Manggagawa

Kawani sa kalusugan, wala pa ring CNA incentive


Natapos ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, pero wala pa ring natatanggap ang mga kawani sa kalusugan para sa kanilang incentive bonus  na itinakda ng kanilang Collective Negotiation Agreement (CNA) para sa taong 2014. Kaya naman nagtipon ang mga kawani sa kalusugan mula sa Philippine Heart Center (PHC), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), at […]

Panawagang pagkakaisa ng mga manggagawang pangkalusugan para sa kanilang mga karapatan. Pher Pasion
Pagkilos ng mga kawani sa kalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers para ipanawagan ang kanilang benepisyo. <strong>Pher Pasion</strong>
Pagkilos ng mga kawani sa kalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers para ipanawagan ang kanilang benepisyo. Pher Pasion

Natapos ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, pero wala pa ring natatanggap ang mga kawani sa kalusugan para sa kanilang incentive bonus  na itinakda ng kanilang Collective Negotiation Agreement (CNA) para sa taong 2014.

Kaya naman nagtipon ang mga kawani sa kalusugan mula sa Philippine Heart Center (PHC), National Kidney and Transplant Institute (NKTI), at Philippine Orthopedic Center sa harapan ng NKTI sa Quezon City para ipanawagan na agarang ibigay ang nasabing bonus.

“Ang dapat na matatanggap namin, ipinangutang na namin para lamang may maihanda ang pamilya namin (sa Pasko at Bagong Taon). Hanggang ngayon patuloy na ipinagkakait sa ito sa amin ng management,” ayon kay Bonifacio Carmona Jr., presidente ng PHC Employees Association.

Ayon sa Joint Resolution No. 4 o Salary Standardization Law III (SSL III) noong 2008, dapat pinaglalaanan at ibigay ang CNA incentive bonus sa lahat ng mga empleyado (management at maging mga nasa rank-and-file) ng gobyerno na mayroong CNA na nabuo sa bawat ospital o institusyon.

Pero ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), binaluktot mismo umano ni Budget Sec. Florencio Abad ang nakasaad sa SSL III sa paglalabas ng DBM Circular na ang CNA Incentive Bonus ay dapat nakabase pa rin sa “savings.”

Panawagang pagkakaisa ng mga manggagawang pangkalusugan para sa kanilang mga karapatan. <strong>Pher Pasion</strong>
Panawagang pagkakaisa ng mga manggagawang pangkalusugan para sa kanilang mga karapatan. Pher Pasion

Nauna na umang naging dahilan ng management ng mga ospital na wala umanong savings. Pero hindi naniniwala dito ang AHW.

“Dapat Setyembre pa lang, inaaral na nila ito para sa mga benepisyo ng health workers. Dapat Nobyembre o Disyembre na tatanggap na ito. Pero hanggang ngayon, wala pa,” ani Remy Ismael ng AHW.

Para naman kay Jose Espanillo, presidente ng NKTI Employees Association-AHW, bagamat kumikita ang mga ospital ng GOCC (government owned and controlled corporations), hindi sumusunod dito ang kasiguraduhan sa mga benepisyo ng mga kawani. Gayundin walang kasiguraduhan ang pagtaas sa kanilang mga sahod at kasiguruhan sa trabaho.

“Mismong gobyerno ang nagpapatupad ng kontraktuwalisasyon sa mga empleyado sa lahat ng porma gaya ng job order at contracting-out-of-services. Ang anti-manggagawa na programa na ito ng gobyerno ang naglalayong paliitin ang sahod ng mga manggagawa,” ayon kay Espanillo.

Sinusuportahan naman ng kawaning pangkalusugan ang panawagang P16,000 national minimum wage ng mga manggagawa sa iba’t ibang institusyon. Gayundin, panawagan nilang itaas ang sahod ng mga nars sa P25,000 upon entry.

Mercy and compassion ang sabi ng Santo Papa. Pero ang mga direktor, ang mga namumuno sa ospital walang mercy at compassion sa mga kawaning pangkalusugan,” ayon kay Ismael.

Nagbanta naman ang AHW na kakasuhan nila ang mga direktor ng mga GOCC hospital.

Katulad ito ng ginawa sa mga direktor ng  Philippine Children Medical Center na napatunayang guilty sa kasong unfair labor practice ng Civil Service Commission kung hindi pa rin ibibigay ang nasabing bonus. Kasalukuyang nasa Court of Appeals ang nasabing kaso.