Diskriminasyon ng Comelec sa LGBT, binatikos


Kinondena ni Gabriela Rep. Liza Maza ang aniya’y diskriminasyon ng Commission on Elections (Comelec) sa mga bakla, lesbiyana at iba pang miyembro ng komunidad ng LGBT (lesbians, gays, bisexuals and transgenders.) na itinuturing na mardyinalisadong sektor sa bansa. Sinabi ito ng kongresista matapos maglabas ang Comelec ng desisyon ng pagtanggi sa rehistrasyon ng Ang Ladlad […]

Gabriela Rep. Liza Maza
Gabriela Rep. Liza Maza

Kinondena ni Gabriela Rep. Liza Maza ang aniya’y diskriminasyon ng Commission on Elections (Comelec) sa mga bakla, lesbiyana at iba pang miyembro ng komunidad ng LGBT (lesbians, gays, bisexuals and transgenders.) na itinuturing na mardyinalisadong sektor sa bansa.

Sinabi ito ng kongresista matapos maglabas ang Comelec ng desisyon ng pagtanggi sa rehistrasyon ng Ang Ladlad Party sa eleksiyong party-list.

“Malinaw na paglabag ito sa karapatan sa mga mamamayan, laluna sa mardyinalisadong mga sektor, na lumahok sa mga prosesong pulitikal. Repleksiyon ito ng nangingibabaw na kultura ng homophobia at diskriminasyon,” paliwanag ni Maza.

Sa walong-pahinang resolusyon noong Nob. 11, sinabi ng Second Division ng Comelec na labag sa moralidad ng relihiyong Kristiyano at Muslim ang homoseksuwalidad kung kaya di puwedeng tumakbo ang isang party-list na kinatawan ng LGBT tulad ng Ang Ladlad.

Should this Commission grant the petition, we will be exposing our youth to an environment that does not conform to the teachings of our faith,” ayon sa Comelec.

“Ekstensiyon na ba ang Comelec ng isang relihiyosong grupo?” tanong ni Maza.

Labag umano sa Saligang Batas ang desisyong ito ng Comelec dahil hindi dapat batayan ang relihiyosong paniniwala sa paghangad ng representasyon ng isang sektor ng lipunan sa halalan.

Sa bahagi niya, sinisiguro ni Maza na susuportahan niya ang mga inisyatiba ng komunidad ng LGBT sa pakikibaka nito laban sa dikriminasyon sa pagawaan, eskuwela, at pampubliko at pribadong mga institusyon.

Tiniyak din ni Maza na susuportahan niya ang paglaban sa hate crimes, o mga krimeng puntirya ang mga miyembro ng LGBT, at pagrespeto sa kanilang karapatan at interes.