Pambansang Isyu

Hustisya kay Laude, hustisya sa sambayanan hiniling


Hustisya para kay Jennifer Laude. Pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA). Ito ang dalawang panawagan ng mga miyembro ng Justice for Jennifer! Junk VFA Network, na nagsagawa ng candle vigil sa harap ng Kampo Aguinaldo sa Quezon City. Kasabay ito ng paglibing sa Olongapo City ng labi ni Laude na biktima diumano ng pamamaslang ng […]

Pher Pasion
Protesta sa harapan ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aquinaldo kung saan nakakulong umano ang sundalong Amerikano na suspek sa pagpaslang sa isang Pilipina sa Olongapo.<strong>Pher Pasion</strong>
Protesta sa harapan ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aquinaldo kung saan nakakulong umano ang sundalong Amerikano na suspek sa pagpaslang sa isang Pilipina sa Olongapo. Pher Pasion

Hustisya para kay Jennifer Laude. Pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Ito ang dalawang panawagan ng mga miyembro ng Justice for Jennifer! Junk VFA Network, na nagsagawa ng candle vigil sa harap ng Kampo Aguinaldo sa Quezon City. Kasabay ito ng paglibing sa Olongapo City ng labi ni Laude na biktima diumano ng pamamaslang ng isang sundalong Amerikano noong Oktubre 11.

Sinabi ng naturang network na malaking hadlang sa pagkamit ng hustisya ang VFA dahil tagibang ito pabor sa pagprotekta sa interes ng mga sundalong Amerikano tulad ni Pemberton.

Sina Monique Wilson at Joms Salvador habang nagtitirik ng kandila para manawagan ng hustisya sa pagpaslang kay Jennifer Laude.<strong>Pher Pasion</strong>
Sina Monique Wilson at Joms Salvador habang nagtitirik ng kandila para manawagan ng hustisya sa pagpaslang kay Jennifer Laude.Pher Pasion

Di-pantay
Nagtirik ng kandila ang mga kasapi ng network at mga miyembro ng iba’t ibang progresibong grupo para bigyan-diin ang paghangad nila ng hustisya para kay Laude. Ayon sa gobyerno ng Pilipinas, nasa pasilidad ng Mutual Defense Board at sa kustodiya ng mga sundalong Amerikano sa loob ng Kampo Aguinaldo habang iniimbestigahan pa ng mga public prosecutor ang krimen.

VFA ang kasunduang militar sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at US na nagpapahintulot ng “pagbisita” ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas para sa iba’t ibang dahilan, kasama ang mga ehersisyong militar na tulad ng kinasangkutan ni Pemberton at 4,000 iba pang sundalong Amerikano noong huling linggo ng Setyembre.

Nakasaad sa VFA na maaaring magkaroon ng kustodiya ang US sa isang sundalong Amerikano na suspek sa krimen sa Pilipinas. Para sa naturang network at sa Gabriela, patunay ito na pabor sa US at hindi sa Pilipinas ang naturang kasunduan.

Ipinagtanggol ng Malakanyang ang VFA mula sa panawagang ibasura na ito. Noong nakaraang linggo, sa ika-70 taong anibersaryo ng Leyte Landing ni US Gen. Douglas McArthur sa Pilipinas noong World War II, sinabi ni Pangulong Aquino na kailangang “tingnan ang bigger picture” ng relasyong US at Pilipinas dahil “wala namang lugar na walang krimen.”

Insensitibo

Tinanggihan din ni Aquino na dumalaw man lamang sa burol ni Laude dahil di raw siya pumupunta sa mga burol ng “hindi (niya) kilala”.

Binatikos ng progresibong mga grupo si Aquino sa anila’y kawalan ng sensitibidad at di-pakikiramay sa kanila sa pagpaslang ng isang kapwa Pilipino. Sinabi rin ng Gabriela na ang totoong “bigger picture” ay ang pagiging di-pantay na kasunduan ng VFA at di-pantay na relasyon sa pagitan ng US at Pilipinas.

<strong>Pher Pasion</strong>
Pher Pasion

“Mahirap makakuha ng hustisya sa ilalim ng VFA. Kailangan pa nating magmakaawa tayo na ang naagrabyado. Kahit na sinong bansang may respeto sa sarili hindi papayag sa kaliwa’t kanang pambabastos na ipinapakita ng VFA,” ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan.

Ayon naman kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus, ang pag-iral ng “makaisang panig” na mga kasunduan sa pagitan ng gobyerno ng Amerika at gobyerno ng Pilipinas ay hindi hiwalay sa kaso ni Laude.

Nagkakaroon pa umano ng maling pagtingin sa pagpunta ng mga Amerikanong sundalo dito sa bansa bilang nagbibigay ng trabaho at hanapbuhay. Pero hindi ito ang hanapbuhay na talagang nais ng mga mamamayan, ayon kay De Jesus.

“Hindi lang karumal-dumal na krimen ang nangyari. Isang karumal-dumal na krimen sa mga mamamayang Pilipino ang ginawa ng sundalo ng Amerika: ang pagyurak sa dignidad ng mga mamamayan, ang pagyurak sa soberanya ng bayan. Inilibing na si Jennifer pero hindi dito nagtatapos ang paghahangad natin ng hustisya,” pagtatapos ni Salvador.