Mga estudyante, galit na hinarap si Abad


Papel, plakards, at barya. Ito ang iniitsa ng galit na mga estudyante na humarap kay Budget Secretary Butch Abad nang dumalaw ang opisyal sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman nitong Setyembre 17. Nagsalita si Abad sa isang porum ukol sa 2015 pambansang badyet sa UP College of Economics sa UP Diliman, kasama ang ilang delegado mula […]

Galit na kinuyog ng mga estudyante ng UP Diliman si DBM Sec. Butch Abad at tinawag na "magnanakaw!" Screengrab mula sa bidyo ng Contend-UP
Galit na kinuyog ng mga estudyante ng UP Diliman si DBM Sec. Butch Abad at tinawag na “magnanakaw!” Screengrab mula sa bidyo ng Contend-UP

Papel, plakards, at barya. Ito ang iniitsa ng galit na mga estudyante na humarap kay Budget Secretary Butch Abad nang dumalaw ang opisyal sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman nitong Setyembre 17.

Nagsalita si Abad sa isang porum ukol sa 2015 pambansang badyet sa UP College of Economics sa UP Diliman, kasama ang ilang delegado mula sa CODE-NGO. Pinanindigan ni Abad ang Disbursement Acceleration Program, tinaguriang pork barrel ni Aquino, sa naturang porum.

Habang nagsasalita si Abad, may mahigit kumulang 100 mag-aaral ng UP ang humarang sa mga labas ng venue, nagsagawa ng kilos-protesta, at naglabas ng mga karatula na may nakasulat na “DAPatManagot, Noynoy patalsikin!” habang sinisigawan si Abad na “Magnanakaw!”.

May ilan pang nakalapit sa sekretarya at binato si Abad ng nilamukos na papel habang nagsabing, “Ito ay para sa mga ninakawan niyo!”. Nagbato ng barya ang ilan pa habang sumisigaw ng “Butch Abad, panagutin! Noynoy patalsikin!”

Agarang umalis si Abad na may nakapalibot na security personnel, ngunit sinundan siya ng mga galit na estudyante. May isa pang estudyante ang nakalapit kay Abad at nahawakan siya sa kolyar habang papasakay na ng kanyang sasakyan.

“Mukhang guilty na kriminal,” sabi ng mga estudyante sa itsura ni Abad habang papaalis ito sa kampus. Humarurot ang SUV na sinakyan ni Abad nang maibukas ang daan. “Parang Grand Theft Auto,” sabi pa ng ilang estudyante, tinutukoy ang isang sikat na video game.

Ayon kay Charlotte France ng STAND-UP, alyansa ng progresibong mga organisasyon ng mga estudyante sa UP, hindi “welcome” ang aniya’y “plunderers and holDAPers” sa kampus. “Kailangan panagutin sina Sec. Butch Abad at Pangulong Aquino sa kanilang mga krimen. Para iyon sa mga ninakawan, sa mga tinanggalan ng karapatan makapagpaospital, para sa mga kabataan na ninakawan ng kinabukasan.”

Nakakasa ang mga estudyante para sa kilos protesta bukas, Setyembre 19, sa paggunita ng Martial Law at paglaban sa term extension ni Aquino.

Panooring ang bidyo mula sa Contend-UP: