Kapirasong Kritika

Sa Bayan ang 2014


Ngayong bisperas ng bagong taon, sigurado, may mga kapit-bahay tayo na gagamit ng mga paputok na sobrang lakas na para bang tuwang-tuwa ang lahat ng tao sa ginagawa nila. Kasing-sigurado, maglalabas ang midya ng malalaking kapitalista ng kanilang year-end specials. At mas malamang, dahil sa kanilang maiksing memorya o pagkampi sa gobyerno ni Noynoy Aquino, […]

Ngayong bisperas ng bagong taon, sigurado, may mga kapit-bahay tayo na gagamit ng mga paputok na sobrang lakas na para bang tuwang-tuwa ang lahat ng tao sa ginagawa nila. Kasing-sigurado, maglalabas ang midya ng malalaking kapitalista ng kanilang year-end specials. At mas malamang, dahil sa kanilang maiksing memorya o pagkampi sa gobyerno ni Noynoy Aquino, o pareho, papalabasin nilang kay Noynoy ang 2014.

Pero ang totoo, hindi kay Noynoy ang 2014. Kung may taon mang lumabas ang tunay na kulay niya, itong 2014 na iyun. Sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa DAP, naidiing siya talaga ang Pork Barrel King. Sa pagpasa niya sa EDCA kahit pa sinabi ni Barack Obama na hindi ipagtatanggol ng US ang Pilipinas laban sa Tsina, at pagkampi sa sundalong Kano na pumatay kay Jennifer Laude, tumampok na tuta siya ng Kano.

Sa pagtimo ng kawalan ng rehabilitasyon sa Silangang Visayas isang taon matapos ang superbagyong Yolanda, napatampok na pabaya siya sa harap ng mga kalamidad. Sa pagdami ng mga paglabag sa karapatang pantao lalo na sa Mindanao, naidiin na marahas at pasista rin siya. At sa pagdami ng mga walang trabaho at kontraktwal, pagtaas ng presyo ng bilihin at singil sa kuryente, malinaw na pahirap siya sa masa.

Siguro, kung may tao na ayaw ng matapat na year-end specials, si Noynoy na iyun. Alam niyang lalong aalingasaw ang baho niya sa ganitong mga balik-tanaw. Alam niyang hindi maganda ang 2014 sa kanya, kaya nga pilit siyang nagpabango gamit ang pagpapakulong kina Pogi, Sexy at Tanda; paglutang kay Palparan; at paninira sa pamilya Binay na larawan ng pagiging duwag o tiwali ng kanilang paksyon ng elite.

Sa bayan ang 2014. Sa taong ito naganap ang maraming malalaking protesta, ang ilan ay mas malaki pa sa mga huling taon ng gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo. Lalong lumawak ang mga walang tiwala at kritikal sa gobyerno ni Noynoy, maging sa mga nasa panggitnang uri. Kahit ang New People’s Army na gusto niyang durugin at ayaw harapin sa usapang pangkapayapaan, nagpapatuloy kung hindi man lalong lumalakas.

Sa bayan ang 2014. Ipaalala natin iyan sa lahat. At angkinin nating muli ang 2015!

27 Disyembre 2014