Main Story

Para kay Jennifer, sa LGBT, at sa sambayanan


Hindi mapakali si Japs sa sasakyan. Kasama niya ang kababaihan ng Gabriela patungong Olongapo City para muling makiramay sa pamilya ni Jennifer Laude, na pinaslang diumano ng isang sundalong Amerikano noong Oktubre 11. Excited si Jabs pero nahihiya siya. “Hindi ko alam kung paano haharap,” sabi niya. Sa Brgy. Tatalon, Quezon City nakatira si Japs, […]

Sa harap ng labi ni Jennifer. "Naiiyak ako," sabi ni Japs. KR Guda
Si Japs, o Jefferson Laude Garcia, kasama ang ina ni Jennifer. KR Guda
Si Japs, o Jefferson Laude Garcia, kasama ang ina ni Jennifer. KR Guda

Hindi mapakali si Japs sa sasakyan. Kasama niya ang kababaihan ng Gabriela patungong Olongapo City para muling makiramay sa pamilya ni Jennifer Laude, na pinaslang diumano ng isang sundalong Amerikano noong Oktubre 11. Excited si Jabs pero nahihiya siya.

“Hindi ko alam kung paano haharap,” sabi niya. Sa Brgy. Tatalon, Quezon City nakatira si Japs, o Jefferson Laude Garcia, 18 anyos. Mga isang taon na siyang miyembro ng Progay Philippines, isang grupong LGBT (lesbians, gays, bisexuals, transgender) na kaalyado ng Gabriela sa pagsulong ng paglaban sa diskriminasyon at iba pang isyu ng mga mamamayan. Nag-oorganisa sila ng mga kapwa bading at kabataan sa komunidad. Pero hanggang ngayon, mahiyain pa rin si Japs.

Kamag-anak ni Japs ang mga Laude sa Olongapo. Pero hindi niya kilala ang mga ito. “Hindi kasi kami close sa mga kamag-anak sa mother side ko,” aniya. Gayumpaman, may pakiramdam siyang parang kilala na niya si Jennifer. Bilang bading, nakikita niya ang sarili niya sa mga tulad ni Jennifer na nabibiktima dahil sa piniling kasarian. Bilang aktibista, batid niya ang diskriminasyong iniluluwal ng piyudal at patriyarkal na kultura, at hangarin niyang mabago ito.

“Nalungkot ako nang malaman ko ang nangyari sa kanya. Kaya gusto ko talagang pumunta (sa Olongapo),” aniya. Bago bumaba ng sasakyan, nag-retouch ng make-up si Japs. Huminga siya nang malalim. Pilit na nagpalakas ng sarili sa pagharap sa kaanak at sa unang pagkakataong makikita ang labi ni Jennifer.

Nagitla

Kuwento ni Japs, nagitla siya sa kuwento ng pagpaslang kay Jennifer.

“Hindi pa naman ako nakararanas (ng ganoong karahasan). Pero alam kong nangyayari ‘yun,” sabi niya. Nagtatrabaho siya bilang make-up artist—at magaling siya rito. Minsan na siyang nag-make-up para sa Philippines’ Next Top Model sa telebisyon. Pero sa kabila nito, madalas pa ring nakakantiyawan ng mga tambay ang mga tulad niyang bading. Pero dahil marami sila, at ngayo’y may organisasyon na sila, mas lumakas ang loob nilang igiit ang piniling kasarian.

Matapos mabalitaan ang nangyari kay Jennifer, lumahok agad si Japs sa mga protesta na nananwagan ng hustisya. Napansin nga niyang kaapelyido ng nanay niya ang biktimang transgender. Pero kinagabihan matapos ang isang piket ng Gabriela sa harap ng Department of Foreign Affairs noong Oktubre 15 para igiit ang hustisya kay Jennifer, tinawagan siya ng nanay niya na overseas Filipino worker sa Jeddah, Saudi Arabia.

“Anak, kamag-anak natin iyan,” sabi ng nanay niya. Anim na taon nang nagtatrabaho ang nanay sa Jeddah. Tila lumaki si Japs sa tatay, bago pumanaw ang huli. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makilala ang kaanak sa angkan ng nanay niya—pero alam niyang taga-Olongapo sila.

Pagdating sa burol ni Jennifer, halos di siya makalapit. “Una ko siyang nakita, gusto kong maiyak. Iba ‘yung hitsura niya. Nakakaawa. Kaso di naman ako kilala pa ng pamilya, kaya pinigilan ko ang pag-iyak,” kuwento ni Japs pagkatapos.

Kung paniniwalaan ang mga balita, ginulpi si Jennifer bago pinatay. May mga pasa siya sa buong katawan, at tila pinaghahampas ang mukha sa inidoro bago nilublob at nilunod.

Kinakabahan pero nakapag-makeup naman si Japs bago makabisita sa labi ni Jennifer. KR Guda
Kinakabahan pero nakapag-makeup naman si Japs bago makabisita sa labi ni Jennifer. KR Guda

Galit ang naramdaman

Si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton ang pangunahing suspek sa pagpaslang kay Jennifer. Nakita siya sa mga CCTV footage na kasama ang biktima bago pumasok sa kuwarto ng maliit na hotel na Celzone. Pagkatapos nito, nakita ng isang istap ng hotel ang walang-buhay na katawan ni Jennifer, walang damit at nakalublob ang mukha sa inidoro ng CR.

Sa harap ng labi ni Jennifer. "Naiiyak ako," sabi ni Japs. KR Guda
Sa harap ng labi ni Jennifer. “Naiiyak ako,” sabi ni Japs. KR Guda

Noong araw na iyon, kasama ang Gabriela at iba pang grupo, pumunta ang nanay at kapatid ni Jennifer sa harap ng USS Peleliu, ang barko kung saan matatagpuan noon ang suspek (Inilipat si Pemberton sa Kampo Aguinaldo sa Quezon City noong Oktubre 22, pero hawak pa rin ng US). Naglabas na kasi ng summons noon ang city prosecutor para sa preliminary investigation ng kaso. Pero ayaw silang palapitin sa barko. Sa hearing ng preliminary investigation noong Oktubre 21, hindi rin sumipot si Pemberton.

“Galit talaga ang naramdaman ko nung mapunta kami sa harap ng Peleliu,” sabi ni Japs. “Sa atin, dito sa bansa natin, nandiyan talaga ang diskriminasyon. Madalas ‘yung nilalait kami. Pero iba ‘yung humantong sa pagpatay. Isang dayuhang sundalo ang pumatay.”

Aniya, lantad ang di-pantay na pagturing sa Pilipino at Amerikano sa mismong bansa natin. Biruin mo, kailangan pa magrali ang mga mamamayan para mapresyur ang gobyerno para makuha ang hustisya kay Jennifer. Pinaka-makapangyarihang militar sa mundo ang kabangga ngayon ng pamilya ni Jennifer at ng sambayanan sa pagkamit ng hustisya. Kaya kailangan talaga ng sama-samang pagkilos.

“Nariyan ang diskriminasyon, ang pang-aapi, kaya kailangan talagang lumaban,” sabi ni Japs. Batid niyang kailangang labanan ang pagiging mahiyain, at ipagpatuloy ang pag-oorganisa. Sa alaala ng kaanak na si Jennifer. Alang-alang sa inaaping mga miyembro ng komunidad ng LGBT. Para sa sambayanan.