opisyal at empleyado ng Lehislatura, Ehekutibo at Hudikaturang mga sangay ng gobyerno. Bubuwisan pati ang 13th Monthy Bonues ng mga empleyado at opisyal sa Lehislatibo na di-bababa sa P30,000.

Kasama sa mga nagprotesta ang mismong mga empleyado ng Hudikatura, kabilang ang sa Korte Suprema. <strong>Kontribusyon</strong>
Kasama sa mga nagprotesta ang mismong mga empleyado ng Hudikatura, kabilang ang sa Korte Suprema. Kontribusyon

“Parang di pa sapat ang 20 porsiyentong withholding tax sa kakarampot naming suweldo, ngayon nama’y inoobliga pa ng BIR ang mga pinuno ng mga ahensiya na magpataw ng buwis sa mga benepisyong inaasahan namin para pampuno sa kakulangan ng suweldo,” sabi pa ni Gaite.

Sa petisyon ng mga kawani, hiniling nila na pigilan ang “ilegal at di-katanggap-tanggap na pagpataw ng buwis, at ilegal na koleksiyon (ng mga ahensiya ng gobyerno) batay sa awtoridad ng nasabing RMO”. Pinababasura nila ang mismong memorandum.

Kasama ng Courage na nagpetisyon sa Kataas-taasang Hukuman ang Judiciary Employees Association (Judea), Senado (unyon ng mga empleyado sa Senado), Association of Court of Appeals Employees, Water System Employees Response (pambansang pederasyon ng mga empleyado sa water districts);

Sandiganbayan Employees Association, Social Welfare Employees Association of the Philippines (Sweap), Department of Agrarian Reform Employees Association, Department of Trade and Industry Employees Union, Kapisanan para sa Kagalingan ng mga Kawani ng Metro Manila Development Authority (KKK-MMDA), Consolidated Union of Employees of the National Housing Authority (CUE-NHA) at Katipunan at Sandigan ng mga Manggagawa at Kawani ng Quezon City (KASAMA KA).

Kasama nila si dating Sen. Aquilino Pimentel Jr., na siyang tumayong punong abogado ng mga petisyuner.

Maliban sa protesta sa Manila, nagsuot din ng itim at pulang mga damit at laso ang mga empleyado ng gobyerno sa Quezon City, Tuguegarao, Iloilo, Bikol, Cebu, Tacloban at Cagayan de Oro.