Kabataan Main Story

Ilang minutong kabanalan


Nakakapangilabot makita ang libu-libong tao na nakahilera sa kalsada, sa gitna ng init ng araw at panaka-nakang ambon.  Halu-halo ang mga tao: bata’t matanda, babae at lalaki, may mga kaya sa buhay at marahil ang pinakamaraming mahihirap.  Hindi nila alintana ang ilang oras na pagtayo sa gilid ng kalsada, ibabaw ng mga concrete barrier at […]

Mainit na sinalubong ng mga deboto si Pope Francis.  Macky Macaspac
Mainit na sinalubong ng mga deboto si Pope Francis. Macky Macaspac

PW-POPE-FRANCIS-SA-PINAS-iconNakakapangilabot makita ang libu-libong tao na nakahilera sa kalsada, sa gitna ng init ng araw at panaka-nakang ambon.  Halu-halo ang mga tao: bata’t matanda, babae at lalaki, may mga kaya sa buhay at marahil ang pinakamaraming mahihirap.  Hindi nila alintana ang ilang oras na pagtayo sa gilid ng kalsada, ibabaw ng mga concrete barrier at mga upuan para lamang masilayan ang kanilang hininihintay – ang Santo Papa.

Siyempre, hindi rin maaalis ang mga mamamahayag at litratista na matiyagang nag-abang sa mga rutang pagdadaanan niya. Ako naman, naatasang kumuha ng mga larawan ng kaganapan: Una, sa Apostolic Nunciature sa Taft pagdating ng Santo Papa; ikalawa, sa Nagtahan Bridge patungong Palasyo ng Malakanyang; at sa Manila Cathedral. Nakakuha naman ako ng matinong larawan ni Santo Papa pagdaan niya sa Nagtahan. Matapos nito, kagyat akong lumisan patungong katedral para doon kumuha ng larawan. Pero alam ko, hindi na ako makakapunta sa lugar na inilaan  para sa mga midya. Puno na kasi ang Plaza Roma at maging ang mga daan sa palibot nito.

SAKSI ICONTama ang sapantaha ko, dahil pagdating ko sa paanan ng McArthur Bridge, sarado na ito. Buti na lang at may mga pedicab at traysikel na nag-aalok ng sakay patungong Intramuros.

“Bente kada tao, Intramuros,” alok sa akin ng barker.  Sumakay ako sa isang traysikel at binaybay ang gilid ng Ilog Pasig at lumabas sa Del Pan Bridge patungo sa likod ng Intramuros.

Habang binabaybay ang gilid ng ilog, napansin ko ang mga taong tila hindi alam na darating ang Santo Papa. Nasa kabila sila ng ilog. Tuloy ang buhay nila–mga batang naglalaro sa tabi ng kanilang barung-barong, mga nanay na inaalisan ng kuto ang anak, hubad na batang naliligo, isang lalaking naghahanda ng kariton ng kanyang panindang gulay.

Ang kaibahan, ang malaking tarpaulin ng mga manggagawang nakawelga: “Welcome Pope, Stand with Us against Corruption and Greed,” ang mga salitang nakasaad.

Hindi ko sila pinag-aksayahan ng oras dahil nakatuon ang isip ko na makarating sa katedral bago dumating ang Santo Papa.

Sa wakas, sa pinakamabilis na paraan, narating ko ang likod ng Intramuros. Humalo ako sa mga nag-aabang sa motorcade, nakipagkuwentuhan sa mga deboto na nag-aabang. Pero hanggang sa sandaling iyon, hindi ko pa rin alam kung ano ang aking isusulat na kuwento.

Ang batang si Paks kasama ang mag-asawang balikbayan mula sa Canada na nagboluntaryong itabi siya sa kanila. Macky Macaspac
Ang batang si Paks kasama ang mag-asawang balikbayan mula sa Canada na nagboluntaryong itabi siya sa kanila. Macky Macaspac

Habang kumukuha ako ng larawan ng mga debotong may dala-dalang imahe ng Sto.Nino de Tondo, may rumehistro sa aking mata: isang batang palakad-lakad sa gitna ng kalsada labas sa security cordon ng mga pulis. Agad naman siyang tinawag ng isang pulis at sinabihang huwag gigitna. Tamang-tama, sa tabi ko pumuwesto ang bata. Nang tingnan ko, isa siyang batang lansangan, nakaapak, marumi ang damit.

Sumagi sa aking isipan na ito ang aking isusulat. Agad ko siyang kinausap, habang isang mag-asawang balikbayan mula sa Canada ang nagboluntaryong itabi nila sa kanila ang bata, at isang ale ang nagbigay ng kendi sa kanya.

Nasasabik daw siyang makita ang Santo Papa. “Gusto ko siyang makita nang personal,” sabi niya na sa akin.  Hindi naman daw palaboy, nakatira sila sa piyer at ang nanay niya ay barker o tagatawag ng pasahero ng mga dyip. Kaso nakakulong ang kanyang ama sa hindi niya alam na dahilan. “Paks” ang tawag sa kanya ng kanyang mga kakilala.

“Sasabihin ko na ipagdasal niya na walang madidisgrasya sa amin at sana hindi na kami maghirap,”  sagot niya sa tanong ko na ano ang sasabihin niya sa Santo Papa kung sakaling makausap niya nang personal.

