Main Story

PROFILE | Marissa Cabaljao: Ang babae sa gitna ng unos


Bakit nga ba pangalan ng babae ang tawag sa mga bagyo? Isang paliwanag na di-maririnig sa mga nagpauso nito: dahil mga babae at bata ang pinaka-bulnerable tuwing may bagyo. Mga magsasakang kababaihan at mga bata, kung tutuusin. Ngayong Buwan ng Kababaihan, isa sa pinakamainit na isyung kinakaharap ng mga babaeng magsasaka, lalo na sa Eastern […]

    Si Marissa, sa pagkilos noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Mendiola, Manila. <strong>KR Guda</strong>
Si Marissa, sa pagkilos noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Mendiola, Manila. KR Guda

Bakit nga ba pangalan ng babae ang tawag sa mga bagyo? Isang paliwanag na di-maririnig sa mga nagpauso nito: dahil mga babae at bata ang pinaka-bulnerable tuwing may bagyo. Mga magsasakang kababaihan at mga bata, kung tutuusin.

Ngayong Buwan ng Kababaihan, isa sa pinakamainit na isyung kinakaharap ng mga babaeng magsasaka, lalo na sa Eastern Visayas, ang epekto sa kanila ng bagyong Yolanda—mahigit apat na buwan makaraan rumagasa ito. Isa sa mga biktima nito si Marissa Cabaljao, 27, lider-barangay at isa sa convenors ng People Surge, organisasyon ng mga biktima ng Yolanda sa Leyte at Samar.

Sa pagkakasulat ng artikulong ito, nasa Maynila si Marissa at iba pang kinatawan ng People Surge. Layunin nilang kalampagin ang administrasyong Aquino para ibigay ang kanilang mga kahilingan, tulad ng P40,000 kagyat na tulong sa bawat pamilyang nasalanta,  pagtigil sa patakarang “No Build Zone” sa kanilang mga lugar malapit sa dagat, at tuluy-tuloy na relief hanggang sa liblib na mga pook.

Kakaiba ang tapang na ipinakita ni Marissa, mula nang mabiktima ng bagyo, hanggang maging boses ng mga survivor ng Yolanda.

Lider-Magsasaka

Tubong Pinabacdao, Western Samar si Marissa, at bunso sa walong magkakapatid. Siya at isa pang kapatid lang ang nakapagtapos ng hayskul. Naninirahan ang pamilya nila sa isa sa tinatawag na ‘upland barangays’—malalayong purok na kadalasang di na naaabotng panlipunang serbisyo at de kalidad na edukasyon na dapat ipinagkakaloob sa kanila ng gobyerno.

Lumaki si Marissa na may pagpapahalaga sa pagtulong sa kapwa. Kahit over-protective at piyudal ang pagpapalaki at pagsubaybay hanggang sa ngayon ng mga magulang, hindi siya nagpapatalo sa anumang bagay na nais gawin. Tulad na lamang ng pagiging aktibo sa mga samahan at mga gawaing pang-barangay. Sekretarya siya ng Magdawat Farmers Association, Pinabacdao Farmers Association at pati na din ng Brgy. Magdawat sa Pinabacdao.

Buhay ang bayanihan o sama-samang pagsasaka sa mga magsasaka. Iisang loteng produksiyon lamang ang sinasaka nina Marissa, na hindi sila ang may-ari.  Sabi niya, “Sagot pa namin lahat ng gastos, kaya minsan di rin kami nakakakain sa aming sinasaka dahil ang bahagi namin ay pinambabayad ng utang.”    Sa 100 sako ng bigas 25 sako ay sa may-ari napupunta at ang 75 sako kina Marissa. Dahil binabawas pa ang gastos sa pagsasasaka at pagtatanim hanggang sa harvesting—krudo, labor, patubig, pag-araro, seedlings—wala na halos natitira sa kanila.

Puno ng sakripisyo ang buhay nila, ngunit masarap at dakila ang pagiging magsasaka. Kahit ang babae ay kinikilala na sa kanyang partisipasyon sa produksiyon.  Sabi nga ni Marissa, “Hindi sagka ang pagiging babae para makapag-ambag at makatulong sa aming lugar. Naibabahagi ko ang aking opinyon nang maluwag at kinikilala ang aking mga pagtingin at mungkahi para sa aming lugar. Masaya ako kapag nagkakatulungan at alam kong nakakakain ang lahat.”

