Pambansang Isyu

Pagtago ng DSWD sa mahihirap noong pagdalaw ng Santo Papa, kinondena


Sinugod ng iba’t ibang grupo ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City kaugnay ng pagdadala ng mahihirap sa isang mamahaling resort sa Batangas sa panahon ng pagbisita sa bansa ng Santo Papa. Tinatayang 490 maralita pamilya ang dinala ng DSWD sa resort na Chateau Royale sa Nasugbu, Batangas para […]

Ayon sa grupo ng maralita, itinago sila sa pagdating ng Santo Papa sa bansa. Pher Pasion
Joms Salvador ng Gabriela sa protesta sa harapan ng Department of Social Welfare and Development para kondenahin ang nasabing ahensya sa pagtatago umano sa mga mahihirap noong pagbisita ni Pope Francis sa bansa. <strong>Pher Pasion</strong>
Joms Salvador ng Gabriela sa protesta sa harapan ng Department of Social Welfare and Development para kondenahin ang nasabing ahensya sa pagtatago umano sa mga mahihirap noong pagbisita ni Pope Francis sa bansa. Pher Pasion

Sinugod ng iba’t ibang grupo ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City kaugnay ng pagdadala ng mahihirap sa isang mamahaling resort sa Batangas sa panahon ng pagbisita sa bansa ng Santo Papa.

Tinatayang 490 maralita pamilya ang dinala ng DSWD sa resort na Chateau Royale sa Nasugbu, Batangas para umano sa pagsasanay ng Modified Conditional Cash Transfer (MCCT). Ginastusan ang nasabing “training” ng P4.3 Milyon o P1,193 kada tao sa loob ng anim na araw. Kabilang din dito ang mga staff ng nasabing ahensya.

Paliwanag ng DSWD, nagkataon lamang umano na nataon ang nasabing training sa pagdalaw ng Santo Papa sa bansa at hindi layon na itago ang mga mahihirap.

Matapobreng kalihim

Ayon sa grupong pangkababaihan na Gabriela, wala sa dapat na katangian ng pagiging kalihim ng DSWD mayroon si Soliman, gaya ng pagpapahalaga at pagkalinga sa mahihirap at mga biktima ng kalamidad.

Tinutukoy ng grupo ang naunang mga tugon ng ahensiya sa mga biktima ng kalamidad gaya ng mga bagyong Pablo at Yolanda, at ngayon naman sa mga “paglilinis” sa mga daraanan ng Santo Papa.

“Hindi na natin maintindihan kung saan kumukuha ng kapal ng mukha itong si Soliman. Dapat ang middle name niya ay ‘Matapobre’. Ang ahensiya ng gobyerno na dapat sana’y kumakalinga sa mahihirap ang siya pang napakamatapobre at kontra-mahihirap,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Ayon sa grupo ng maralita, itinago sila sa pagdating ng Santo Papa sa bansa. <strong>Pher Pasion</strong>
Ayon sa grupo ng maralita, itinago sila sa pagdating ng Santo Papa sa bansa. Pher Pasion

Ayon pa kay Salvador, testamento ng pagiging kontra-mahihirap ng administrasyong Aquino ang pananatili  at proteksiyon kay Soliman sa puwesto.

Ipinagtanggol naman ni Presidential Spokesperson Abigail Valte ang posisyon ng DSWD. Ginawa umano ang nasabing “training” sa Batangas para sa ebalwasyon ng mahihirap na isinama kung maaari sila sa programang pabahay ng gobyerno.

Ayon naman sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), hindi na bago ang ganitong hakbang ng DSWD para pagtakpan ang kahirapan sa bansa.

“Mula pa noong trahedya sa Payatas, ganito na ang ginagawa na itago ang mahihirap sa mga kamera o sa mata ng buong mundo dahil bigo ang gobyerno na solusyunan ang ugat ng kahirapan sa bansa,” sabi Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay, sa Pinoy Weekly.

Panawagan ng Kadamay sa kinatawan sa bansa ng Vatican na Papal Nuncio na agarang iparating sa Santo Papa ang ginagawa ng gobyerno para pagtakpan ang kahirapan sa pagdalaw nito sa bansa.

“Ang naging ‘seminar‘ ng mga street dweller sa isang mamahaling resort sa Batangas ay panibagong kaso ng paglustay ng pondo ng taumbayan para sa pansarili nitong interes at hindi dapat ito palagpasin ng taumbayan,” ayon kay Badion.

Ayon naman sa Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, desperadong hakbang ang ginawa ng DSWD para pagtakpan ang bigong paglutas sa kahirapan sa bansa. Hindi rin MCCT ang solusyon sa kahirapan sa bansa at lalong bulnerable lamang ang programa sa korupsiyon.

“Ang kailangan ng mga maralitang pamilya ay regular at disenteng trabaho, batayang serbisyong panlipunan katulad ng pabahay, kalusugan at edukasyon, upang magkaroon sila kahit man lamang katiting na pag-asang mabuhay ng maayos, lalo na sa papatinding kalagayan ng kahirapan at krisis,” ayon kay Kharlo Manano, pangkalahatang kalihim ng Salinlahi.

Imbestigasyon sa Kamara isinulong

Inihain naman ng tatlong mambabatas sa ilalim ng Makabayan bloc sa Kamara ag House Resolution No. 1839 na naglalayong magkaroon ng congressional inquiry kaugnay ng MCCT ng DSWD lalo na ang programa na sangkot ang pagdadala ng 490 pamilya sa Batangas noong pagbisita ng Santo Papa.

Pingunahan nina Kabataan Rep. Terry Ridon, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, at Bayan Muna Rep. Isagani Zarate ang nasabing resolusyon na nagpapatawag kay Soliman sa Kamara para ipaliwanag ang kontrobersiya.