Main Story

‘Relasyong Tsina, PH luluwag pagkatapos ng termino ni Aquino’


HAIKOU CITY, CHINA– Malaki ang posibilidad na mas luluwag ang relasyon sa pagitan ng bansang Tsina at Pilipinas kapag natapos ang termino ni Pangulong Aquino sa taong 2016. Ito ang sabi ni Wu Shicun, presidente ng National Institute for South China Sea Studies, isang think-tank ng gobyerno ng Tsina na nakabase sa lungsod na ito […]

Wu Shicun, presidente ng National Institute for South China Sea Studies: Walang ginawa si Aquino para mapaganda ang relasyong PH-China. KR Guda

HAIKOU CITY, CHINA– Malaki ang posibilidad na mas luluwag ang relasyon sa pagitan ng bansang Tsina at Pilipinas kapag natapos ang termino ni Pangulong Aquino sa taong 2016.

Ito ang sabi ni Wu Shicun, presidente ng National Institute for South China Sea Studies, isang think-tank ng gobyerno ng Tsina na nakabase sa lungsod na ito sa probinsiyang Hainan ng Tsina.

Binatay umano niya ito sa pagtingin din ng Pilipinong mga counterpart sa isang unibersidad sa Maynila na nagsabing baka kailangang hintaying matapos ang termino ni Aquino para lumuwag ang relasyon ng dalawang bansa.

“Philippine government (under Aquino) has done little to improve Philippine and Chinese relations,” sabi pa ni Wu.

Ayon pa kay Wu, tinitingnan ng gobyernong Tsino ang kasalukuyang administrasyon sa Maynila na “may problema” (“the problem is in the Philippine side”) kung bakit hindi gumaganda ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Binigay niyang halimbawa ang bansang Malaysia, na may mas maunlad umanong pakikipagkalakaran sa Tsina kumpara sa Pilipinas. Sa kabila ito ng territorial dispute din sa pagitan ng Tsina at Malaysia sa James Shoal (tinatawag ng Tsina na Zengmu Reef).

Sa kasalukuyan, may US$100 Bilyong halaga ng kalakalan sa pagitan ng Tsina at Malaysia, habang US$20-B lamang ang sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Nabahala din umano ang Beijing sa paglagda ng gobyerno ng Pilipinas at US ng kasunduang pangmilitar, ang PH-US Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

“From China’s perspective, (the agreement) is aimed at China,” ani Wu, at sinabi ring gusto ng US na ibalik ang mga base militar nito sa Pilipinas para pigilan ang lumalakas na impluwensiya ng Tsina sa rehiyon (“aimed to contain China”).

Sa kanyang palagay, may mahigpit na interes ang US sa rehiyon kung kaya nakikialam umano ito sa territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Gusto lang umanong siguruhin ng US ang “kalayaang maglayag” (“freedom of navigation”) ng mga barkong pangkomersiyo at pandigma nito sa West Philippine Sea (South China Sea).

Sa kabila nito, optimistiko si Wu na maibabalik ang mahigpit na relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Maaari naman umanong ipagpatuloy ang kalakalan ng dalawang bansa.

Pabor ang Tsina sa usapan sa pagitan ng dalawang bansa (bilateral talks) sa halip na arbitration talks sa International Tribunal for the Law of the Sea o Itlos.

Editor’s Note: Kabilang ang Pinoy Weekly sa delegasyon ng 15 mamamahayag mula sa Pilipinas na kasalukuyang nasa Tsina sa imbitasyon ng embahada ng Tsina sa Manila para sa isang “familiarization tour”. Sa naturang biyahe, kabilang sa ilinaw umano ng gobyerno ng Tsina ang ilang mga usapin hinggil sa relasyong PH-Tsina.