Nagsosolong-Ina

Dalawa ang anak ni Marissa at solo niyang pinapalaki, sa tulong ng kanyang mga magulang. Hiwalay siya sa kanyang asawa. Para kay Marissa hindi madali ang magpalaki ng mga anak nang mag-isa. Pero gusto niya na ito kaysa madalas silang magtalo ng kanyang asawa dahil sa pagtulong ni Marissa sa kapwa. Nais ng asawa na tutukan na lamang niya ang kanyang mga anak.

Pinapalakas din ni Marissa ang loob ng ibang kababaihan. Sa tingin niya, kung hindi na masaya sa relasyong mag-asawa ang babae, at hindi na ito nakakatulong sa kanyang pag-unlad, at puno lang ng tensiyon ang pagsasama, maigi pang magbigay ng espasyo para sa sarili, at opsiyon ang makipaghiwalay.  “Hindi naiintidihan ng lalaki na lahat ng gawain, puro sa babae na lang,” ani Marissa. “Ang lalaki, matapos magsaka, pag-uwi ay wala ng gagawin, relaks na. Samantala, ang babae nagsasaka din gaya ng lalaki, inaasikaso ang lahat ng anak, tapos pati asawa, at halos wala ng pahinga.”

Bagamat hiwalay, hindi pinipigilan ni Marissa ang mga bata na makipagkita sa kanilang ama. Hindi rin siya sarado na muling makipagrelasyon sa iba. Ang mahalaga ay natuto siya sa kanyang karanasan.

Pagharap sa Bagyong Yolanda

Pagdating ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013, hindi rin nakaligtas sa sakuna ang lugar nila Marissa. May 500 naninirahan sa Brgy. Magdawat. Pero buti na lang at maagang naghanda ang kanilang samahan.

Nobyembre 6 pa lamang, gumawa na sila ng “kurob” o temporary shelter, para iligtas ang maraming matatanda at bata sa kanilang mga kubo na gawa sa kugon. Pinili rin nila ang mga tirahang gawa sa matibay na materyales, at pati barangay center, para maging evacuation centers. Kaya bago dumating ang bagyo umaga pa lamang, nailipat na nila ang mga residente.

“Pero ang bilis ng mga pangyayari,” kuwento niya. “Pinagsabay na hangin at ulan na halos wala na kaming makita. Ala-sais ng umaga, nagliparan na ang mga “atip” (bubong) ng kabahayan. Nasa labas ako noon, dahil tinitiyak naming ligtas ang lahat ng residente.”

Nang humina na ang ulan at bumalik na sila sa mga kabahayan, nagulantang sila sa nakita.

Dugtong niya, “Naubos ang mga niyog, saging, manga at iba pang pananim. Nalimas ang lupa at halos damo na lamang ang makikita. Sa mga pagkakataong tulad nito, kahit pa sabihing lahat ay nalungkot at nanghihina, hindi mo maipapakita ito sa mga kabarangay dahil mas dapat maging matatag, buo ang loob upang mabuhay sa pagkakaisa at tulungan ang mga residente.”

Pinabayaan ng gobyerno

Si Marissa, kasama ang People Surge at si Monique Wilson noong International Women's Day. <strong>KR Guda</strong>
Si Marissa, kasama ang People Surge at si Monique Wilson noong International Women’s Day. KR Guda

Bago pa dumating ang Yolanda ang Brgy. Magdawat ay biktima na ng kapabayaan ng gobyerno. Mailap ang serbisyong sosyal, tulad ng pagpapagamot at edukasyon, at lalo na ang suporta sa pagtatanim tulad ng pataba at patubig na dapat sana’y manggaling sa Department of Agriculture. Napakamahal din ng singil sa kuryente. Masahol ang kawalan ng hustisya. Noong panahon ng “berdugong” si General Jovito Palparan Jr. sa Samar, pinagbintangan pang mga rebelde ang isa sa mga kapatid ni Marissa at pinaslang.