Ilang minuto pa lamang kaming nag-uusap nang dumating ang motorcade ng Santo Papa. Sandali ko siyang nakalimutan. Pero nang lumagpas ang motorcade, natanaw ko ang bata na tuwang-tuwang pinanood ang kuhang video ng mag-asawang balikbayan. Hindi ko na siya ulit nalapitan dahil sa humugos na ang maraming tao papunta sa direksiyon ng katedral.

Muli, naglakad-lakad ako pabalik sa direksiyon ng  Del Pan. Nanghihinayang ako na hindi ko nakuha ang reaksiyon ng bata matapos niyang masulyapan ang Santo Papa.

Naglalakad ako at kumkuha ng mga larawan ng mga taong naghihintay sa misa na ipapalabas sa isang wide screen. Nasulyapan ko naman ang isang 10-anyos na bata: nakadaop ang kanyang mga palad at tila nanginginig, sa kanyang paanan ang isang balde na puno ng mais.

Tumigil ako at lumapit sa kanya, sabi ko, “Kuya, marami ka na sigurong benta ano?  Maraming tao eh.”

“Wala pa po akong benta kuya,” sagot niya sa akin, na tila naiiyak.

Pakiramdam ko, parang kabado ang bata. Siguro dahil sa excitement na nakita niya ang  Santo Papa. Puwedeng kinakabahan siya dahil wala pa siyang benta. Puwede rin namang pareho.

Para sa ilang bata, pagkakataon din ang dami ng tao na sumalubong kay Pope Francis paraka kumita at makatulong sa pmailya. Macky Macaspac
Para sa ilang bata, pagkakataon din ang dami ng tao na sumalubong kay Pope Francis paraka kumita at makatulong sa pamilya. Macky Macaspac

Matapos kong magpakilala, tinanong ko siya kung nakita ba niya ang Santo Papa at kung ano ang naramdaman niya nang dumaan ito.

Nakumpirma ko na kinakabahan pa nga siya matapos niyang makita ang Santo Papa at bumalik sa pagtitinda. “Kinakabahan kasi ako nang tumawid ako para makita si Pope Francis, iniwan ko paninda ko sa Tito ko eh,”sagot niya.

“Pero wala ka pang benta,” sabi ko.

“Oo nga kuya, bili ka na naman, sampung piso,” sabi niya akin.

Dahil sa hindi pa naman ako nakakaramdam ng gutom, inialok ko na lang siya ng tulong.

“Sige, tulungan na lang kita magbenta,” sabi ko, sabay alok sa isang aleng dumadaan, nagtanong kung magkano at hindi bumili.

Habang naghihintay ng aaluking nagdadaraan, muli kaming nagkuwentuhan. Nag-aaral pa raw siya, grade two at galing ang kanyang pamilya sa probinsiya ng Mindoro. Ang tatay niya, isa ring vendor at sa isang karinderya naman nagtatrabaho ang kanyang nanay. “Hindi ko na maalala kung bakit kami umalis sa Mindoro. Bata pa ako noon, six years old yata,” ani Rod (di tunay na pangalan).

Habang nagkukuwnetuhan kami, may lumapit na mag-ina sa aming inalok namin na bumili ng mais. “Bili na kayo ale, P10 lang,” sabi niya. Hiniritan ko naman ang mag-ina na bumili na at wala pang benta ang bata.

Hindi ko alam kung napilitan dahil nandoon ako at nakabalagbag sa dibdib ko na ako’y midya, bumili ng isang piraso ang mag-ina. Pag-abot ng kanilang bayad na isandaang piso, sabi ng bata, “naku ate wala akong panukli, wala pa talaga akong benta.” Inabot pa rin ng bata ang pera at sinabing ipapalit na lang niya sa ibang vendor.

Pagkalayo ng bata sa kanyang paninda at sa amin, sinabi ng anak ng ale na huwag nang kunin ang sukli. Agad namang nakabalik ang bata at sinabing, “ate, walang barya eh,” sabay abot sa dalawang tig-P50 pesos.

“Sige, sa iyo na lang lahat iyan,” sabi naman ng aleng nakilala kong si Milagros Yacat.

Bagamat nagulat ang bata, atubili pa rin siyang itago ang pera. Nang makalayo na ang mag-ina na nakangiti sa kanya, saka na lamang niya itinago ito.

Samantalang ipinagpatuloy namin ang kuwentuhan, panalangin daw ni Rod, tulad din ni Paks, na matapos na ang kanilang paghihirap. “Sana ipagdasal ako ni Pope Francis na makatapos ng pag-aaral at hindi na kami maghirap,” aniya.

Habang ikinukuwento niya na masayang masaya siya na nakita niya ang Santo Papa, nasa bahaging homily na ang misa sa loob ng katedral. Dito na ako nagpaalam sa batang nagtitinda na mais.

Pinapanood ko at pinapakinggan ang  mga salita ng Santo Papa. Hindi ko maiwasan na isipin kung naisasapuso nga ba ng mga nagsisimba ang tunay na  kahulugan ng mga salita at adbokasiya ng Santo Papa.

Naalala ko tuloy ang gabing dumating ang Santo Papa, nang makapasok siya sa pansamantalang tirahan sa Papal Nunciature. Nakasakay ako sa isang dyip na puno ng mga debotong galing sa salubong. At habang binabaybay ang kahabaan ng Taft, may sumampang batang namamalimos. Nang tingnan ko ang mga pasahero, hindi man lang sumulyap sa batang nag-abot ng sobre. Ang iba nga sa kanila, nakasuot pa ng t-shirt na nakatatak ang tema ng pagdalaw ng Santo Papa.

Pero wala ni isa man ang nagbigay ng limos sa bata.