Para kay P
Noong araw na iyon, katatapos lang ng pakikipag-pulong ko kasama ang isang mataas na administrador ng PUP. Hindi ko nga alam kung paano ko natapos ang pagpupulong na yun. Akalain mo ba naman na ipinipilit ng administrador na ito na walang mahirap sa PUP, na kulang lang sila sa diskarte, at ang problema’y madali lang […]
Noong araw na iyon, katatapos lang ng pakikipag-pulong ko kasama ang isang mataas na administrador ng PUP. Hindi ko nga alam kung paano ko natapos ang pagpupulong na yun. Akalain mo ba naman na ipinipilit ng administrador na ito na walang mahirap sa PUP, na kulang lang sila sa diskarte, at ang problema’y madali lang silang panghinaan ng loob?
Kung ikaw kaya ang nasa pagpupulong na iyon, paano mo kaya ibabahagi ang karanasan mong makipamuhay sa mga pinakamahihirap na lumad?
Sa klase ang diretso ko pagkatapos ng pagpupulong. Habang nagtatalakay ako, nakatanggap ako ng isang text mula sa kaibigan. “Alam mo na ba ang nangyari kay Perper?” Kinutuban na ako dahil lagi naman na sa mapait na katotohanan ng pagkamatay ng isang kasama ang kinahihinatnan ng mga text na ganun.
Lumabas agad ako ng klase kasi patulo na ‘yung luha ko. Naisip kong ibahagi sa kanila ang buhay mo para magsilbi nilang inspirasyon. Kaso, unang araw pa lang ng klase, handa na kaya akong talakayin ang dahilan ng pagkamatay mo?
Ano kayang naaalala ng mga tao tungkol sa iyo? Mahalaga pa kaya yun sa iyo?
Bagamat hindi naman tayo laging magkasama, mahahaba ang mga pana-panahong pagkikita natin tuwing gagampanan natin ang gawain sa National Executive Council (NEC) ng Kasama sa UP. At sa mga panahong iyon lumalabas ang pagiging matingkad ng tipo ng iyong pamumuno at personalidad.
Sa dami ng kailangan nating asikasuhin sa bawat araw na pinapatakbo natin ang mga Kongreso ng Kasama sa UP, ikaw na nga ata yung pinaka-kalmado sa lahat. Ang paalala mo sa NEC ay dapat balikan lagi kung ano ang mga layunin ng ating pagtitipon at mula doon ay isa-isahin natin, sa pagkakasunod-sunod sa prayoridad, ang mga gawain na dapat matapos.
Kung sa talakayan naman ng mga isyung dapat kaharapin ng mga konseho ng UP, simple ka lang din magpaliwanag. Pero malinaw at matalas. Sabi nga nila, mas kinakikitaan ang tao ng malalim na pag-unawa kung kaya niya itong maipaliwanag sa pinaka-simpleng paraan.
Umaapaw din ang iyong karisma–kahit pa nga sa labas ng UP.
Nasamahan kasi kitang magtalakay noon sa Ateneo de Davao bilang tagapagsalita ng Kabataan Party-list sa Southern Mindanao Region. Sabi ko noon sa iyo, “Ang galing mong makibagay, mula public hanggang private.” Hindi ko matandaan kung paanong eksakto mo akong sinagot noon. Pero tiyak ko, kapareho lang ‘yun ng lagi nating sinasabi sa isa’t isa tuwing nagbabahagi ukol sa kalagayan ng ating mga gawain–hindi naman tayo makakapili, iyon ang pangangailangan. At sabay na tatawa pagkatapos.
Kaya nga, hindi naman na din ako nagtaka kung pinili mong makipamuhay sa mga Lumad at tulungan sila doon, sa pangunahin, na bigyan ng edukasyon. Kaya heto, gusto ko nga pa lang sabihin sa iyo, “Ang galing mong mamuno, mula eskuwelehan hanggang komunidad, mula kalunsuran hanggang kanayunan.”
Pero huwag mong isasagot na “hindi naman tayo nakakapili ng gawain, iyon ang pangangailangan.” Dahil ang totoo, sa araw-araw na meron ka, malay mong pinili na ialay ang iyong galing, lakas at talino para sa minamahal na mga api’t pinagsasamantalahan.
Meron ka naman talagang choice na hindi gawin yan lalo pa’t sa UP ka nag-aral. Maraming oportunidad para sa mga katulad mong mahusay na lider-estudyante. At kung nanaisin mo lang, malayo ang mararating ng iyong charisma’t iba pang kakayahan. Pero gaya ng tunay na iskolar ng bayan, na habambuhay namin hahangaan at pagpupugayan, pinili mong paglingkuran ang sambayanan- buhay man ay ialay.
Noong huling dalaw ko sa Davao, nagmamadali kang umalis. Basta alam kong malayo ang pupuntahan mo dahil madami kang bitbit. May dala ka nung projector at laptop dahil magtatalakay ka sa isang komunidad. At kung kukuhanan ng larawan ang pagkakataong iyon, makikita nila ang nakita ko- ngiting-ngiti ka’t sabik na sabik na makarating sa kanila.
Alam kong sa huling 11 buwan ng buhay mo dun, na kapiling mo ang mga Lumad at ang mga kababayan nating pinakamahihirap, labis ang iyong saya.
At sa huli, hindi ko talaga puwedeng hindi masabi sa iba kung paaanong ikaw ang naalala ko tuwing tinatalakay ang pagiging mountain eagle ni Lenin, “modest and simple yet strong and full of reason; no whining over defeat but no boasting in victory; true to the movement’s principle; possessing enormous faith in the creative power of the masses; and a committed leader of the revolution.”
Ito na nga ang pinakamataas na pagpupugay na pwede naming i-alay sa taong katulad mo–ipagpapatuloy namin ang rebolusyon ng pagpapalaya na labis mong minahal.
Paalam at pagpupugay sa iyo, kasama.