Matapos ang bagyong Yolanda, sa loob ng dalawang linggo ay may nakakain pa sila. Aniya, “Lahat ng bumagsak at nasirang produkto na mapagtitiyagaan mula sa lupa ay aming kinukuha at kinunsumo. Tigil ang trabaho sa bukid dahil nawasak ang lahat at tinangay ng bagyo ang aming kagamitang pambukid.  Puro ‘duma’ –kamote, kasaba, gabi, root crops ang aming kinakain.”

“Yung iba nakakakain dahil sa usura,” patuloy niya. “Bayad palay o katumbas ng P120 kada araw (ang nakukuha nila) pero sa ilang bahagi lamang ito ng lugar. Wala ka nang makitang pambenta kahit sa araw ng palengke. Naging kalakaran ang bigayan o barter. Bayad palay o root crops ang pinairal.”

Kaugnay naman ng relief, hindi ito sumasapat. Lahat ng relief ay nagmumula sa nongovernment organizations at wala sa gobyerno. “Minsan lang nagbigay ang Department of Social Welfare and Development— 2.5 kilo ng bigas at dalawang sardinas na yupi at durog-durog na noodles,” patotoo ni Marissa. Pero nang manawagan siya sa radyo para katawanin ang People Surge biglang naglabas ng relief sa mga di pa nabibigyan.

Masalimuot ang proseso sa relief. Barangay officials ang kumukuha ng relief, sa pangunguna ng punong barangay at day care worker, at dapat pirmado ng punong barangay ang beneficiary sheets. Ang naunang mga nabigyan, hindi na binabalikan pa, dahil kulang na raw ang relief. Kaya dinala sa ‘food for work’ ang pagtulong daw sa kanila–pero 65 tao lang kada barangay ang kinukuha. “Nasa emergency situation kami,” diin ni Marissa, “at kailangan ng mga tao ng pagkain sa araw-araw. Hindi kami nanlilimos at sanay kaming magtrabaho kaya dapat sana nauunawaan ang aming kalagayan.  Tinanggihan na kami ni DSWD Sec. Dinky Soliman, pero pinalalabas niyang nagkaisa kami. Tuso siya at mapagkunwari.”

Sa kabila ng pagsisikap ng People Surge, patuloy silang hindi pinapansin, nilalait at inaapi ng administrasyong Aquino. Galit na pahayag ni Marissa, “Kaming mga mahihirap ay parang ahas na gumagapang sa lupa ng tahimik na kapag naapakan ay nanunuklaw din. Kaya sa halip na maging arogante ang gobyerno ni Aquino, napapanahon lamang na kanyang pakinggan ang aming kahilingan at kumilos siya nang tama. Kung hindi, matutulad siya sa nakaraang mga pinuno na napatalsik sa puwesto ng mga mamamayang lumalaban at nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.”

Tunay na para sa mahihirap

Sa darating na Abril 8, magdadalawang buwan na ang Preople Surge sa Manila.

Bigo man silang matulak ang administrasyong Aquino sa mga hiling nila, sinabi ni Marissa na mas higit naman silang natuto sa naging karanasan. “Talagang walang maaasahan sa mga namumunong kailanman ay di nakaranas ng kahirapan,” buong pait na salita ni Marissa.

“Pero buong loob naming haharapin ang ganitong sitwasyon. Naniniwala kami na tanging sa sama-sama naming pagkilos at paggawa makakamit ang pag-asa, at muling pagbangon, ano pa man ang sakunang kahaharapin namin,” sabi pa niya.

Para kay Marissa at sa People Surge “ang tanging solusyon ay baguhin ang sistema, magkaisa at magtayo ng gobyerno para talaga sa mga mamamayan.” Nais nilang magkaroon ng tunay na pagbabago, at isa lamang ang kaseguruhan sa pagtitiyak ng serbisyo para sa mga mamamayan. Higit pa rito, nais nila na maseguro rin ang pagbabahagi ng lupa sa nagbubungkal na siyang may karapatan talaga sa lupa.

Inaasam-asam ni Marissa ang araw na wala nang magulang na mawawalay sa mga anak dahil hindi na kailangan lumayo para magkatrabaho. “Ang pangarap ko ay makasama ang aking pamilya, magkaroon ng kinabukasan ang aking mga anak,” pagtatapos niya.